Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga ilog

Larawan: Kuha ni P. Cruz,
mula sa Wikipedia.
Hinahatid ako noon ni Mama patungo sa Leodegario Victorino Elementary School tuwing Sabado para sa mga Math classes ng MTAP (Mathematics Teachers Association of the Philippines). Kadalasan na, ang ruta namin ay babagtas sa Sumulong Highway mula sa aming bahay sa Cogeo tungo sa Marikina Bayan, at mula roon ay sasakay naman kami ng biyaheng Cubao, na dadaan sa harap ng eskuwelahan. Kung minsan naman ay maglalakad na lang kami mula sa Bayan, lalo kung maaga pa. Sa pagbagtas sa mga rutang iyon una kong nasilayan ang Ilog ng Marikina.

Ang ilog ay malayo pa noon sa kasalukuyang itsura nito. Noo'y bagong-talagang alkalde pa lang si Bayani Fernando, at nagsisimula pa lang ang mga kampanya sa paglilinis at pagpapaganda ng noo'y bayan ng Marikina. Pero kahit pa gayon, inaabangan ko pa rin ang bawat pagdaan namin sa tulay. Mula sa isang batang nakatira sa bulubunduking Antipolo, ang malawak at malalim na ilog ng Marikina ay isang kahanga-hangang tanawin.

Isang araw, dahil napaaga kami ng pagdating, may isang kakaibang ideyang naisip ni Mama. Sa halip na maglakad sa tulay patungo sa aming destinasyon, bumaba kami tungo sa ilog. Noong mga panahong iyon, isang pang-akit sa mga namamasyal ang mga bangkang nagtatawid sa mga tao sa kabilang pampang (nakapanghihinayang na wala na ito ngayon). Sa halagang dalawang piso, sumakay kami ni Mama sa bangka patawid sa ilog; sabihin pa, abut-abot ang kaligayahan at pagkamangha ko.

*****

Bago ako umalis para sa unang pagbisita ko sa Alemanya, kinailangan ko munang asikasuhin ang clearance ko sa DOST. Dahil natapos naman na ang limang-taong return service ko, kinuha ko na ang mga final clearance ko at dinala ito sa Bureau of Immigration upang maalis na ako sa Immigration Watch List. Patiuna kong pinag-aralan ang lugar sa Google Maps: napagpasiyahan kong sasakay ako ng LRT2 hanggang sa Recto, maglalakad sa kahabaan ng Avenida tungo sa FEATI, tatawid sa MacArthur Bridge, at mula roo'y maglalakad pa nang kaunti papunta sa Opisina.

Matanda na talaga ang Maynila. Wala na sa moda ang mga gusali na pinagigitnaan ng pasikut-sikot na mga kalye at eskinita. Pero higit akong nalumbay sa pagkakita sa estado ng ilog Pasig nang tumatawid na ako sa MacArthur Bridge. Sa kanluran, matatanaw ang Jones Bridge at ang wawa ng Pasig papalabas sa Look ng Maynila. Mabaho na ang amoy ng maburak na tubig nito, at sa gitna ng mga water lily ay naglutangan din ang mga basura ng lunsod. Hindi na halos dumadaloy ang ilog; umaalimbukay ito, nakikigaya sa mga mahihinang alon ng kadikit na look.

Larawan ng Pasig na bumubuhos pakanluran tungo sa Look ng Maynila.
Larawang kuha mula sa Google Maps.

Siguro ay may pag-asa pa naman ang Pasig; pero isang matagal at mabigat na proseso pa ang kailangan para muli itong buhayin. 

*****

Kinuha ko ang aking Electronic Residence Card mula sa Foreigners Office ng Dresden kamakailan. Ang Opisinang ito ay nasa pusod ng lumang bahagi ng lunsod, malapit lang sa mga lumang palasyo at simbahan. Sa katunayan, ang katapat na gusali nito ay ang Zwinger, isang dating palasyo na ngayo'y ginawa nang mga museo. Kasama naman nito sa iisang plaza ang iba pang tanyag na pasyalan sa Dresden: An Semper Opera, Teatro, at ang simbahang Katoliko (isang tanyag na bantayog sa gitna ng Protestanteng lunsod). At ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng isang tanyag na ilog sa Alemanya: ang Ilog Elbe.

Matapos makuha ang card (napakabilis ng kanilang serbisyo), naisipan kong maglakad-lakad sa mga lugar na iyon. Bagamat nakapasyal na ako roon, naisip kong dumaan para magpalipas ng oras. Bandang huli, naisipan kong maglakad na lang sa tabi ng ilog Elbe pauwi. Ang malamig na hangin at ang napakagandang mga tanawin ay sapat na para mag-alis ng pagod. Mabuti at nadala ko ang camera para kunan ang mga tagpo.

Sa pampang ng Ilog Elbe

*****

Bandang huli, naging pang-araw-araw na tanawin na lang ang mga ilog sa akin. Tuwing bibiyahe ako papuntang UP mula San Mateo, dumaan man ako sa Tumana, sa Bayan, o sa Marcos Highway, lagi kong kailangang tawirin ang Ilog ng Marikina. Tuwing pupuntahan ko si Steph, lagi kong matatanaw ang Ilog Pasig mula sa Rosario Bridge. At ngayon, sa Dresden, binabalak kong laging sa tabing ilog maglakad pauwi. 

Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang pagkamangha at panggigilalas ko sa mga ilog.

Ang tubig daw ay buhay; kung gayon, ang marahang agos ng tubig sa mga ilog ang siyang simbolo marahil ng tahimik at mapayapang pagdaan ng mga sandali sa pagdaloy ng buhay.  Gaano man maging pangkaraniwan ang "ilog" na ito, desidido akong harapin ang bawat "daloy" ito nang may pagkasabik. ●  

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...