Naka-sabbatical leave ako ngayon, pero nakatanggap ako ng paulit-ulit na email mula sa isang opisina ng Unibersidad. Tungkol ito sa isang pagsasanay para sa mga guro ng iba't-ibang departamento.
*****
Kapag kailangan kong pumasok sa trabaho, nangangailangan ito ng isang malaking patiunang paghahanda — ng katawan, ng kaisipan, ng damdamin — bago sumabak sa malayong paglalakbay at sa isang araw na punung-puno ng “makukulay” na mga karanasan na humahasa sa isipan at tumatatak sa damdamin. Gabi pa lang, inihahanda ko na ang gamit ko, kasama ng lahat ng pwedeng kailanganin sa mga sitwasyong pinaghandaan ko sa isipan ko. At matutulog ako nang maaga para magkaroon ng magandang kondisyon.
Pagkatapos, gigising din ako ng maaga, mga ikatlo pa lang ng umaga. Maghahanda, muling nirerepaso sa isipan ang mga tagpong posible kong kaharapin. Pagkatapos kumain, maligo, at magbihis, magpapatakbo na ako ng sasakyan, ine-enjoy ang madilim at maluwag na mga daan habang nakikinig sa musika mula sa cellphone. Isang paraan ito para maialis sa isipan ang mga bagay na paulit-ulit kong nirepaso.
At hayun, lumilipas nang mabilis ang higit sa isang oras na paglalakbay. Magugulat na lang ako at nagpapark na ako. Maya-maya, paglabas ng sasakyan, maglalakad na ako papasok sa campus, sinisipat ang sumisikat na araw mula sa malayo.
Kung tutuusin, ang mga hakbang na ito ang siya ring inirerekomenda ko sa mga estudyante ko kapag may pagsusulit sila. Oo, ang bawat araw na kailangan kong pumasok nang maaga ay isang pagsusulit, isang eksaminasyon na may mas makabuluhang mga resulta at humuhubog, hindi lang sa isipan dulot ng kaalaman, kundi sa pagkatao dulot ng mga karanasan.
*****
At siyempre, ganun pa rin ang ritwal na pinagdaanan ko ngayong umaga. Matagal na mula nang huli kong magawa ito, pero, sa paanuman, sanay na sanay pa rin ako sa paggawa nito.
Pagpasok sa opisina, nagtrabaho muna ako, tinapos ang iba't-ibang naiwang mga sulatin. Nagbasa ng bagong mga balita — sa mundo ng siyensiya at sa mundo, sa pangkalahatan — bago bumaba para magparehistro para sa training event.
Nang hindi ko makita ang pangalan ko, lumapit ako sa isang nangangasiwa at nagtanong kung kailangan bang dumalo ng mga naka-leave. Nang sabihin niyang hindi, nagpanggap akong tumatawag sa telepono at mabilis na umalis.
Ang hirap ng pagpasok nang maaga ay agad na nabubura ng pag-uwi ng maaga. ◼

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento