Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na kailangan

Kaninang umaga, pagsakay ko sa tram, may isang mama na hindi mapakali. Patayu-tayo siya, may sinasabi (siyempre hindi ko naintindihan kasi Aleman). Napapatingin sa kaniya ang mga tao, at ang ilang matatanda ay napapailing pa.

Yun pala, nagmamadali siya. Siguro, ang pagsakay ko ay dahilan din ng pagkainis niya; sa mga oras na iyon, madalas na walang tao sa istasyong iyon, pero nagkataon namang na-late ako ng gising at ako lang ang tao. Napahinto pa tuloy ang dapat sana'y dederecho na lang na tram.

Ang masama pa, pagkatapos kong sumakay, nag-berde na ang ilaw para sa mga kotseng pa-cross. Samakatuwid, naghintay pa ang tram. Pasensya na lang manong...


*****

Aba, akalain mo nga naman...

Pagkatapos mag-Go ng aming tram, pinagbigyan nito ang isang bus; nauna ito sa amin. Ang susunod kasing istasyon ay isang Doppelhaltestelle (Dual Stop), hintuan ng tram at bus. At gaya ng ginagawa ng mga drayber, nagkawayan pa sila.

Dahil sa pagsingit ng bus, muli kaming inabot ng paghinto sa kasunod na intersection. Umingay na naman si kuya.

Maya-maya pa, dumating na kami sa istasyon. Naunang magbaba ang bus. Pagkatapos, saka kami huminto. Pagbukas pa lang ng pinto ay nagtatatakbo na ang inip na inip na inip na pasahero, siguro'y nagmumura na habang papalayo.

*****

Bakit kaya ganun: wari bang madalas, kapag may bagay na kailangang-kailangan ka, saka naman ito hindi pwede, wala. Tulad ni kuyang nagmamadali kanina; kung kelan naman niya gustong maging mabilis ang tren, saka naman inabot ng kung anu-anong aberya.

Dati naman, sa UP pag pauwi na o sa Ortigas pag pumupunta ako kay Steph, naranasan ko ito sa taxi. Kung hindi mo kailangan, saka sila marami, hihinto pa sa harap mo o bubusinahan ka pa. Pero kapag kailangang-kailangan mo, saka naman hindi sila pwede, minsan pa nga ay talagang wala.

Kung minsan nga, "dinadaya" ko na ang pagkakataon kapag kailangan ko ng taxi; habang naglalakad ay ibinubulong ko nang malakas: "Hindi ko kailangan ng taxi!", umaasang gagana ang "panlilinlang". Kung minsan naman ay nakikipagbiruan naman ako sa sarili kapag hindi ako nagmamadali: "Sigurado, may taxing dadaan!", at madalas naman akong tumatama.

*****

Hindi lang iyan.

Bukod sa karanasan ng naiinip na pasahero o ng "nananadyang" taxi, nariyan din ang gamit na nandiyan lang nung hindi mo kailangan pero wala na nung kailangan mo na. Na lilitaw pag di mo na ulit kailangan.

Pati sa mga tao, may ganito rin. Kaya naman may mga liriko tayong naririnig sa mga awit: "Nasaan ka... kailangan kita..." o kaya naman ay "You left me just when I needed you most..."

Sa mga napagtanungan ko, walang may alam kung ano ang tawag sa "Law" na ito. Wala ring masyadong makapagpaliwanag.

Sa kaso ng taxi, ang pinaka nakakakumbinsing paliwanag ay na sabay-sabay halos ang mga oras na kailangan ng mga tao ito. Kaya mas madalas na hindi ka nakakakuha, dahil marami kayo.

Pero paano naman yung karanasan ni Kuya? O yung nawawalang gamit o tao? Sabi naman ng iba, psychological na lang daw iyon; naidiriin ang kawalan dahil kailangan mo, pero ang totoo, mga random na pangyayari lang ito sa buhay.


*****

Siguro ay tinuturuan lang tayo na huwag masyadong maghangad?

O na may mga bagay na hindi talaga natin makukuha?

Ewan ko.

Siguro ay sadyang mapagbiro lang talaga ang tadhana. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...