Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin.

Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran. 

Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.


*****

Bilang mga tao, may ideya naman tayo tungkol sa mga limitasyon sa mga kalayaang ibinibigay sa atin. 

Isang limitasyon, halimbawa, ang mga natural na batas na dapat nating sundin. Pwede kang magtatakbo at maglulundag pero alam mong hindi ka pwedeng tumalon mula sa tuktok ng isang mataas na gusali; ang pagkaalam na di ka sasantuhin ng batas ng grabidad, na pwedeng ikapahamak mo, ang pipigil sa iyo na gawin iyon. Technically, kaya mong gawin iyon; pero hindi ka malaya; hindi mo na kailangang subukan para malaman na disgrasya ang aabutin mo kapag ginawa mo iyon.

Mayroon din tayong budhi, anupat nalalaman din nating may moral na mga limitasyon sa kalakip sa bawat desisyon. Halimbawa, alam natin na mali ang magnakaw o pumatay dahil sa moral compass na ito. Technically, may iba sigurong kayang gawin iyon; pero muli, hindi ito kalayaan; ang mga batas ng moralidad at ng lipunan ang magsasabi sa iyo na hindi mo iyon dapat gawin.

Kaya naman hindi na tayo dapat magtaka kung, kahit sa isang demokrasya, may mga limitasyon din ang mga kalayaang ipinagkakaloob sa atin. Kung tutuusin, bakit pa tayo gumagawa ng mga batas kung wala rin naman palang katapusan ang mga bagay na pwede nating gawin, hindi ba? Alam na alam natin na ang bawat karapatan ay may kaakibat na pananagutan. Hindi lahat ng kaya ay binibigyan ng kalayaan.

*****

Pero sa kabila nito, sa pana-panahon ay meron pa ring mga hindi nakakaunawa sa ganitong mga limitasyon. Meron pa ring mga sumusubok sa hangganan ng mga kalayaang ito. Parang makukulit na mga anak na patuloy na naglalaro sa gitna ng kalsada dahil wala pa namang sasakyan na dumadaan. 

Ang kalayaan sa pagpapahayag na siguro ang pinakasinusubukang sukatin ang mga hangganan. Lalo na itong totoo ngayon, sa henerasyon ng Internet at Facebook. Kahit sino na ngayon ay may kakayahang magbulalas ng kahit anong bagay tungkol sa kahit kanino. 

Pero muli, dapat na malinaw sa atin na ang kakayahan ay hindi nangangahulugan ng kalayaan. Bagamat ginagarantiyahan ang karapatang ito, may mga responsibilidad na kaakibat ang paggamit nito. 

Marami sana sa mga isyu ngayon ang agad na nasolusyunan kung kinilala lamang sana ng mga sangkot ang mga limitasyon sa kanilang kalayaang magpahayag.

*****

Makulit kang bata? Laging sa peligro mo pinipiling maglaro?

Isa lang ang solusyon diyan. Sabi nga ng tatay ko noon, "kung naghahanap ka ng sakit ng katawan, halika, ibibigay ko na sa iyo," habang nagtatanggal ng tsinelas o sinturon. ● 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...