Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa magkaibigan

Magkaibigan sila. Iyon ang alam ko, ang alam ng lahat. Mabibilang sa daliri ang mga pagkakataon na hindi sila magkasama sa klase, sa kainan at inuman, at kahit pa sa paglilibang.

Nililinaw ko lang, hindi mo kasi sila kilala. Baka mapagkamalan mong magkapatid (naging magkahawig na rin yata sila e). Baka maisip mo na kambal; pareho rin kasi ang timbre at tono ng kanilang pagsasalita. O, gaya ng akala ng maraming unang nakamasid sa kanila, magkasintahan.

Lagi rin kasi silang magkasama sa mga larawan sa Facebook. May pagkakataon pa nga na naka-crop lang ang isa sa profile picture ng isa pa (mabuti at hindi pa pareho ang larawang napili nila).

*****

Hindi ko rin alam; wala naman akong permanenteng kaibigan noon. May mga itinuring din akong kaibigan noon, nawala na sila lahat; pero hindi sila kasama doon. Mahirap mang paniwalaan, pero, oo; sa katunayan, inis ako sa kanila, at sila sa akin. Noon.

Mahabang kuwento; sabihin na lang nating nagkataon lang talaga na mabuklod kami na gaya ng nakatirintas na mga ikid nang bandang huli. Gaya ng sa lubid, ang kombinasyon namin ay nasumpungang matibay; para hiramin ang linyang madalas nababanggit sa aming larangan: Ang kabuuan ay higit sa simpleng pagdaragdag ng mga bahagi. May kakayahan kaming ilabas ang pinakamagaling mula sa bawat isa, at manatiling malakas kahit may isa o dalawang mahina.

Pero hindi ako nagduda na kahit mawala ang "hibla" ko ay matibay pa rin ang kanilang "lubid". Naiinis sila sa akin kapag sinasabi ko ito, pero buo ang paniniwala kong ako ang pinakauna nilang tagahanga. Kung ano man iyon na naglalarawan sa kanila.

*****

Alam mo yung pakiramdam na may mga bagay ka nang kinalakihan at hindi mo na magawa? At kung paanong napapalitan na ito ng mga bagong bagay na angkop sa iyong edad? Wala akong maisip e... ah, kung paanong hindi ka na pwedeng kalungin ng nanay mo sa dyip, pero pwede ka nang sumabit. Parang ganun.

Hindi. Hindi iyon ang nangyari sa kanila.

Kaya ko lang nabanggit kasi kilala kita, sasabihin mo sa akin, "Ganun talaga," at sigurado akong idadahilan mo ang mga bagay na tinuran ko kanina. Na para bang ang istoryang ito ay kasing-simple at kasing-karaniwan lamang ng mga istoryang lumalabas sa mga pelikula. Naiisip ko nang papagandahin mo ang katapusan nito, makikipagpustahan ka sa akin na sila rin ang magkakatuluyan sa bandang huli.

Kaya inunahan na kita. Inuunahan na kita. Hindi.

Mga bagong karakter sa dula ng kanilang mga buhay. Mga bagong pagkakataon at gawain. Kawalan ng pakikipagtalastasan. Kapalaluan. Ang... parang mali ang termino,... "tamang-tamang" timpla ng mga ito ang naging dahilan kung kaya sila nagkalayo.

*****

Ayan ka na naman. "Ganun talaga"? Hindi dapat! May mga bagay na sadyang napakaganda na hindi mo hahayaang basta na lang masira. May mga bagay na sadyang napakahalaga na hindi mo hahayaang basta na lang mawala.

Parang ganito lang ang pangangatuwiran diyan e: Tao tayo! Nasa kalikasan na natin bilang tao na manatiling buhay, kaya kahit pa masakit o mahirap, may mga bagay tayong nagagawa, na minsan ay di natin sukat akalain na kaya pala natin, para lang mapanatiling buhay ang sarili. Pag ako, napunta sa isang kalagayan na magpapahamak sa buhay ko, hindi ako susuko; gagawa at gagawa ako ng paraan para makaligtas.

Exaggerated na ihambing ang kasong ito sa buhay? Hindi a. Ito ay dalawang buhay na pinagkrus ang landas na anupat alam mong hindi ito nagkataon lamang kundi itinakda. Ito ay dalawang istoryang pinagtagni-tagni ng panahon kaya hindi na magiging kapana-panabik kung mamasdan ang mga ito nang magkahiwalay. Ito ay dalawang taong minamahal at pinahahalagahan ko, naging parte na ng buhay ko mismo. Sulit na ipaglaban ito.

Kaya oo, gagawa ako ng paraan. Hindi ko pa alam kung ano o paano, pero oo. Gagawa ako ng paraan.

Masakit din sa akin, 'no. Di ba nga: pangunahing tagahanga. Pising kasali sa lubid.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...