Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol kay John at kay Paul

Sumilip muna ako sa Wikipedia: Dapat sana'y magiging 72 na si John sa Oktubre kung buhay pa siya. Si Paul naman ay nag-70 noong Hunyo. Hindi ko alam kung kilala pa sila ng bagong henerasyon, pero kung tagumpay lang din naman ang pagbabasehan, wala pang nakapantay sa dalawang ex-Beatle na ito pagdating sa paglikha ng mga awiting pumatok sa lahat.

Nang gawin ni Danny Boyle ang opening ng Olympics nitong nakaraan, isa lang ang nasa isip niya: ang itanghal ang mga bagay na maipagmamalaki ng Gran Britanya sa mundo. Ang finale? Isang pagtatanghal ni Paul McCartney ng Hey Jude na sinabayan ng buong stadium. Ang sabi mismo ni Boyle, nais niyang itanghal ang songwriting skills ni Paul. Itinuturing niya itong isa sa mga maipagyayabang ng UK.

Kung buhay kaya si John, sino kaya ang pipiliin ni Boyle na magtanghal?


*****

Aba, kung mapili si John, malamang na ang sinasabayan ng mga atleta ay ang walang-kamatayang Imagine. Hmm... siguro masyado itong pulitikal para sa IOC... All You Need Is Love na lang siguro. Baka nagperform pa rin si Paul, pero baka hindi pang-finale. Sino'ng makapagsasabi: baka sabay sila, o baka nagre-unite pa nga ang Beatles (parang Spice Girls lang), kung hindi pa rin pumanaw si George; bagay na bagay sana sa diwa ng pagkakaisa na itinatampok ng Olympics.

*****

Matapos ang matagumpay na pagsasama bilang matagumpay na songwriting partnership, naghiwalay nang landas si John at si Paul, pero hindi rito nagtapos ang mga intriga. Nagpatamaan ang dalawa sa mga kanta nila sa sari-sarili nilang mga album. Bagamat nagkaayos naman sila, at nagbibisitahan pa nga sa kani-kanilang mga bahay, pagdating sa musika at pananaw ay nagkalayo na sila ng landas.

At, sa palagay ko, mas maraming tao ang mas pabor kay Lennon sa debate kung sino ba ang angat sa dalawa. OK, hindi ko balak mang-away ng mga McCartney fans. Sa palagay ko lang, mas tumatak sa mundo ang pagiging aktibista ni John. Ang kantang Imagine ang pumukaw sa imahinasyon ng mga taong naghahangad ng pagbabago sa gitna ng magulong mundo (inilabas ito noong papatapos na, at lantarang tinututulan na ng mga mamamayan ng Amerika, ang Vietnam War).

Sa mga "Greatest" lists, laging nauuna si John at ang kaniyang mga katha. Lalo pang pinalawak ng biglaan at nakagugulat niyang kamatayan ang kaniyang katayuan bilang isang alamat.

*****

Sa paggawa ng mga kanta noong panahon ng Beatles, hayag naman sa lahat na ang dalawa ay may hiwalay na mga komposisyon, bagamat credited sa kanilang dalawa. Kung noong umpisa, halos sabay silang gumagawa at nagdadagdag lang ng paisa-isang linya sa awitin ng isa (gaya ng mga suggestion ni John sa Hey Jude ni Paul), bandang huli ay kitang-kita na ang paghihiwalay, anupat ang mga kanta ay naging pagsasama ng dalawang magkaibang istilo at tiyempo (gaya ng A Day in the Life at I've Got a Feeling).

Kung songwriting ang pag-uusapan, sa palagay ko, mas lamang si McCartney. OK, hindi ko rin balak mang-away ng mga Lennon fans. Pero kung ang isang kanta ay isang katha, mas malikhain sa pangkalahatan (para sa akin) ang mga ambag ni Paul. Sa liriko, musika, at arrangement, lumabas ang pagiging henyo niya. Bagamat marami ang pumupuna na pang-love-song lang daw siya, may mahahanap kang pop, blues, rock, at kahit pa pambata, religious o inspirational na tunog sa koleksiyon niya. Pero dahil sa pagiging metikuloso, teknikal, at perfectionist sa mga komposisyon niya, madalas na napapailing na lang ang kaniyang mga kasama. Ang totoo, ang pagkainis niya sa pag-arrange sa kaniyang The Long and Winding Road ang naging huling mitsa sa paghihiwalay ng Beatles.

Aktibista rin naman si Paul, at makabuluhan din naman ang mga isinusulong niya. Pero, gaya ni Boyle, maraming tao ang kilala siya bilang mahusay na kompositor at mang-aawit. Aba, naging knight pa nga siya -- kinilala maging ng reyna -- dahil dito.

*****

Sa maikli, sa palagay ko, mas lamang si John sa impluwensiya.

Pero mas lamang si Paul sa musika.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...