Marami akong teaching load ngayon, pero dahil sa hybrid na setup ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.
Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai-upload ang mga video at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.
Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago mag-agaw ang liwanag at ang dilim. Sabik na maiunat ang mga binti at magpapawis, lalabas na kami niyan, maglalakad-lakad sa malamlam na liwanag ng hapon.
At mga ilang hakbang pa lang, mapahihinto na kami ng magagandang mga tagpo ng kalikasan.
Ang papalubog na araw at ang kulay kahel nitong sinag ay litaw na litaw sa asul na background ng kalangitan, at wari bang nagbibigay ng karagdagang kinang sa luntiang kapaligiran. Kitang-kita tuloy ang maagang pagdadahon ng mangga; ang halos dilaw pang mga bagong dahon ay parang mga koronang nakapatong sa berdeng "buhok" ng mga puno. Maging ang mga damuhan, malaon nang sanhi ng reklamo ng mga tagarito (dahil sa posibleng pagbahayan ng mga ahas at iba pang hayop na ligaw), ay nakakamanghang pagmasdan.
Ang matayog na puno ng bulak, na halos kinalbo mga ilang buwan na ang nakakaraan, ay muling matayog na humahalik sa kaulapan. Hindi makuha ng camera ang dahan-dahang pagsayaw ng mga dahon nito sa mahinang ihip ng hangin, wari bang kumakaway sa mga katulad naming nakapansin at napadaan.
Sa isang iglap, ang pamilyar na mga tagpo na araw-araw namang nakikita ay biglang napapansin. Sa paglalakad-lakad kapag hapon, nagiging espesyal ang mga bagay na pangkaraniwan. Nang piliin naming manirahan sa kabundukan, talaga namang ito ang aming layunin: ang mapalayo sa ingay ng lunsod at ang maramdaman ang ganda at katahimikan ng probinsiya. Sabihin pa, nagiging abala na rin ang aming maliit na komunidad; pero sa ganitong mga panahon ng tahimik na paglalakad-lakad, muling lumilitaw ang simpleng halina ng maliit, mabundok, mapuno, at madamong kapaligiran.
Maya-maya pa, sumapit na rin ang gabi. Mula sa aming balintataw, nagliliwanag na ang mga kalsada at gusali ng malayong kalunsuran. Pero hindi namin dama ang pagod at pagmamadali nito, nababalot ng mga kaparangan ng mabundok na probinsiya.
Muli akong babalik doon, sa maliwanag na lunsod sa malayo. Muli akong maiipit sa trapik, makikipagbakbakan sa takbuhan ng abalang mundong iyon.
Pero hindi pa iyon ngayon. Bukas pa iyon, at sa isang araw. Sa ngayon, kasama ng pamilya at bitbit ang biskuwit na binili sa kalapit na tindahan, tatanawin ko lang (at kukunan ng larawan) ang malayong mga ilaw na iyon.
Sa ngayon, maglalakad-lakad lang kami, pauwi sa bahay (at medyo pinagpawisan). Natapos man ang hapon at nagmamadali ang gabi, ang ngayon ay ngayon, at bukas pa ang bukas. ■
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento