Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa galing

Kapag pinag-uusapan ang salitang galing, madalas na ang unang pumapasok sa isip ng isa ay ang mga kaugnay na salitang tulad ng talino, kakayahan, kalakasan, o kakayahan. Ang isang taong magaling ay maabilidad, may kakayahan at kaunawaan para harapin at solusyunan ang anumang hamon na mapaharap sa kaniya. 

Sabihin pa, dahil dito, talagang isang kanais-nais na katangian ang pagiging magaling. Ito ay isang bagay na inaasam-asam ng mga tao mula pa lang sa pasimula ng kanilang kamalayan. Ang bawat hakbang ng isang maliit na bata, literal man o makasagisag, ay hinahangaan ng kanilang mga magulang at ng iba pa, habang sinasabing: “Ang galing galing naman ng baby!” Sa pagdating ng panahon, ang galing ay nasusukat hindi na lamang sa mga papuri ng mga nakamamasid, kundi sa katumbas na halaga nito, materyal man o hindi: isang medalya o ribbon, isang pagkilala o parangal. 

Magkagayunman, kung minsan ay nagiging labis ang pagpapahalaga sa galing, anupat nagdudulot ito ng pagkalimot o hindi pagpapahalaga sa iba pang bagay, na dapat sana ay mas mahalaga. Ang paghahabol sa galing, at ang karangalan at premyong dulot nito, ay umaakay sa ibang tao na makipagkompetensiya sa di-wastong antas. Dahil isa lang ang makakatanggap ng unang karangalan, at dahil nobody remembers a second-placer, hindi na nila kinikilala ang galing ng iba; bagkus, ito ay itinuturing nila na banta sa kanilang sariling galing. Dahil ang pinakamataas na karangalan lamang ang makakapagpasaya sa kanila, hindi na nila magawang makipagsaya sa tagumpay ng iba, at baka nga winawalang-halaga pa nila. 

Napakahirap na kasama ng gayong uri ng mga tao dahil tila ba mas mahalaga sa kanila ang galing kaysa sa ibang bagay o tao. Ang galing ay itinumbas na nila sa premyo, na siya na lang pinagmumulan ng kanilang kaligayahan. 

Pero gayon nga ba? Ang totoo, hindi. Hindi naman lahat ay magiging pinakamagaling; pero lahat ay may kani-kaniyang galing. 

Sabi nga ng isang kasabihan sa Ingles, nobody's perfect, kaya tiyak na may makikita at makikita tayong tao na mas magaling sa atin sa isa o higit pang aspekto ng ating buhay. Pero hindi ito dapat magpahina ng ating loob; hindi ka man pinakamagaling, kung taglay mo naman ang kinakailangang kaalaman at kakayahan, mayroon ka pa ring galing. Isa pa, kahit pa ang isang tao ay pinakamagaling sa isang aspekto, imposibleng maging pinakamagaling siya sa lahat ng iba pang aspekto. Hindi ba't alam na alam natin ito mula sa mga paglalarawan sa mga pelikula (o baka pa nga mula sa aktuwal na karanasan): ang mga pinakamatalino sa Math, halimbawa, ay kadalasan nang hindi ang pinakamagaling sa football. 

Kapag labis na nating pinahalagahan ang galing, anupat nakikipagkompetensiya na tayo, at parang isang banta na sa atin ang galing ng iba, baka kailangan nating mag-isip-isip. Hindi naman siguro natin nais na mapawalay sa iba dahil sa paghahabol sa kagalingan. Sa bandang huli, mas masaya pa rin na maging magaling, at magkaroon ng mga kasamang makikipagsaya sa iyo dahil dito. 

*****

Kapansin-pansin din: ang proseso ng pag-abot sa kagalingan ay tinatawag na pagiging magaling. Hindi paggaling

Ang huling nabanggit kasi ay ang salitang Filipino para sa Ingles na healing. Na, kapag inisip-isip natin, ay nagbabadya ng isang mapayapang proseso; wari bang galing ka sa isang mahirap at mahinang kalagayan, pero nabigyan ka ng solusyon sa problema mo at bumuti ang pakiramdam. 

Malayung-malayo sa prosesong pinagdaraanan ng marami ngayon kapag gusto nilang abutin ang pagiging magaling: puspusan at sobra-sobrang pagsisikap, pakikipagkompetensiya pa nga sa iba. 

Pagdating sa puntong ito, naaalala ko ang mga taong “nabibiktima” ng mga sukdulan ang pagnanais na gumaling. Sila ang mga taong may galing din pero hindi ipinapakita madalas. Sapat na para sa kanila na makisaya sa mga karangalan at premyo na natatanggap ng iba na lumalabas na mas magaling sa kanila. Pero kapag sila naman ang nagsisikap, anupat napapansin ang kanilang pagiging magaling, nagiging tampulan sila ng mga negatibong kaisipan ng mga kasamahan nilang nakikipagkompetensiya. Oo, sila ang mga itinuturing na dapat  ay hindi magaling

Kung minsan, ang mga taong katulad nila ay nadadala ng kalungkutan sa kanilang kalagayan. Hindi na lang sila magsusumikap, inaalala ang sugat sa damdamin na dadalhin nila sa mga taong nakikipagkompetensiya sa kanila. Di bale na, para sa kanila, na lagi na lang makisaya sa iba, kahit pa hindi sila nakikisaya sa kanila. 

Kapag napalagay ka naman sa ganitong kalagayan, siguro kailangan mong magtaglay ng tamang pananaw. Ang totoo, hindi mo naman kailangang pigilan ang sarili mo na magtagumpay at maging pinakamagaling sa pana-panahon. Ang totoo, hindi mo problema na hindi sila marunong makisaya; problema nila ito. Dahil darating din ang panahon na makakatagpo sila ng katulad nila, na mas magaling, at mapupunta sila sa kalagayan mo ngayon. 

*****

Ang unti-unting pagtanggap sa mga katotohanang ito ang, sa palagay ko, magdudulot ng kabutihan para sa bawat isa na sangkot. Sa palagay ko, ito ang aakay sa tunay na pagiging magaling. At tunay na paggaling. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...