Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa maliwanag na buwan

Akalain mo. Nakakasilaw din pala ang buwan.


Walang blinds ang bintana ko sa paanan ng kama. Naisip kong tama lang iyon; kapag umaga na, gigisingin ako ng liwanag ng araw, na di gaya ng alarm clock ay isang panggising na di ko mapapatay.

Pero nitong nakaraang dalawang araw -- madaling-araw -- ginising ako ng liwanag nang alas-kuwatro at alas-singko ng umaga. Hindi, hindi napaaga ang araw; sa katunayan, unti-unti nang umiikli ang tagal ng sikat ng araw sa maghapon ngayong taglagas. Ang sanhi ng liwanag ay ang buong-buong buwan na sumisinag mula sa aking bintana.

Kaya hayun, kahit pupungas-pungas pa, tinangnan ang camera sa kamay at sumampsa sa ibabaw ng heater, nagtangkang kunan ng larawan ang buwan mula sa bintana. Hindi makapokus ang kamera sa "mukha" ng buwan dahil sa repleksiyon mula sa salamin ng bintana. Hindi ko naman mabuksan ang bintana para papasukin ang 7 degrees na lamig mula sa labas.



Magpapasiya na sana akong panandaliang iunat ang kamay sa labas para sa mas malinaw na kuha nang magtago naman sa mga ulap ang animo'y mahinhing dalaga.


Bandang huli, nagmasid na lang ako nang nagmasid habang unti-unting naglalakbay ang mga ulap sa harap ng maliwanag na mukha ng buwan. Papatapos na ang dilim, at gaya ng isang maningning na bituin sa entablado ay waring nagtatago na sa likod ng telon ang Reynang Buwan sa gitna ng lubos na pagkamangha at paghanga ng mga tagapanood na tulad ko. Kahit pa ang "Hanggang sa muli" ay hindi naman sa katagalan, yamang ang maringal na teatro ng kalangitan ay bukas gabi-gabi, gaya ng isang tagahanga ay ninais ko ring kumuha ng isang "huling" sulyap sa bida ng panoorin.

Bagamat hindi ko siya ma-reach (literal), nagpaunlak naman siya. Ito ang pabaon niyang larawan bago ako matulog muli. ●


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...