Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa SPP submissions

Apat na oras ang nakakaraan, dumating ang deadline para sa pagpapasa ng papel para sa ikatatlumpung Physics Congress ng Samahang Pisika ng Pilipinas (SPP). (Hindi ko pa alam kung, gaya ng mga nakaraang taon, na-move ito para bigyang-daan ang iba pang gustong humabol.) Bilang miyembro ng Publications Committee ng National Council ng SPP, may access ako sa mga submission. At naisipan kong sumilip.



Lumitaw na may 26 (pa lang!) na submissions. Bagamat marami ay mula sa National Institute of Physics (NIP) sa UP Diliman, malaking bahagdan na rin ng mga ipinasa ay nagmula sa iba't-ibang institusyong nagsasaliksik sa pisika sa Pilipinas at sa ibayong dagat: may mga nagmula sa Cebu, Los Baños, ibang unibersidad sa Maynila, at maging sa mga laboratoryo sa Hapon (at siyempre, sa Alemanya). Mga akdang sumasaklaw sa malalawak na mga paksa: geophysics at atmospheric physics, optics at nanotechnology, solid-state physics, mga aplikasyon ng physics sa biology at social sciences, at maging sa pagtuturo ng physics. Kung mula sa mga kategoryang ito titingnan (at hindi sa aktuwal na bilang ng papel), mukhang magiging isang masaya at makabuluhang pagtitipon na naman ang komperensiyang ito.

*****

Sa maraming batang nagnanais maging siyentipiko sa mga bansang may mayamang kultura sa agham, ang mga scientific conference ang pangunahing paraan upang ipaalam sa mundo kung ano ang iyong ginagawa. Bukod sa pagsasanay sa paggawa ng presentasyon at sa aktuwal na pagsasalita, ang mga makabuluhang komento at suhestiyon mula sa mga kapuwa mananaliksik ay isang malaking bagay para sa pagsulong ng karera bilang siyentipiko ng mga kabataang ito.

Sa katunayan, ngayong panahon ng bakasyon dito sa Dresden, marami sa mga mananaliksik sa aming Institute, bata man o matanda, ang lumipad patungo sa iba't-ibang bahagi ng Europa, dala ang kanilang mga presentasyon o poster para itanghal sa mga komperensiya. Samantala, ang aming Institute mismo ay tumanggap ng mga bisita mula sa Asya, Amerika, at Europa para sa sponsored nitong mga komperensiya na bukas para sa lahat ng kasapi ng Institute. 

Ito ang bakasyon ng scientist. Ang pagtungo sa ibang lugar ay magbibigay ng pagkakataon sa mga darayo na pumulot hindi lang ng mga bagong kaibigan at alaala kundi, mas mahalaga, mga bagong paksa, tanong, at lead para sa patuloy na pagsasaliksik.

*****

Ito rin ang dahilan kung bakit sa sembreak itinaon ang SPP Congress.

Nang panahong unang isakatuparan ito, tiyak na isang napakalaking hamon ang pagsasagawa ng isang makabuluhang pagtitipon yamang napakaliit ng mga grupo ng mananaliksik sa Pilipinas. Sa paglaon ng panahon, napagbuti pa ang mga proseso nang pagkalap ng mga papel, pagsasagawa ng peer review, at paglalathala ng mga proceedings. Bagamat hindi pa naman talaga perpekto at ganap na masulong, malaki ang naging papel ng mga SPP Congress sa pagtataas ng kalidad ng pananaliksik sa pisika sa Pilipinas.

At dahil ito'y pangunahin nang para sa mga Pinoy researchers, hindi rin mawawala ang pag-usbong ng mga tema ng pananaliksik na akma para sa Pilipinas. Mga akdang tumatalakay sa mga problemang hindi na dinaranas ng mas mayayamang mga bansa ngunit laganap at makabuluhan pa rin para sa Pilipinas. Nabuksan din ang daan para magkakilala at magkaroon ng ugnayan ang mga institusyong pinaghiwalay ng mga isla ngunit may magkatulad na mga tunguhin at problemang nais na maintindihan.

Nagbigay rin ng pagkakataon ang SPP Congress para sa maraming kabataang scientist noon at ngayon na masanay na magharap ng isang siyentipikong presentasyon nang hindi na dumarayo sa ibang bansa, o sa ibang salita, nang hindi na masyadong gumagastos.

*****

May pananabik kong inabangan ang pagdagdag ng mga akda sa listahan. Sa bawat bagong submission, may bagong mga awtor na makapagpapaliwanag ng isang paksang pinagsikapang niyang gawin at isulat sa buong taon. Sa bawat submission, may mga bagong institusyon na magkakaroon ng kaugnayan sa iba pa. Sa bawat submission, may mga bagong problemang maihaharap, mabibigyan ng sagot, at makapagbabangon muli ng bagong mga tanong para sa mas malawak na pag-aaral. 

Mag-aabang akong muli sa mga susunod pang araw. Alam kong marami pang hahabol. Marami pang kapana-panabik na bagong mga SPP submissions. ●  

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...