Naka-sabbatical leave ako ngayon, pero nakatanggap ako ng paulit-ulit na email mula sa isang opisina ng Unibersidad. Tungkol ito sa isang pagsasanay para sa mga guro ng iba't-ibang departamento. ***** Kapag kailangan kong pumasok sa trabaho, nangangailangan ito ng isang malaking patiunang paghahanda — ng katawan, ng kaisipan, ng damdamin — bago sumabak sa malayong paglalakbay at sa isang araw na punung-puno ng “makukulay” na mga karanasan na humahasa sa isipan at tumatatak sa damdamin. Gabi pa lang, inihahanda ko na ang gamit ko, kasama ng lahat ng pwedeng kailanganin sa mga sitwasyong pinaghandaan ko sa isipan ko. At matutulog ako nang maaga para magkaroon ng magandang kondisyon. Pagkatapos, gigising din ako ng maaga, mga ikatlo pa lang ng umaga. Maghahanda, muling nirerepaso sa isipan ang mga tagpong posible kong kaharapin. Pagkatapos kumain, maligo, at magbihis, magpapatakbo na ako ng sasakyan, ine-enjoy ang madilim at maluwag na mga daan habang nakikinig sa musika ...