Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Europa

Ang kontinente ay batbat ngayon ng mga problema. Pangunahin na rito ang problema sa pagbagsak ng ekonomiya ng mga miyembrong bansa ng pinag-isang pananalapi. Usap-usapan din ang naging pasiya ng Nobel Committee na igawad ang parangal para sa kapayapaan sa pinagkaisa nilang Samahan. Bawat bansa ay marami ring kinakaharap na mga panloob na suliranin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, nananatili pa rin ang kinang at panghalina ng Europa para sa akin.



Ang totoo, hindi naman na bago ang ganitong mga problema sa Matandang Daigdig. Sa mahabang kasaysayan nito, nasadlak na ito sa napakaraming madudugong digmaan (mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, at maging ang mga Digmaang Pandaigdig), mga relihiyosong pagkakasalungatan (ang Inkisisyon, mga Krusada, ang Repormasyon), mga epidemya (pangunahin na, ang Black Death), at iba pang mahihirap na mga kalagayan. Pero dito rin umusbong ang pinakamalalaking mga kaganapan sa larangan ng sining at humanidades (ang Renaissance), pulitika (gaya ng Rebolusyong Pranses), at ekonomiya (ang pagsulong na dala ng Rebolusyong Industriyal).

Pero sa paanuman, nalagpasan ng Europa ang mga balakid na ito. Nakapagtatag ito ng mga matagumpay na mga kaharian at imperyo, na nagsimulang magpalawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kolonisasyon. Bagamat nangingibabaw na ngayon ang kontrol ng Bagong Daigdig, ang Estados Unidos (na nagsimula rin bilang isang kolonya ng Britanya), hindi maikakailang nasaklaw ang buong daigdig ng impluwensiyang Europeo.

Ang magkakaugnay na mga kaganapan sa kanilang kasaysayan ang marahil siyang nagpatibay ng kaugnayan ng mga bansa sa Europa sa isa't-isa, na umakay sa pagtatatag ng isang samahan na pambuong-kontinente. Bagamat nagkakaproblema ito sa ngayon, ang modelong ito ay balak na isakatuparan ng iba pang mga samahan ng mga bansa, partikular na ang ASEAN, na nais pag-isahin ang Timog-Silangang Asya sa taong 2015.




Bilang isang dayuhang nagtatrabaho rito, nakikinabang ako sa mahusay at magkakaugnay na mga sistema sa Europa, anupat pinadadali ang transportasyon at komersiyo sa pagitan ng magkakatabing mga bansa. Kamakailan lang, sa isang paglalakbay patimog sa tren, hindi ko namalayang tatalong bansa pala ang (literal na) nadaanan ko: mula sa Alemanya, tumawid ako sa Austria, hanggang sa dumating sa Italya. Nakatawid na rin ako pahilaga noong nakaraang taon patungo naman sa Denmark. Kung tutungo ako sa silangan, mga ilang oras lang ang biyahe papuntang Poland o Czech Republic (at ang tanyag nitong kabisera na Prague) at pakanluran naman, nais ko ring mapadaan sa Pransiya o Belgium.

Ang kabundukan ng Alps,
kuha ko sa tren sa pagtawid mula Italya papuntang Austria

Kung ang pinanggalingan kong Asya (lalo na ang Pilipinas) ay sagana sa likas na yaman, anupat malinis na hangin ang literal mong nalalanghap, ang pagbisita naman sa mga lugar sa Europa ay may dalang kakaibang hangin, isa na punung-puno ng kasaysayan at kultura. Ang malalaking mga edipisyo sa Dresden at sa Roma na mula sa labas ay hitik na hitik na sa mahuhusay na disenyong arkitektural ay punung-puno pa sa loob ng mga larawang ipininta o mga dibuhong inililok ng mga tanyag na maestro ng nagdaang henerasyon. Ang pasikut-sikot na mga eskinita at mga kanal ng Venice ay may dalang kakaibang romantikong pakiramdam. Maging ang simpleng mga tanawin mula sa bintana ng tren -- ang mga malalawak na parang, mga maliliit na komunidad sa mga gulod, mga ubasan at pastulan, mga kagubatan at mga batis -- ay sapat na upang magdala ng mga damdamin ng pagkamangha.

Mga fountains sa Zwinger ng Dresden.

Sa harap ng istasyon ng tren sa Venice.


Bagamat sinasabi ng iba na hindi raw ngayon ang pinakaangkop na panahon para manatili sa Europa, masaya pa rin ako na nandito ako at malayang nakakapaglibot. Hindi matutumbasan ang karanasang dulot ng paggalugad sa isang matandang kontinente; ibinabalik ako nito mga ilang dantaon sa kasaysayan hindi lang para maalala ang mga naganap kundi para matuto mula rito. Kahit siguro magtagal pa ako dito, hindi magmamaliw ang pagkamangha ko sa Matandang Mundo. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...