Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2012

tungkol sa malakas na hangin ngayong gabing nag-iisa

Maliwanag na ang mga tala nang ipasiya kong lumabas sa lungga. Ngayong bakasyon, ang mga tao sa aming gusali ay nagsiuwian sa kani-kanilang mga kamag-anak. Nababalot ng katahimikan ang paligid, anupat naririnig kong waring umaalingawngaw ang mahihina kong yabag sa mga pasilyo. Ang kumukurap na mga ilaw at ang tunog ng dahan-dahang nagsasarang pinto ay nagpapaalala ng mga tagpo sa mga pelikulang katatakutan.

tungkol sa sandaling pagsikat ng araw ngayong hapon

Pagkatapos ng mga linggo ng tuluy-tuloy na ulan at niyebe, sumikat na ngayon ang araw.  

tungkol sa video chat

Mga isang dekada ang kaagahan, ang mga teknolohiyang pangkaraniwan na lamang ngayon ay mga bagay na kinasasabikan pa lamang ng madla, pinaplano pa lamang sa mga laboratoryo at industriya. Gaya halimbawa ng libreng pagtawag na may video sa pamamagitan ng Internet. Sa tulong ng Skype at Google Talk, naging posible nang magkausap nang libre ang mga magkakapamilya at magkakaibigan mula sa magkakalayong mga lupalop ng mundo.

tungkol sa "Tama na"

Lahat daw ng sobra, masama. Kaya dapat may kontrol sa sarili. At some point, dapat nang sabihin: "Tama na." Ang araw-araw na buhay ko dito ngayon ay isang walang katapusang pagtutunggali ng katawan ko na gusto pa at ng utak ko na nagsasabing "Tama na." Sa unang tunog pa lang ng alarm sa umaga, nariyan na ang katawan na ayaw pang kumawala sa mainit na yakap ng kumot, habang pinagmamadali naman ng utak na bumangon na. Pagkatapos magluto ng masarap na almusal, busog na ang tiyan pero gusto pa niya; sinasabihan na siya ng utak na tama na. Mauubos ko na rin ngayon ang isang litrong Coke kahit pa alam kong dapat na akong tumigil.

tungkol sa Europa

Ang kontinente ay batbat ngayon ng mga problema. Pangunahin na rito ang problema sa pagbagsak ng ekonomiya ng mga miyembrong bansa ng pinag-isang pananalapi. Usap-usapan din ang naging pasiya ng Nobel Committee na igawad ang parangal para sa kapayapaan sa pinagkaisa nilang Samahan. Bawat bansa ay marami ring kinakaharap na mga panloob na suliranin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, nananatili pa rin ang kinang at panghalina ng Europa para sa akin.

tungkol sa pag-uwi

May mga salita rin namang maaaring gamitin bilang katumbas ng salitang-ugat na uwi o ng pangngalang nagmula dito, pag-uwi . Ang una kong naisip ay balik , pagbalik . Ang mungkahi ng Google Translate ay buwelta , pagbuwelta , na hiram mula sa Kastila. Isang malayong kahambing ang sauli , pagsasauli , na mula naman sa salitang ugat na uli na, kapansin-pansin, maaring hango rin sa (o pinaghanguan din ng) uwi  (sa katunayan, sa pagkakaalam ko, sa mga wika sa Visayas, ang uli  ang katumbas ng Tagalog na uwi ). Pero mas makahulugan pa rin ang salitang uwi  kaysa sa lahat ng mga katumbas nito -- mas makikita ito kapag sinubukan natin itong isalin. Habang ang lahat ng iba pang salita ay pwedeng maging katumbas ng salitang Ingles na return  (o turn , o (turn/go) back ), ang nabanggit na tatlong-titik na salitang Filipino lamang ang maaaring itumbas sa return home . Hindi na natin kailangang banggitin ang mas mahabang bumalik sa tahanan  o bumuwelta pabalik sa tahanan...

tungkol sa magkaibigan

Magkaibigan sila. Iyon ang alam ko, ang alam ng lahat. Mabibilang sa daliri ang mga pagkakataon na hindi sila magkasama sa klase, sa kainan at inuman, at kahit pa sa paglilibang. Nililinaw ko lang, hindi mo kasi sila kilala. Baka mapagkamalan mong magkapatid (naging magkahawig na rin yata sila e). Baka maisip mo na kambal; pareho rin kasi ang timbre at tono ng kanilang pagsasalita. O, gaya ng akala ng maraming unang nakamasid sa kanila, magkasintahan. Lagi rin kasi silang magkasama sa mga larawan sa Facebook. May pagkakataon pa nga na naka-crop lang ang isa sa profile picture ng isa pa (mabuti at hindi pa pareho ang larawang napili nila).

tungkol sa maliwanag na buwan

Akalain mo. Nakakasilaw din pala ang buwan.

tungkol sa mga puno sa siyudad

Sa Kalakhang Maynila, ang paglago ng kalunsuran, sa pangkalahatan, ay naging katumbas na ng pagkaunti naman ng mga puno at berdeng espasyo. Ortigas Center. Kuha ni Ramir Borja. Larawan mula sa Wikipedia .

tungkol sa mga dahilan kung bakit mamimiss mo ako

Mamimiss mo rin ako, kapag napapadaan ka sa harap ng walang-lamang kuwarto. Kapag napapasilip ka rito, maaalala mo rin noong hindi pa ito nakakandado, nang hindi iilang umaga at tanghali at hapon ang inubos mo sa loob para mangulit, maki-aircon, at maki-meryenda, o basta makipag-usap tungkol sa kung anu-ano.

tungkol sa mga paraan ng pagpapalaganap ng edukasyon

Naantig ako sa mga balita nitong nakaraan. Ang isa ay ang ulat tungkol sa isang batang Pilipino na nagwagi ng isang prestihiyosong parangal dahil sa adbokasiya niya sa pagtuturo sa mga batang lansangan. Labintatlong taong gulang pa lang ang batang ito, at siya mismo ang naging biktima ng mga bagay na pinipilit niya ngayong labanan. Kung tutuusin, mas madali sana na sumuko; kung tutuusin, wala siya sa kalagayan, at yaong mga nasa kalagayan ay waring hindi naman interesado na gawin iyon. Pero kabaligtaran ang ginawa niya; mas naging mapuwersa pa ang kaniyang mensahe dahil siya mismo ang nagsabuhay niyaon. Ang isa naman ay tungkol sa isang pangkaraniwang tao na nagtayo ng isang di-pangkaraniwang aklatan . Ang sabi nga ng ulat, sa halip na maubos ang kaniyang aklat dahil sa polisiya niyang ipamigay ang mga ito para mabasa, dumami pa ang kaniyang koleksiyon dahil sa tulong ng mga taong nagmamalasakit. Mahal ang mga aklat sa Pilipinas (at may kakaiba pa tayong batas na kumukuha ng mataa...

tungkol sa Happy Meal ng McDo

Dito sa Dresden, pinakamarami ang outlets ng McDonalds sa lahat ng mga fastfood. Dahil napaka-accessible nito, halos buwan-buwan ay may pagkakataon akong bumisita. Kung tinatamad magluto, o inabot na ng gutom. O kaya naman, kung, tulad ngayon, naisipan kong basta lumabas at magliwaliw. Ang McDonalds sa Prager Straße sa Dresden. Kung pangglobong presensiya ang pag-uusapan, ang McDonalds naman talaga ang nangunguna at di pa napapantayan. Napasok ng McDo ang halos lahat ng mga bansa, kahit pa yaong mga ayaw sa impluwensiyang Amerikano. Siyempre pa, may mga pagkakaiba sa menu sa iba't-ibang lugar upang bumagay sa mga lokal na tradisyon at panlasa. Sa Pilipinas, halimbawa, may  fried chicken at spaghetti (na matamis din, parang sa Jollibee). Kamakailan lang, sa India, nabalitang may bubuksang isang vegetarian restaurant . Pero kahit may pagkakaiba, mayroon ding mga pagkakatulad. Halimbawa, ang pangunahing pagkakakilanlan nito na Big Mac ay tiyak na nasa lahat halos ng o...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa biyahe

Ako ang taong hindi lalabas ng bahay kapag hindi kailangan. Minsan pa nga, kahit kailangan e. Kahit pa nanggigilalas ako sa pagtingin sa magagandang tanawin mula sa mga larawan o video, nag-aalangan pa rin akong aktuwal na pumunta sa gayong mga lugar. Sa palagay ko, hindi sulit ang hassle kahit pa gaano kaganda ang lugar. Alam ko... ako na ang boring. ***** Pero kapag nagbyahe naman ako, gusto ko ay talagang nakaplano. Dapat ay nasuri ko na ang lugar, nasipat ang mapa (at ngayon, pati StreetView mula sa Google Maps), alam ko na ang mga bibisitahin, natantiya ko na ang distansiya, alam ko na kung saan liliko at dederecho, kung sino ang kakausapin, at kung magkano ang ilalabas ko mula sa pitaka. Bukod sa stress na dulot ng pagpaplano, nagdudulot din ng stress sa akin kapag may kahit kaunting mga detour mula sa mga plano. Ito ang tinutukoy kong hassle kaya ayokong maglalalabas. Sa paghahangad na maging hassle-free ang biyahe, mas naha-hassle ako.

tungkol sa kasaysayan

Ang unang beses na sumabak ako sa isang contest noong high school ay sa isang school qualifiers para sa isang contest sa history. Tig-dalawa bawat year level ang kasali, at kami ng kaklase kong si Paul ang napili. Ang alam ko, biglaan lang iyon; hapon na at nakauwi na ang karamihan, kaya ako napili (dahil wala nang ibang madampot). Siyempre pa, lugi kami sa mga mas nakatatanda; habang dinadaanan pa lang namin ang kasaysayan ng Pilipinas, ang mga nasa ikalawang taon ay nasaklaw na ito at nag-aaral na rin ng sa Asya; ang mga nasa ikatlong taon naman, medyo naiiba, economics ang kinukuha; at ang mga senior, nadaanan na itong lahat at may kaunti na ring alam sa kasaysayan ng daigdig. Akalain mo nga naman. Nag-second place ako sa isang fourth year student. Pero isa lang yata ang kailangan. Kukunin daw akong alternate pero sa paanuman ay hindi na ito natuloy.

tungkol sa mga gabing walang tulog

Maraming pagsasaliksik ang nagpapatunay ng halaga ng pagtulog sa pagmamantini ng mga proseso ng katawan. Ang mata at ang iba pang mga parte ng katawan na sensitibo sa ilaw ang kumokontrol sa maraming mga proseso, lakip na ang pagtulog. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang pagtulog ay dumarating sa gabi, kapag madilim. Pero dahil sa trabaho at sa marami pang aspekto ng abalang buhay sa mga lunsod ngayon, ang gabi ay nagiging araw na rin para sa marami. Hindi na regular ang siklo ng pagtulog at paggising para sa maraming kabataan na buhay na buhay ang night life. Ang mga nagtatrabaho naman ay nagpapalit-palit ng pattern ng pagtulog dahil sa pagbabago ng shift sa trabaho (nakilala ko ang team leader ng isang grupo ng mga mananaliksik na Pilipino at Aleman na patuloy pa ring nag-aaral sa mga epektong dulot ng shift work sa mga empleyado).

tungkol sa mga paksa at dalas ng pagsusulat sa blog

Sa taong ito (na hindi pa tapos), ang dami ng post ko sa blog ay lumampas na sa pinakamaraming taunang produksiyon ko. At ngayong Setyembre lang ng taong ito, nalagpasan ko na ang dami ng mga sanaysay na nagawa ko sa buong 2010. Nitong mga nagdaang araw, sinikap kong magpaskil araw-araw sa mga birtuwal  na "pahina" ng blog na ito.

tungkol sa mga barya

Naabutan ko pa ang mga panahon noong mas marami pang uri ng barya sa Pilipinas. Pero noong panahong iyon, wala na rin halos na halaga ang mga mamera , ang mga pakuwadradong barya na may mukha ni Lapu-Lapu at larawan ng Pandaca pygmea  sa likuran. Nagkakahalaga ito ng isang sentimo. Sa katunayan, kakaunti na lang din ang mga mamera noong panahon iyon, at madalas na lang na pinaglalaruan sila ng mga bata at hindi na ginagamit sa mga transaksiyon. Sa katunayan, sa isang pagkakataon, naaalala kong nakalunok ng isang mamera ang kapatid kong bunso, si Yeye; ibinitin siya ni Papa, hawak ang mga paa, at literal na itinaktak para mailuwa niya ito. Hindi pa nasiyahan, ang alaga naman naming itik ang napagdiskitahan; habang kumakain ito, nilagyan namin ni Yeye ng mamera ang kaniyang kainan, na agad namang nginasab ng pobre. Nang katayin ang itik bandang huli, nakita ang mamera sa kaniyang bituka, burado na ang mga dibuho sa magkabilang mukha.

tungkol sa Eraserheads

Nasa elementarya ako nang unang pumutok ang phenomenon na siyang Eraserheads. Unang album. Larawan mula rito . Tandang-tanda ko pa nang mabalita noon na ang album nilang Ultraelectromagneticpop  ay ipa-recall; ang lahat ng tapes nila ay inalis sa mga tindahan dahil pinapalitan ng sensura ang liriko nilang may mura ng, well, mas "magaan" na mura.

tungkol sa edukasyon

Nabasa ko ang tungkol kay Jenny. Ang  istorya ng isang kabataang Aeta mula sa Tarlac na talagang nagsisikap para lang makapasok. Pinanood ko rin ang video ng interview ng Inquirer sa kaniya . Grabe. Dalawang oras na naglalakad sa delikadong mga daan ang batang ito para lang makapasok. Isip-isipin na lang kung ano ang kalagayan nito sa tag-ulan: maputik, madulas. Sa tag-araw naman: marumi, maalikabok. Kung minsan, wala pang pagkain ang bata. Pero hindi niya ito alintana; ayon sa kaniyang guro, lagi siyang pumapasok sa paaralan at aktibo sa mga gawain doon. Kaya naman matapos ang anim na taon, nagtapos siya sa elementarya noong Marso. At ngayon, ipinagpapatuloy niya ito sa high school. At gusto niyang maging guro upang makatulong din sa iba na tulad niya.

tungkol sa pagiging ama

Masama ang pakiramdam ko ngayon. Buong araw lang ako nakahiga. Dahil sa unti-unting paglamig ng panahon sa pagdating ng taglagas, nilalagnat na naman ako. Hindi na (naman) ako pumasok. Pero pagdating ng mga alas-nuwebe ng umaga dito (alas-tres ng hapon sa Pilipinas), nagchat si Anjali. Nagtatanong kung online ba ako (lagi akong invisible). Habang nakahiga, nakapatong ang computer sa upuan sa tabi ng kama, nagchat ako ng isang mabilis na "yup" gamit ang isang kamay. Nagpatuloy pa siya: sabayan ko daw ang kanilang magdamagang puyatan para sa SPP. ***** Hindi ko alam kung paano nagsimula, pero dumating ang panahon na hindi na ako "Sir" kundi "Ama" kay Anjali at kay Abby. Siguro ay dahil sa itsura; mukha na talaga akong matanda sa edad ko, hehehe. Pero mas malamang, nagsimula iyon sa kantiyawan dahil sa pag-aalaga ko sa kanila bilang adviser. Kahit pa research lang ang pangunahin kong responsibilidad sa kanila, bandang huli ay naging papel ko na ri...

tungkol sa mga bagay na kailangan

Kaninang umaga, pagsakay ko sa tram, may isang mama na hindi mapakali. Patayu-tayo siya, may sinasabi (siyempre hindi ko naintindihan kasi Aleman). Napapatingin sa kaniya ang mga tao, at ang ilang matatanda ay napapailing pa. Yun pala, nagmamadali siya. Siguro, ang pagsakay ko ay dahilan din ng pagkainis niya; sa mga oras na iyon, madalas na walang tao sa istasyong iyon, pero nagkataon namang na-late ako ng gising at ako lang ang tao. Napahinto pa tuloy ang dapat sana'y dederecho na lang na tram. Ang masama pa, pagkatapos kong sumakay, nag-berde na ang ilaw para sa mga kotseng pa-cross. Samakatuwid, naghintay pa ang tram. Pasensya na lang manong ...

tungkol kay Ninoy

Tungkol pala sa ESDA ang pinakauna kong post dito (well, actually dati nasa Friendster blogs ko iyon, nilipat ko lang dito). Ang pamagat nito ay hindi pa nagsisimula sa "tungkol sa" dahil hindi pa noon naiisip na lagyan ng unique na istilo ang aking pagsusulat. Iyon ang pinakauna kong blog post, noong mga panahong wala pa sa mga kaibigan at kakilala ko ang may blog; sino ba naman ang mag-aakala na lampas anim na taon ko na pala itong ginagawa. Ngayong umaga, may mga pangyayaring nagpaalala sa akin ng mga kaganapan na siya ring naging paksa ng una kong post.

tungkol sa autumn

Lumalamig na ang mga gabi. Ang makapal kong comforter na nakatupi at ginagawa kong unan ay nagagamit nang muli. Nagigising pa nga ako sa kalagitnaan ng gabi dahil sa ginaw. Hay naku. Tama nga ang supervisor ko. "Disappointing summer." May mga panahon din noong nakaraan na ang bilis magpalit ng panahon. Mabuti nga at hindi ako nagkasakit. Haay, isa na naman siguro itong weird na fluctuation.

tungkol kay John at kay Paul

Sumilip muna ako sa Wikipedia: Dapat sana'y magiging 72 na si John sa Oktubre kung buhay pa siya. Si Paul naman ay nag-70 noong Hunyo. Hindi ko alam kung kilala pa sila ng bagong henerasyon, pero kung tagumpay lang din naman ang pagbabasehan, wala pang nakapantay sa dalawang ex-Beatle na ito pagdating sa paglikha ng mga awiting pumatok sa lahat. Nang gawin ni Danny Boyle ang opening ng Olympics nitong nakaraan, isa lang ang nasa isip niya: ang itanghal ang mga bagay na maipagmamalaki ng Gran Britanya sa mundo. Ang finale? Isang pagtatanghal ni Paul McCartney ng Hey Jude na sinabayan ng buong stadium. Ang sabi mismo ni Boyle , nais niyang itanghal ang songwriting skills ni Paul. Itinuturing niya itong isa sa mga maipagyayabang ng UK. Kung buhay kaya si John, sino kaya ang pipiliin ni Boyle na magtanghal?

tungkol sa pag-iisa at sa nag-iisa

Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon para basahin ang Filipino transcript ng pahayag ni Tricia Robredo sa libing ni Sec. Jesse Robredo. Malungkot na okasyon iyon -- kamamatay pa lamang ng kaniyang ama -- pero waring mas nakakaantig ang casual at comedic na eulogy ni Tricia. Alam mong wagas ang mga salitang iyon. Galing iyon sa "pinakaiyakin" at "pinakamadrama" sa magkakapatid, gaya ng paglalarawan mismo ni Tricia sa kaniyang sarili.

tungkol sa videoke

Busy ka na siguro? Balita ko ay magtatapos ka na. Tinatapos mo na siguro ang dissertation mo. Talagang hindi iyan madali; nadaanan ko yan (ugh... ayoko nang alalahanin). But then again, sasabihin ng mga tao, " Ikaw naman yan e! "

tungkol sa mga ilog

Larawan: Kuha ni P. Cruz, mula sa Wikipedia . Hinahatid ako noon ni Mama patungo sa Leodegario Victorino Elementary School tuwing Sabado para sa mga Math classes ng MTAP (Mathematics Teachers Association of the Philippines). Kadalasan na, ang ruta namin ay babagtas sa Sumulong Highway mula sa aming bahay sa Cogeo tungo sa Marikina Bayan, at mula roon ay sasakay naman kami ng biyaheng Cubao, na dadaan sa harap ng eskuwelahan. Kung minsan naman ay maglalakad na lang kami mula sa Bayan, lalo kung maaga pa. Sa pagbagtas sa mga rutang iyon una kong nasilayan ang Ilog ng Marikina. Ang ilog ay malayo pa noon sa kasalukuyang itsura nito. Noo'y bagong-talagang alkalde pa lang si Bayani Fernando, at nagsisimula pa lang ang mga kampanya sa paglilinis at pagpapaganda ng noo'y bayan ng Marikina. Pero kahit pa gayon, inaabangan ko pa rin ang bawat pagdaan namin sa tulay. Mula sa isang batang nakatira sa bulubunduking Antipolo, ang malawak at malalim na ilog ng Marikina ay isang kaha...

tungkol sa SPP submissions

Apat na oras ang nakakaraan, dumating ang deadline para sa pagpapasa ng papel para sa ikatatlumpung Physics Congress ng Samahang Pisika ng Pilipinas (SPP). (Hindi ko pa alam kung, gaya ng mga nakaraang taon, na-move ito para bigyang-daan ang iba pang gustong humabol.) Bilang miyembro ng Publications Committee ng National Council ng SPP, may access ako sa mga submission. At naisipan kong sumilip.

tungkol sa baha sa pinakataas na palapag

Nang maitayo ito, maraming nagandahan sa NIP building. Isa na ako doon. Larawan mula rito . Natuwa ako sa lokasyon ng aming laboratoryo. Nasa pinakatuktok ito ng Research Wing. Kuhang-kuha sa larawang ito ang aktuwal na lokasyon ng aming lab, sa kantong-kanto sa pinakataas. Mula sa matayog na lokasyon nito, tanaw na tanaw ang Katipunan at ang mga kapitbahay na Miriam at Ateneo. Sa malayo ay makikita rin ang mga gusali ng Ortigas. Pero gaya ng maraming iba pang magagandang bagay sa mundo, mapandaya ang anyo, at minsan pa itong napatunayan nang muling rumagasa ang malakas na pag-ulan sa Kalakhang Maynila nitong nakaraang mga araw. *****

tungkol sa UPCAT

Kung kailan naman wala na ako sa UP, ngayon ko pa naisipang magsulat tungkol sa simula ng kaugnayan ko rito.

tungkol sa mga Sabado ng katamaran

Hindi pa rin ako lumalabas. Ilang Sabado ko nang pinaplano na lumabas at gumala. Kung tutuusin, isang maliit na bahagi pa lang ng Dresden ang napuntahan ko, at karamihan pa dito ay noong unang punta ko noong Disyembre, at ang iba naman ay noong nandito ang kapatid at bayaw ko. Sa kalagitnaan ng linggo, lagi kong pinaplano na muling gamitin ang mga paa at mata sa paggalugad sa ibang bahagi ng aking lungsod. Pero darating ang Sabado, at may kung anong pang-akit ang kama. May kung ilang balita sa Internet na hindi ko pa nabasa. May kung ilang patak ng ambon na waring kumakatok sa bintana. May kung anong katamaran (na naman) na tumatama sa akin. Kung sabagay; may kung ilang Sabado pa naman na darating.  ●

tungkol sa mga himig ng gabi

Sa labas, pagdungaw sa bintana, makikita ang mga riles ng tram. Ang Tram 13 ay isang Gute Nacht Linie, kaya inaasahan ko na ang maingay na pagdaan ng tren tuwing makaisa o dalawang oras kahit pa sa kalaliman ng hatinggabi. Malapad at maluwang ang sidewalk, at kahit sa madaling araw ay maririnig ang mga rayos ng bisikleta, mga taong nag-uusap. Saan kaya sila nanggaling? Baka sa mga restaurant sa Großer Garten, na dalawang bloke sa timog. O baka naman nanood sila ng sine sa pampang ng Elbe, dalawang bloke sa hilaga. Samantala, sa loob, ang tanging tunog ay ang pag-aalburoto ng refrigerator sa pagpapalamig sa mga laman nito. Binuksan ko ang bentilador, na nakadagdag din sa kakulangan ng tunog. Pinatugtog ko ang mga mp3 ng Beatles para magdagdag ng kaunting ingay, pero dahil tulog na siguro ang mga kapitbahay, kailangang panatilihing mahina pa rin ito. Nakabibingi nga pala talaga ang katahimikan. Kaya habang hinihintay ko ang huni ng magsasalubong na mga tram, ipinikit ko ang mga m...

tungkol sa pagpaplantsa

May panahong ako ang pinakamahusay magplantsa sa bahay. Kahit si Mama ay umaamin dito; hanggang ngayon, mas mabusisi siya kapag nagpaplantsa ng mga damit ko, dahil baka raw may masabi ako. ***** Halinhinan kami noon ng bunso kong kapatid sa paglalaba at pagpaplantsa tuwing Sabado, dahil nasa kolehiyo na ang mga ate namin. Pero sa dalawang ito, mas gusto kong magplantsa, kahit pa noong dumating ang aming washing machine sa bandang huli. Hindi ko gusto ang pagkabasa ng damit, at nakakapagod para sa akin ang pagkusot at pagsasampay. Samantala, may kung anong kasiyahan akong natatamo sa pagwiwisik ng tubig sa nakalatag na damit, paghagod dito ng plantsa, at paghanger sa unat na unat na finished product.

tungkol sa Frankfurt

Lahat ng kuha ko ay sa loob lang ng taxi. Iyon na ang opisyal na paglilibot ko sa downtown.  Bukod sa kawalan ng panahon, hindi ako nakapaglibot dahil nalula ako sa Frankfurt.  Sa katunayan, ikaapat beses ko na ito na tumapak sa Frankfurt. Ang Frankfurt ang entry at exit point ko sa paglapag sa Europa mula sa Asya. Bukod sa natural na kaba na dulot ng mahigpit na immigration, tumatak sa isip ko ang eksena ng skyline ng Frankfurt mula sa eroplano. Puno ito ng mga higanteng gusali hanggang sa abot ng tanaw. Malayung-malayo sa halos deretsong horizon ng iniwan kong Pilipinas, o sa mga toreng Baroque ng akin ngayong tahanang Dresden.

tungkol sa pagbisita ng kapatid at bayaw

Binisita ako ng Diche ko (ang "diche" ay isang kataga ng paggalang sa ikalawang pinakamatandang kapatid na babae, pagkatapos ng "ate") at ng asawa niya nitong nakaraang linggo. Inabutan nila ang isang maluwang, walang lamang bahay at ang nag-iisa, walang muwang nilang kapatid. Dalawang buwan na ako sa Dresden pero mabibilang pa rin sa daliri ang mga lugar na napuntahan ko, at napakarami ko pang tanong tungkol sa kalakaran ng buhay. Siguro inuunti-unti ko lang ang pagdiskubre sa mga bagay na ito dahil sa maraming oras at kakaunting salitang Aleman na alam ko.

tungkol sa paglubog ng araw

Romatiko ang gabi. Panahon din ito ng pahinga. Pero mas maraming positibong bagay pa rin ang iniuugnay sa umaga. Sabi nga ni Lucy Maud Montgomery, galing sa Quote of the Day feed sa email ko, "Tomorrow is always fresh, with no mistakes in it." And to paraphrase a hit song by Rey Valera, ang umaga ay nangangahulugan (at katunog pa man din) ng pag-asa . Kaya mas inaabangan ang pagsisimula nito, ang pag-alis mula sa kadiliman ng gabi. Dahil nasa gawing kanluran ang apartment ko, hindi ko nasisilayan ang unang mga silahis ng araw sa umaga. Hindi ako magigising kung hindi pa sa alarm. Kaya hapon ang inaabangan ko.

tungkol sa football

Nagsisimula pa lang sumikat (muli?) ang football sa Pilipinas. Sa mga Pinoy, dahil sa impluwensiyang Amerikano, ang larong ito ay tinatawag na soccer, para mapaiba sa (American) football. Itinuturo ito sa mga paaralan, pero dahil sa mas popular na basketball, sa matagal na panahon ay wala man lang sa radar ng karaniwang tao ang football. Hanggang sa maglaro, at manalo, ang Azkals, ang pambansang koponan, sa Suzuki Cup (nakalimutan ko na ang taon) kung kailan natalo nila ang Vietnam, na siyang kampeon sa Timog Silangang Asya. Mula noon, sabik nang inaabangan ng mga Pilipino ang bawat laban sa football. Nakatulong pa sa euphoria ang pagwawagi ng ikatlong puwesto ng Azkals sa AFC Cup kamakailan. Higit na nakatulong  sa pagpapasikat ng laro ang mala-artistang anyo ng mga manlalaro.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa TV Patrol

Matanda lang ako ng kaunti sa kaniya. Ikadalawampu't limang taon na pala ng TV Patrol, ang kinagisnan ko nang tagapaghatid-balita sa lokal na wika sa telebisyon. Marami nang nagbago: sa dami at pagkakakilanlan ng mga tagapagbalita, sa oras at tagal ng programa, sa teknolohiyang sangkot. Marami nang humahamon sa pamamayagpag nito, mga programang di hamak na mas huling nagsisulpot at may mga tagapagbalitang may istilong bombastiko. Pero hanggang ngayon, ang TV Patrol pa rin ang kumukumpleto sa mga gabi ng maraming Pilipino, anupat parang may kulang kapag hindi mula rito nila nakuha ang balita.

tungkol sa paglalakad ng mga papeles sa mga opisina ng gobyerno

Kailangan ng pera, panahon, at lakas (pati na lakas ng loob) para maglakad ng papeles sa Pilipinas. Dahil ito sa pagsasama-sama ng maraming iba't-ibang salik. Una na rito ang dami ng tao, lalo na sa Maynila at mga kalapit na lugar. Nariyan din ang kakulangan ng pondo ng mga ahensiya para pasulungin ang kalidad ng kanilang serbisyo. Madalas, sangkot din dito ang pag-uugali ng ibang mga tauhan ng mga opisina; bagamat hindi naman lahat, ang iba sa mga ito ay umaasta na para bang utang na loob mo pa sa kanila na gawin nila ang kanilang trabaho. May mga nanghihingi rin ng lagay at pampadulas kung minsan. Literal akong naglakad; nilista ko para di ako mawala. Ito ang unang pumasok sa isip ko nang sabihin ni Sabine (ang mabait na secretary ng aming Institute) na pupunta ako sa mga opisina ng gobyerno. Aba, nagbababala rin ang librong ibinigay niya: asahan na daw na ang mga Aleman ay mahilig sa burukrasya. Dahil sa mga karanasan ko sa Pilipinas, talagang kinabahan ako sa paglalakad...

tungkol sa buhay na mag-isa

Sa ibang kultura, pagtuntong ng isang tao sa isang edad kung kailan maituturing na siyang adulto, kailangan na niyang bumukod sa kaniyang mga magulang at magsimulang magsarili. Sa mga pelikula at sitcom ay katawa-tawa ang paglalarawan sa mga taong hindi gayon ang ginagawa. Ang pamumuhay mag-isa ay ipinagdiriwang, at iniuugnay sa pagpapasiya para sa sarili. Pero sa mga Pinoy, at marahil ay sa maraming iba pang bansang Asyano, baliktad ang kalakaran. Ang mahigpit na buklod ng mga pamilya ay hindi nawawala kahit pa maging adulto ang mga anak, at kahit pa nga magkaroon na sila ng sariling pamilya. Di iilan ang mga kaibigan kong nakatira sa mga compound nina Lolo at Lola, kapitbahay sina Tito at Tita at mga pinsan. Sabihin pa, sa ating kamalayan, ang pagsasarili ay isang bagay na seryosong pag-iisipan; kahit pa mapahiwalay sa pisikal, mas malamang na naroon pa rin ang kaugnayan sa pamilyang iiwan sa ibang aspekto.

tungkol sa Dresden

Sa Hongkong, habang hinihintay ang flight papunta sa Frankfurt. Disyembre 2011 Una akong nakarating sa Dresden noong Disyembre 2011. Halos kalahating taon na noon mula nang makuha ko ang aking Doktorado sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtatrabaho ako bilang Assistant Professor of Physics sa National Institute of Physics ng UP, kung saan din ako nagtapos. Isang kalakaran para sa mga bagong PhD na mag-apply para sa postdoctoral position sa ibang institusyon (kadalasan na ay sa ibang bansa) upang mapalawak ang mga kaalaman, at makakuha ng bagong mga larangan ng pananaliksik na dadalhin nila pabalik sa Pilipinas. Sa puntong ito, naghanap din ako. Lalo pa't ito lang ang paraan para makapanatili ako sa trabaho ko bilang guro. Sa tulong ng aking adviser, si Dr. Christopher Monterola, kinausap namin ang Head ng isang research group sa Max Planck Institute for the Physics of Complex Systems. Si Prof. Holger Kantz ay mula sa Nonlinear Time Series Analysis Group; isang kilalang siyenti...