Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagiging ama

Masama ang pakiramdam ko ngayon. Buong araw lang ako nakahiga. Dahil sa unti-unting paglamig ng panahon sa pagdating ng taglagas, nilalagnat na naman ako. Hindi na (naman) ako pumasok.

Pero pagdating ng mga alas-nuwebe ng umaga dito (alas-tres ng hapon sa Pilipinas), nagchat si Anjali. Nagtatanong kung online ba ako (lagi akong invisible). Habang nakahiga, nakapatong ang computer sa upuan sa tabi ng kama, nagchat ako ng isang mabilis na "yup" gamit ang isang kamay. Nagpatuloy pa siya: sabayan ko daw ang kanilang magdamagang puyatan para sa SPP.

*****



Hindi ko alam kung paano nagsimula, pero dumating ang panahon na hindi na ako "Sir" kundi "Ama" kay Anjali at kay Abby. Siguro ay dahil sa itsura; mukha na talaga akong matanda sa edad ko, hehehe. Pero mas malamang, nagsimula iyon sa kantiyawan dahil sa pag-aalaga ko sa kanila bilang adviser.

Kahit pa research lang ang pangunahin kong responsibilidad sa kanila, bandang huli ay naging papel ko na rin na maging tutor sa mga subject. Ang mga research meetings, nauwi sa kwentuhan at chismisan; bandang huli ay love adviser na rin ako! Hindi na lumilipas ang araw na hindi dadaan ang dalawa sa kuwarto ko, magsusumbong o kaya ay magpapaturo o basta magkukuwento lang ng mga nangyari sa maghapon.


*****

Ang totoo, ibinabalik ko lang naman ang pag-aalagang naranasan ko mula sa adviser ko noong estudyante pa lang din ako. Sa hindi kakaunting mga panlilibre ng kape o videoke, nakapulot ako ng maraming aral mula sa aking "bossing" na si Sir Chris. Basta noon, hindi ako nangangamba dahil alam kong may tatakbuhan ako sa UP kapag may problema ako.

Noong magtapos ako ng PhD, ang sabi sa akin ni Sir Chris ay na kaya ko nang mag-handle ng estudyante. Siyempre pa, hindi ako naniwala; gaya ng nakita ko sa halimbawa niya, ang pagkakaroon ng estudyante ay higit pa sa basta pagbibigay lang ng isang paksang pwede niyang maging thesis (well, marami sigurong adviser na ganito lang ang pananaw) kundi ang pagbibigay sa kanila ng pagtitiwala sa sarili at direksiyon sa buhay, at ng sandigan kapag may dumating man na problema.

Parang... tatay.

Mukha lang akong tatay, pero sa mental at emosyonal na aspekto, malayo pa ako rito. Naisip ko tuloy, kung bibigyan ako ni Sir Chris ng advisee, kailangang maghanda ako. Kailangan... kailangan...

Nang kumuha si Sir Chris ng dalawang estudyante para hawakan noong 2011, espisipikong nakapangalan sa amin ni Tons ang isa sa kanila. Pero dahil siguro sa sobrang paghahanda (o sa ibang salita, pagka-OA), at samahan pa ng maluwag kong iskedyul nang semestreng iyon, mas nagkaroon ako ng maraming panahon para makasama sina Abby at Anjali. Bandang huli... iyon na nga. Ako na si Ama sa kanilang dalawa. At kay Sir Chris at kay Tons at sa lahat na rin.

*****

Sa kabila ng pangangantiyaw, marami namang mabuting epekto na idinulot ng taguring ito na isinabuhay ko na rin. Sabi nga mismo ng dalawa, "praktis" na daw ito sa pagiging tunay na ama sa hinaharap, dahil mag-aasawa naman na ako.

Isa sa mga natutunan ko bilang "ama" ay na walang bagay na sobrang walang halaga para hindi pakinggan. Kung minsan, hindi mo naman talaga kailangang maging isang henyo, alam ang lahat ng bagay, para makapagpayo nang mahusay. Ang kailangan mo lang ay maging mabuting tagapakinig. Kung minsan, ang isang tango, isang ngiti o tawa, at ang pagpapakita ng pagdamay ay higit pa ang nagagawa kaysa isang mahabang sermon o litanya.

Natutunan ko rin na magtiwala. Na ang isang bagay na sinabi mo ay gagawin nila. Kung minsan, nangangailangan ito ng mahabang pasensya (na nalinang ko rin :P). Madalas, may mga bagay na magagawa hindi ayon sa paraan na gusto mo. Pero sulit ang lahat ng ito. Hindi mo sila dapat hinihila; dapat na tinuturuan mo sila kung paano lumakad at kung saan pupunta.

Kung minsan, kinakailangan din ng mariing payo at disiplina. Syempre, hindi naman ako namamalo! Sapat na ang isang ngiti, o ang isang nakataas na kilay, o ang hindi pagkibo, para ituro sa kanila ang pagkakamali; sila na mismo ang magtutuwid ng kanilang sarili.

*****

At, ngayong araw, nagkaroon pa man din ako ng isang aral sa pagtitiyaga.

Kahit pa malayo (OFW na Ama na ang opisyal ko nang titulo), tumutulong pa rin ako sa kani-kanilang mga research. May sakit ako ngayon, pero bumangon sandali para sabayan silang magtrabaho. Ipina-check kay Ja ang pa-zigzag niyang plot hanggang sa makita niya ang mali. Iminungkahi kay Abby na i-superimpose na lang ang mga plot dahil nakuha na niya ang fitting parameters. Naghanap ng mga papel na sasagot sa kanilang mga tanong.

Nahiga muli nang maging busy sila. Pero agad na bumabalikwas sa bawat tunog ng chat.

*****

Gusto ko ring magkaroon ng anak sa hinaharap. Pero matagal pa, lagi naming sinasabi ni Steph.

(Siguro pagdating ng panahong iyon, meron na akong bagong mga "anak" o kaya naman ay maging mga "apo" pa nga sa pamamagitan nina Abby at Anjali.)

Isang bagay ang tiyak: mas handa na ako pagdating ng araw na iyon. Ang araw ng aking pagiging ama. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...