Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid. 



Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda. 

Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinatutugtog na lang sa bawat minuto sa radyo. 

O, kung minsan, gaya ng taong napakahalaga naman sa buhay mo, pero alam mong lagi lang nariyan para sa iyo. 

Habang isinusulat ko ang blog na ito, sumagi sa isip ko ang mga taong gayon sa buhay ko. Mga taong naiwala ko, pero hindi nawala. Mga taong alam kong isang tawag ko lang ay nariyan na, pero hindi makakaasa ng gayon sa akin. Nakalulungkot mang isipin, pero marami sila. Tama pala ang sinabi ng isang kaibigan ko noon (na isa sa kanila, sa katunayan): hindi ako marunong mag-ingat ng mga kaibigan. 

Kung isa man kayo sa kanila, patawad; hindi ko man ito naipapakita, pero hindi nawawala ang halaga ninyo sa puso ko. 

Sa inyo naman, na kasama ko ngayon at nabibilang sa mga kasalukuyang pinapahalagahan ko: Huwag sana kayong magsawa; hinding-hindi ko kayo bibitawan. 

Upang masiyahan sa natatanging mga tagpo sa langit tuwing paglubog ng araw, kailangan mong huminto at tumingala. Ang ganitong mga pagkakataon — walang pasok, pahinga, panahon kasama ng pinakamahahalagang tao sa buhay — ang nawa’y magbigay sa atin ng kinakailangang “pagtingala” sa mga taong iyon na minsan ay nagbigay-kulay rin sa ating mundo. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...