Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga barya

Naabutan ko pa ang mga panahon noong mas marami pang uri ng barya sa Pilipinas.

Pero noong panahong iyon, wala na rin halos na halaga ang mga mamera, ang mga pakuwadradong barya na may mukha ni Lapu-Lapu at larawan ng Pandaca pygmea sa likuran. Nagkakahalaga ito ng isang sentimo.

Sa katunayan, kakaunti na lang din ang mga mamera noong panahon iyon, at madalas na lang na pinaglalaruan sila ng mga bata at hindi na ginagamit sa mga transaksiyon. Sa katunayan, sa isang pagkakataon, naaalala kong nakalunok ng isang mamera ang kapatid kong bunso, si Yeye; ibinitin siya ni Papa, hawak ang mga paa, at literal na itinaktak para mailuwa niya ito. Hindi pa nasiyahan, ang alaga naman naming itik ang napagdiskitahan; habang kumakain ito, nilagyan namin ni Yeye ng mamera ang kaniyang kainan, na agad namang nginasab ng pobre. Nang katayin ang itik bandang huli, nakita ang mamera sa kaniyang bituka, burado na ang mga dibuho sa magkabilang mukha.


*****

Mas marami ang disenyo ng limang sentimong barya (singko) noon. Hindi ko alam kung saan nakuha ang idyomang "singkong duling" na ginagamit pa rin ngayon. Ang totoo, mas maganda nga ang disenyo ng singko kaysa iba pang barya. Bukod kasi sa pangkaraniwang bilog, may hugis bulaklak na disenyo din ang singko na inilabas sa sirkulasyon. Si Melchora Aquino, o si Tandang Sora, ang nasa larawan nito. At bulaklak ang nasa likod nito, siguro ay sampaguita (hindi ko na maalala).

Gaya rin ng singkong butas ngayon, halos hindi na pinapansin ang singko noon. Pero hindi ko alam kung bakit, pero nag-iipon ang mga magulang ko nito: inilalagay nila sa plastik ng ice candy ang mga baryang singko, bawat plastic ay halagang tig-5 piso yata.

Noong minsan, ang nakatatandang kapatid ni Papa, si Auntie Maria, ay nanuluyan sa bahay namin nang mga ilang buwan. Kayag kayag si Ate, namasyal siya sa mall, at ibinili ang dalagita ng Dunkin Donuts. Gamit ang mga nakaplastic na singkong ito. Hindi matanggihan ng tindera ang matanda, kung paanong hindi rin siya mapigilan ni Ate. Hindi makatingin si Ate habang unti-unting binibilang ng tindera ang bayad.

Mabuti na lamang at eksakto ang binayad nila; kung sakaling nagkulang iyon ng kahit isang singko lang, malamang na nag-abot sila ng beinte singko, singkuwenta, piso, o dalawang piso. At matutupad ang kasabihang: ang singkong ibinayad mo, babalik rin sa iyo.

*****

Sa Pilipinas, wala na nga yatang saysay na gumawa pa ng mga baryang may maliliit na halaga. Kahit pa pwede naman itong gamitin, wala namang papansin dito; naiinis pa nga tayo kapag nakakatanggap ng singko o diyes sentimos kapag sinusuklian sa department store o supermarket. Pero dito sa Europa, kung saan mas malaki ang halaga ng pera (kahit pa bumabagsak na rin ito ngayon), talagang nagagamit nang husto ang mga barya.

Napatotohanan ko ngayon ang noo'y nabanggit na ng isang kaibigan: Kapag nagbayad ka rito, kahit pa gaano kalaki ang iniabot mong halaga, lagi silang may barya na maipangsusukli (hindi tulad sa Pinas na kung minsan ay kailangang magpapalit muna, o kaya naman ay hihingan ka ng mas maliit na halaga). Mas kahanga-hanga pa ito kung iisipin na lahat na halos ng transaksiyon ngayon dito ay ginagawa sa pamamagitan ng card; ibig sabihin, wala na halos nagbibigay ng aktuwal na pera, at lalo pa nga ng barya.

Sa tagal ko na rito, hindi ko pa rin kabisado ang mga barya; kailangan kong ilagay sa iba't-ibang bulsa ang iba't-ibang barya para makapagbayad nang eksakto, dahil hirap pa rin akong alamin ang halaga ng mga barya kapag magkakahalo sila. Naiipunan ako ng barya dahil mas madalas, kapag hindi ko nagawa ito, magbabayad na lang ako ng papel, kahit pa gaano kalaki ang halaga, kesa maghanap at magbilang pa ng eksaktong pera.

Kung sabagay, hindi naman na magpapapalit ang tindera, o hihingi ng mas maliit na halaga. Alam kong masusuklian naman ako agad.

*****

Mabigat na ang bulsa ng bag ko dahil sa mga naipong barya mula sa ganitong kasusukli.

Hanggang kanina.

Naubusan na pala akong ng maong na isusuot. Bitbit ang basket ng labahin, tinungo ko ang basement, at buti ay wala akong kaagaw para sa machine.

Dalawa at kalahating euro para sa laba.

Gayon din para sa pagpapatuyo pagkatapos.

Nang mamamalengke na ako pagkatapos isalang sa dryer ang mga nalabhan, hindi ko na dinala ang mga barya. Puro papel ang hawak ko. Kailangan ko na muling magpasukli. Kailangan ko na muli ng mga barya. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...