Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa biyahe

Ako ang taong hindi lalabas ng bahay kapag hindi kailangan. Minsan pa nga, kahit kailangan e.

Kahit pa nanggigilalas ako sa pagtingin sa magagandang tanawin mula sa mga larawan o video, nag-aalangan pa rin akong aktuwal na pumunta sa gayong mga lugar. Sa palagay ko, hindi sulit ang hassle kahit pa gaano kaganda ang lugar.

Alam ko... ako na ang boring.

*****

Pero kapag nagbyahe naman ako, gusto ko ay talagang nakaplano. Dapat ay nasuri ko na ang lugar, nasipat ang mapa (at ngayon, pati StreetView mula sa Google Maps), alam ko na ang mga bibisitahin, natantiya ko na ang distansiya, alam ko na kung saan liliko at dederecho, kung sino ang kakausapin, at kung magkano ang ilalabas ko mula sa pitaka.

Bukod sa stress na dulot ng pagpaplano, nagdudulot din ng stress sa akin kapag may kahit kaunting mga detour mula sa mga plano.

Ito ang tinutukoy kong hassle kaya ayokong maglalalabas. Sa paghahangad na maging hassle-free ang biyahe, mas naha-hassle ako.


*****

Ang isang byaheng inihanda ko from scratch ay ang Visayas tour ko noong 2005.

Una akong sasabak sa Iloilo, sa SPP. Inihanda ko ang lahat nang hiwalay sa ginagawang preparasyon ng laboratoryo namin noon. Nagbook ako ng tiket at hotel sa ganang sarili (kaya hindi ako napasama sa hotel na pinuntahan ng Instru). Sinilip ko na ang lokasyon ng airport at ng venue mula sa mapa (wala pa akong Google Earth noon). Nagtanung-tanong kung paano magcocommute. Minarkahan ang mga mall, at inilista ang mga bibilhin doon. Mabuti at walang aberya, at generally, natuwa naman ako at naging proud sa sarili ko.

Ikalawang hakbang: Kailangan kong pumunta sa Bohol, dahil magbabakasyon din ang pamilya namin doon. Dahil walang derechong byahe sa dagat mula Iloilo hanggang Bohol, tumawag pa ako sa Tourism Office ng Iloilo para humingi ng payo kung paano makakamura at mapapabilis. Ang rekomendasyon nila ay na pumunta muna ako sa Cebu sakay ng mga maliit na barko, pagkatapos ay saka muling sumakay ng barko mula roon patungo sa Bohol. Noon ay hindi pa uso ang mga online reservation, kaya personal akong tumawag (gamit ang cellphone!) sa mga opisina para magpabook ng ticket: mula Iloilo hanggang Cebu, at mula Cebu hanggang Bohol. Muli, inalam mula sa mga mapa ang lokasyon ng pantalan; pagdating ko sa Cebu ay medyo naligaw ng kaunti, at nagamit ang kaunti ko ring Cebuano para magtanong. Nadelay ang pagdating ng barko, pero dahil marami naman kami, hindi naman ako masyadong nag-alala. Nakarating naman ako sa Bohol, kung saan sinundo ako ni Mama (na nauna na roon) mula sa Tagbilaran. Muli, generally proud and satisfied naman ako sa biyahe ko.

*****

Noong graduating naman kami noong 2006, tumulong naman ako sa pag-aasikaso ng lakad namin papunta sa Ilocos. Kasama ko ang mga ka-batch ko at ka-batch ni Steph. Hindi kami kumuha ng tour package, pero hindi rin naman malinaw sa marami kung saan pupunta. "Basta, Ilocos!"

Sa tulong ni Cats at Grace, una muna naming hinanap ang mga lugar na pwedeng puntahan. Tumawag sa mga hotel (gamit na naman ang cellphone!) para magpa-book. Inalam ang mga oras ng biyahe ng bus mula sa iba't-ibang lugar sa lalawigan. Bagamat may kaunting mga aberya (tumagal sa ilang lugar, napatayo sa bus, atbp.), masaya naman sa pangkalahatan ang naging pagbisita namin, at talagang masasabi kong isa itong magandang graduation gift.


*****

Dito sa Alemanya ngayon, sobrang pinadali ng Internet ang pagpaplano para sa pagbiyahe.

Online na ngayon ang mga booking, at madali na ring makuha hindi lang ang direksiyon kundi maging ang mga review tungkol sa iba't-ibang lugar. Sa halip na tawag (mula sa cellphone) ay isang email na lang ang mga tanong. Lahat ng mga aberya at detours ay napaghahandaan dahil ipapakita sa iyo ang lahat ng options.

Kung tutuusin, mura lang din ang mga biyahe. Mapa-tren o eroplano, kayang-kaya talagang magliwaliw dito sa kontinente. At hindi na rin problema ang visa.

*****

Pero sa kabila ng mga ito, hindi pa rin ako bumibiyahe kung hindi kailangan.

Alam ko... ako na, ako na talaga ang boring. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...