Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Eraserheads

Nasa elementarya ako nang unang pumutok ang phenomenon na siyang Eraserheads.

Unang album. Larawan mula rito.

Tandang-tanda ko pa nang mabalita noon na ang album nilang Ultraelectromagneticpop ay ipa-recall; ang lahat ng tapes nila ay inalis sa mga tindahan dahil pinapalitan ng sensura ang liriko nilang may mura ng, well, mas "magaan" na mura.


*****

Lumaki ako sa isang bahay na malas para sa de-kulay na telebisyon. Grade 1 ako nang basta na lang masira ang tube ng aming unang colored TV. Sinubukan namin itong ipaayos pero mas napagastos lang kami. Nagdesisyon si Papa na huwag nang kumuha ng bagong telebisyon.

Dahil diyan, si Ate at Diche ay nahilig sa radyo (naaalala ko pang ang malalaking mga radyo noon ay talagang stereo: iba ang tunog ng kaliwang speaker sa kanan). Gamit na gamit ang radyo namin; ang mga kapatid ko ay laging nakikinig sa noo'y Campus Radio 97.1 WLS FM. Lalo na sa programa ni Triggerman sa tanghali: ang Top 20 at 12.

Doon ko unang narinig ang Ligaya, Toyang, at Pare Ko, ang kantang binanggit ko sa pasimula.

Bata pa ako noon, pero alam ko nang iba ang tunog ng bandang ito.

*****

Bandang huli, pati ako ay nakiki-kinig na rin kasabay ng mga ate ko. Naaalala ko pa nga ang isang pagkakataon (bakasyon yata iyon) nang nagbubunot ako sa noo'y semento naming sahig. Nakikinig ako habang kumukuha ng boto si Triggerman: nagtabla kasi ang dami ng request para sa With a Smile ng Eraserheads at I'll Never Go ng Nexxus. Napapahinto ako sa pagbubunot kapag may bumoboto para sa Nexxus! Ganun din ang reaksiyon ko nang makalaban naman ng kanta ang 214 ng Rivermaya. Pero bandang huli, mas madalas na nananalo siyempre ang With a Smile. Mahilig ako sa musika, at medyo marami-rami na akong kantang alam noon, pero alam ko: ang With a Smile ang pinakapaborito ko sa lahat.

*****

Minsan na namang nasangkot ang grupo sa pambansang isyu nang ipagbawal ni Tito Sotto ang kantang Alapaap dahil umano sa kampanya niya laban sa droga. Nasa liriko daw ng kanta ang isang pagtukoy sa paggamit ng droga.

Naging kabaligtaran ang resulta ng pagbabawal sa popularidad ng grupo. Dahil binawasan na ang pagpapatugtog nito sa radyo, bumili ang mga tao ng tapes ng Circus

Si Ate ay may kaklaseng napabili rin noon, at hiniram niya ito. Gamit ang aming maaasahang radyo at isang lumang blank tape, nagkaroon kami ng kopya ng isang maituturing na obra-maestra ng grupo. Napasama ako sa grupo ng mga batang 90's na napahanga sa grupo.

*****

Pero hindi pa ang Circus and rurok ng kanilang pagkamalikhain at orihinalidad. Sa palagay ko, ang Cuttepillow ang pinakamaganda nilang album.

Muling nakahiram si Ate ng tape. Buong araw na umuulit-ulit sa bahay ang mga bagong tunog na pinapatugtog rin sa lahat ng radyo at maririnig saanman: Torpedo, Wag Mo Nang Itanong, Overdrive, at siyempre pa, ang naging themesong ng henerasyon, Ang Huling El Bimbo.

Mas lumalim naman ang pagpapahalaga ko kahit sa mga kantang hindi na-release na galing sa album. Back to Me. Waiting for the Bus. Fine Time. Kama Supra. Slo Mo. Paru-parong Ningning. Walang Nagbago. Kahit pa ang mga filler na Fill Her, Yoko, at Cutterpillow. In short, gusto ko lahat.

*****

Mas naging "tunay" na fan na si Ate, at siyempre damay na rin ako, "nakiki-fan". Bumili siya ng magazine ng Eheads, ang Pillbox (may mahahanap ka yata niyan mula sa net), isang bagay na talagang ipinagmamalaki niya (at kahit pa malaki ang magiging halaga ay hindi raw niya ibebenta). Ang alam ko, may koleksiyon din siya ng mga sumunod na album ng grupo.

Saka na lang din ako naging "tunay" na fan. Nitong huli, nang magsimula nang maging accessible ang Internet, nakahanap ako ng mga kanta ng grupo sa mga peer-to-peer networks, at bandang huli ay nabuo ko ang kanilang discography.

Nakakilala rin ako ng mga taong paborito rin sila. Ginawa ko namang converts ang mga kaibigan kong taga-probinsiya at hindi masyadong naapektuhan ng Eheads mania ng Manila.

*****

Kaya naman laking pagtataka nila nang biglang hindi ako pumunta sa reunion concert. At nung bandang huli, sa Final Set. Pakli nila, kung naroon daw ako, makakasabay ako sa lahat ng mga kanta, at masasabi ko pa daw sa kanila kung pang-ilang track ito sa kung anong album.

Pero, ewan ko. Nang matapos ang istorya ng banda noong 2002, naiwan sila sa pedestal sa aking alaala. Galit na galit nga ako nang ilabas ang Ultraelctromagneticjam, nang pagparte-partehan ng kung sinu-sino na lang na banda ang kanilang mga kanta, para umano dakilain ang kanilang alaala. Sa totoo lang, mas sinira at dinungisan pa nila ito.

Para sa akin, wala nang ibang bandang Pinoy ang makakapantay sa kanila.

Kahit pa ang nagsama-samang sina Buddy, Raymund, Marcus, at Ely noong 2009.

*****

Ngayong 2012, may reunion concert na naman muli sa apat na lugar sa Estados Unidos. Siyempre pa, hindi pa rin ako pupunta (at lalo na ngayong nasa Europa ako). Pero na-curious lang ako dahil hindi siya napick-up sa mainstream media, at sa Facebook ko pa siya nalaman.

Sa paghahanap ko sa Internet ng mga balita tungkol dito, napadako ako sa isang channel sa Youtube na nagpapakita ng mga videong kuha noong Final Set.

Hmm... Sige nga. Mapanood nga. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...