Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa malakas na hangin ngayong gabing nag-iisa

Maliwanag na ang mga tala nang ipasiya kong lumabas sa lungga.



Ngayong bakasyon, ang mga tao sa aming gusali ay nagsiuwian sa kani-kanilang mga kamag-anak. Nababalot ng katahimikan ang paligid, anupat naririnig kong waring umaalingawngaw ang mahihina kong yabag sa mga pasilyo. Ang kumukurap na mga ilaw at ang tunog ng dahan-dahang nagsasarang pinto ay nagpapaalala ng mga tagpo sa mga pelikulang katatakutan.

Nakakainip ang anim na minutong paghihintay ng kasunod na tram. Lalo pa't unti-unti nang nauubos ang mga taong kasabay ko kaninang naghihintay, nakasakay na sa mga tram na papunta sa ibang direksiyon. Nakadaan na ang tram 4. Tram 2. Tram 1. Mabuti na lang at naiwan si kuya na may aso, may nakasabay ako sa pagsakay sa tram 10. Maaga lang siyang bumaba; ako na lang ang naiwang pasahero bago ako bumaba sa Hauptbahnhof. Kung jeep pa ito sa Pilipinas, gumarahe na siguro ito, baka pinalipat pa ako sa kasunod.

Eksaktong apat na tao lang ang nasa sinehan. Maingay ang dalawang Indian, at sobrang tahimik naman ng isa pa na Polako. Mga tango at ngiti ang ipinakipagpalitan namin sa isa't-isa bago tuluyang lumabas.

Eto na. Ang malakas na ihip ng hangin. Para tuloy nagyeyelo ang pakiramdam gayong dapat sana'y limang sentigrado ang temperatura.




Nagmasid ako habang tinatangay nito ang mga papel na baso ng kape na nahulog mula sa isang umaapaw na basurahan. Sa isang mabilis na pasada, naitaboy na nito ang lahat ng kalat, animo'y isang di-nakikitang tagapagwalis.

Sa pagpasok ng hangin sa mga siwang ng aking bonet, lumilikha ito ng isang kakaibang tunog, isang mahinang hugong na tulad ng isang di-mawatasang bulong. Kung hindi pa sumakit ang tainga ko sa ginaw, hindi ko pa siguro iaayos ang takip ko sa ulo, anupat patuloy na makikinig sa mahinang huning iyon.

Ginulo na nito ang aking scarf, pinakaway ang mga puno, halos itulak ako patagilid. Parang batang nakikipaglaro.




Tunay nga, may mga bagay na hindi nakikita ngunit hindi maikakaila.

Hindi ko na kailangang magpalutang-lutang sa dagat, gaya ng bida sa pelikula. Ang buong mundo ay isang malaking museo, na kung saan ang lahat ng mga likha ay pirmado ng Maylalang. Hindi na mahalaga kung hindi Siya nakikita. Gaya ng di-nakikitang hangin, nariyan Siya: nagtatrabaho, nakikipag-usap, nakikipaglaro.

Umaalinsabay Siya sa mabagal na paglalakad ng isang lalakeng nag-iisa ngayong gabi. ●

(Ito ay isinulat matapos mapanood ang pelikulang The Life of Pi.)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...