Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa kasaysayan

Ang unang beses na sumabak ako sa isang contest noong high school ay sa isang school qualifiers para sa isang contest sa history. Tig-dalawa bawat year level ang kasali, at kami ng kaklase kong si Paul ang napili. Ang alam ko, biglaan lang iyon; hapon na at nakauwi na ang karamihan, kaya ako napili (dahil wala nang ibang madampot).

Siyempre pa, lugi kami sa mga mas nakatatanda; habang dinadaanan pa lang namin ang kasaysayan ng Pilipinas, ang mga nasa ikalawang taon ay nasaklaw na ito at nag-aaral na rin ng sa Asya; ang mga nasa ikatlong taon naman, medyo naiiba, economics ang kinukuha; at ang mga senior, nadaanan na itong lahat at may kaunti na ring alam sa kasaysayan ng daigdig.

Akalain mo nga naman. Nag-second place ako sa isang fourth year student. Pero isa lang yata ang kailangan. Kukunin daw akong alternate pero sa paanuman ay hindi na ito natuloy.

*****

May pantanging interes ako sa history (at sa current events, ang mga bubuo ng susunod na yugto ng kasaysayan). Hindi ko alam kung saan ko ito nakuha; ayaw na ayaw kong magkabisado, pero pagdating sa mga pangalan at petsa ay nagiging madali ang pag-iimbak ng mga detalye sa utak. Noong grade 6 ako, ang unang mga librong binasa ko nang buo ay ang world history textbook ni Zaide na gamit ng ate kong fourth year high school. Sa sobrang pagmamahal ko sa librong iyon, pinalitan ko pa man din nang matigas na karton ang pabalat nito, para hindi masira. Hanggang ngayon, nasa aklatan ko pa ito sa kuwarto.

Binasa ko rin ang isang nahiram na aklat tungkol sa buhay ni Rizal. May aklat din ako ng Asian history mula naman sa isa kong ate. At siyempre, paborito ko ang Philippine history. May panahon na kabisado ko halos ang lahat ng petsang nabanggit sa aklat ni Agoncillo na History of the Filipino People.

Madalas kong naikukuwento sa mga kaibigan kung paano ako "iniligtas" ng aklat na iyon. Sa UP, sa klase namin sa Philippine Institutions (ito ang Rizal subject sa UP), tiyak na babagsak na ako dahil lampas na ako sa bilang ng absences. Pero, dahil history iyon, pumapasok pa rin ako. Minsan ay nabanggit ng aming propesor na mali daw si Agoncillo may kinalaman sa ulat tungkol sa pagbisita ni Pio Valenzuela kay Rizal sa Dapitan. Ang sinabi daw sa aklat ni Agoncillo, tigas sa pagtanggi umano si Rizal sa plano ng mga rebolusyonista. Pero, dahil mahal ko ang librong iyon, alam ko na sa ikasiyam na edisyon ng aklat, binago na ang parteng iyon. Nagtaas ako ng kamay.

"Sir, sa ninth edition po, tama na po ang nakasulat."

"Ano'ng pangalan mo?" pagalit na tugon ng guro. "Rene Batac po."

"Mr. Batac, kapag mali ka bagsak ka na sa klase ko."

Well, bagsak naman na ako talaga kung tutuusin dahil nga sa mga pagliban. Pero sakali mang hindi, hindi pa rin ako takot. Alam ko ang sinasabi ko.

Nang sumunod na meeting, ibinalita ng propesor sa lahat na tama nga ako.

1.25, baby!

*****

Kung tutuusin, sa malawak na aplikasyon ng kahulugan nito, lahat ng mga itinuturo sa paaralan ay maituturing na history. Ang mga ito ay mga nakaulat na mga pagsulong sa alinmang larangan, na technically ay maituturing na kasaysayan. Pero kahit pa sa istriktong kahulugan nito -- samakatuwid nga, ang mga ulat ng nakaraang mga pangyayari sa isang lugar -- marami pa ring aral na itinuturo ang kasaysayan. 

Nakalulungkot lang na mas maraming tao ang hindi kasing excited ko pagdating sa pag-aaral sa history. Pabirong sinasabi ng iba na "past is past" at kailangang mag-move on. Na totoo rin naman, kung tutuusin; magiging hadlang talaga sa pagsulong kung lagi nang nakatali sa kahapon.

Pero bukod sa mga petsa, pangalan, at pangyayari, ang kasaysayan ay nagbibigay ng mga aral, mga pagkakataon para maging mas matalino at maiwasan ang mga pagkakamaling nadaanan na sa nakaraan. Aba, kung hindi tayo natututo mula sa mga nagawang mga pagkakamali ng mga nauna sa atin, hindi talaga tayo susulong.

Halimbawa, laman na naman ng mga balita ang naganap na pagsalakay ng mga terorista sa Amerika noong 9/11/2001. At sa Pilipinas naman, paparating na ang ikaapatnapung taon ng pagdedeklara ng Batas Militar noong 9/21/1972. Ilan lang ito sa mga pangyayaring nagturo sa atin ng mahahalagang aral. Kung natuto man tayo mula dito, ang makapagsasabi na lang ay -- ano pa nga ba -- ang kasaysayan. ●

*****

On a personal note, isang malungkot na pangyayari ang nagbalik ng mga alaala mula sa aking personal na kasaysayan. May mga tao talagang napalayo man sa distansiya at panahon ay bahagi pa rin ng iyong buhay at gunita.

Nakikiramay po ako, mga ate kong kambal. Ipinapanalangin ko na maging matatag kayo sa mahirap na panahong ito.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...