Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa "Tama na"

Lahat daw ng sobra, masama. Kaya dapat may kontrol sa sarili. At some point, dapat nang sabihin: "Tama na."

Ang araw-araw na buhay ko dito ngayon ay isang walang katapusang pagtutunggali ng katawan ko na gusto pa at ng utak ko na nagsasabing "Tama na." Sa unang tunog pa lang ng alarm sa umaga, nariyan na ang katawan na ayaw pang kumawala sa mainit na yakap ng kumot, habang pinagmamadali naman ng utak na bumangon na. Pagkatapos magluto ng masarap na almusal, busog na ang tiyan pero gusto pa niya; sinasabihan na siya ng utak na tama na. Mauubos ko na rin ngayon ang isang litrong Coke kahit pa alam kong dapat na akong tumigil.



Sa ganitong maliliit na mga bagay, ang paalala para huminto na ay isang bagay na kakatwa, at madalas na ipinagwawalang-bahala. Pero kung minsan, may mga pagkakataon na ang "Tama na" ay ginagamit sa mga bagay na masakit at mapait. Sa ibang konteksto, ang pananalitang ito ay madalas na nagagamit sa mga sitwasyon ng sukdulang galit, anupat nagbabadya ng pagtatapos ng pagtitimpi at pagsisimula ng pagkilos. Kung minsan naman, nasasambit din ito upang tigilan na ang pagbalik ng malulungkot na alaala, mga alaalang matagal na dapat nalimot pero dahil sa ilang mga kalagayan ay kusang bumabalik at nagpapalungkot. Minsan din, ang katagang ito ay bunga ng kawalang-pag-asa, ng pagsuko.




Subalit may pagkakataon na hindi man lang sumagi sa isip ko ang "Tama na." Tulad ngayon, kapag naiisip kita at kung paano tayo nagsimula. Sa tuwing magagawi ako sa mga kasuluksulukan ng kaisipan, kung saan naroon ang larawan ng masasaya, kahit pa nga malulungkot, na sandali sa buhay natin, sa halip na huminto ay lalo pa akong nagpapatuloy, ibinabalik at sinasariwa sa isipan kung paano ba nabuo ang ating istorya; inuulit ko sa isipan ang bawat kulay at lasa at tunog. At kapag naulit ko na ang lahat, anupat nakarating na sa ngayon, sinasabi pa rin ng utak ko na "Sige pa!" anupat hinihikayat akong maglakbay pa, na mangarap patungo sa kinabukasan.

Hindi ko na idedetalye ang makukulay na larawan sa isipan; alam kong alam mo na iyon. Sa ngayon, tama na muna. Hinihintay ko ang muli nating pagkikita. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...