Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-iisa at sa nag-iisa

Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon para basahin ang Filipino transcript ng pahayag ni Tricia Robredo sa libing ni Sec. Jesse Robredo. Malungkot na okasyon iyon -- kamamatay pa lamang ng kaniyang ama -- pero waring mas nakakaantig ang casual at comedic na eulogy ni Tricia.

Alam mong wagas ang mga salitang iyon. Galing iyon sa "pinakaiyakin" at "pinakamadrama" sa magkakapatid, gaya ng paglalarawan mismo ni Tricia sa kaniyang sarili.


*****

Ayon sa kaniya, masyado siyang mahiyain. Hindi siya nagsasalita hanggat hindi kailangan. Sabi pa niya, mas marami siyang nakausap sa linggong iyon kaysa sa isang buong taon bago noon.

Sa aspektong ito, naka-relate ako kay Tricia. Hindi ako magaling makitungo sa mga tao, at limitado ang  kakayahan kong makisalamuha sa iba. Para bang laging hindi ko alam ang sasabihin; laging nagkakalkula ng susunod na hakbang; laging sablay kung sakaling humirit man.

Totoo, may mga taong malalapit sa akin, at hindi sila maniniwala sa mga sinabi ko tungkol sa sarili ko sa naunang talata. Pero ang tanong: ilan lang ba sila? Kakaunti; ang totoo, mabibilang sa daliri. Bumilang ng mga taon bago ako lubusang nagpakatotoo at nagtiwala sa kanila. Hindi naging madali ang pakikibagay. At, sa iba sa kanila na matagal akong napawalay, nahihirapan na akong muli na makipagtalastasan.

Hindi ko alam kung may istriktong mga pagsusulit para rito o kung ito ba ay isang kondisyong klinikal, pero naniniwala akong isa akong introvert. Tamang-tama sa akin ang pagkakalarawan sa pagiging-introvert sa Wikipedia at sa About.com.  Sa pangkalahatan, hindi ako sanay na makihalubilo sa iba sa mga social events, at waring nakakapagod para sa akin ang mga ito. Pero hindi naman ako ganito sa harap ng pinakamalalapit na kaibigan; ako na siguro ang pinaka-walang hindi nahihiya sa harap ng grupo. Pero sa labas nito, naiistress ako kung paano dadalhin ang sarili.

Totoo rin sa akin ang isa pang katangiang binanggit sa mga reperensiya tungkol sa pagiging-introvert: Kumukuha ako ng lakas sa pag-iisa. Sa totoo lang, ang pag-iisa ko ngayon dito sa Dresden ay isang kasiya-siyang bagay para sa akin. Pinipilit ako ng mga kaibigan na lumabas at gumala, pero mas na-e-excite akong bumangon sa umaga sa pagkaalam na magsisimula na namang muli ang isang tahimik at produktibong araw.

Ang sabi ng akda: "Introverts make up about 60% of the gifted population but only about 25-40% of the general population." Hindi na lang ako magkokomento kung saan ako nabibilang. :-P

*****

Pero gaya rin ng lahat ng normal na mga tao, naroon ang pangangailangang magmahal at mahalin. Ang totoo, kung tatanungin ang ilang malalapit na kaibigan, isa ako sa pinaka-sensitive at maunawaing tao na nakilala nila.

Noong una, hindi ko naman masyadong naiisip ang bagay na ito. Madalas, kontento na ako sa pakikinig sa mga istorya ng iba, pagbibigay ng mga perspektibo na maaaring ako lang ang nakakapansin bilang isang outsider. Pero dumating ang panahon na naisip ko ring kailangan ko ring maranasan iyon, ang mabigyan ng pagkakataong ako naman ang magkuwento tungkol sa isang pag-ibig at mga kaakibat nito.

Pero matagal na panahon ang lumipas. Hindi nakatulong ang marami at sunud-sunod na pagkabigo. Ang pagiging introvert ay may dalang kawalan ng social skills. Nagbunga ito ng pagkabigo sa bawat pahirapang pagsisikap. Isa, dalawa, ... maraming ulit. Nag-iwan ito ng takot. Na siyang kukumpleto sa isang buong siklo nang paulit-ulit na pasakit.

Ganun nga yata talaga. Para sa akin talaga ang pag-iisa.

*****

Hanggang sa dumating ang isa na maghahango sa akin mula sa gayong kalbaryo. Gaya ng inaasahan, siya ang tunay na kabaligtaran ko; isang extrovert, na kumukuha ng lakas mula sa pakikisama sa iba, hindi takot o balisa sa piling ng mga estranghero. Gaya ko noon sa kaniya. Mula sa pagiging isang estranghero, na laging nasa labas, binuksan niya ang pinto. Pero hindi niya ako hinila papasok. Sapat na sa kaniya na ipaalam sa akin na lagi akong welcome.

Siyempre pa, ang mahiyaing ako ay hindi agad na naging komportable dito. Pero hindi siya nainip. Naghintay siya hanggang sa unti-unti kong matutunan kung paano matagpuan ang daan patungo sa loob.


Hanggang sa, iyon nga, pumasok din sa bukas na pinto ang lolo mong takot. Nasira na ang siklo ng lungkot. At hindi na ako lalabas.

*****

Para sa iyo ito, mahal ko. Alam kong hindi tayo nagce-celebrate ng birthday, at nagkataong birthday mo ngayon, pero may kung anong tama lang na pumasok sa utak ko.

Siguro ay naantig lang ako sa kalungkutan ni Tricia. Wala na siyang mahahanap na tulad ng kaniyang ama.

Sa kaso ko naman, umaapaw ang kaligayahan ko sa pagkaalam na nariyan ka. Lubha akong nagpapasalamat sa pagdating mo sa buhay ko.

Wala na ako sa pag-iisa. Ikaw ang nag-iisa para sa akin. ●


Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...