Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-uwi

May mga salita rin namang maaaring gamitin bilang katumbas ng salitang-ugat na uwi o ng pangngalang nagmula dito, pag-uwi. Ang una kong naisip ay balik, pagbalik. Ang mungkahi ng Google Translate ay buwelta, pagbuwelta, na hiram mula sa Kastila. Isang malayong kahambing ang sauli, pagsasauli, na mula naman sa salitang ugat na uli na, kapansin-pansin, maaring hango rin sa (o pinaghanguan din ng) uwi (sa katunayan, sa pagkakaalam ko, sa mga wika sa Visayas, ang uli ang katumbas ng Tagalog na uwi).

Pero mas makahulugan pa rin ang salitang uwi kaysa sa lahat ng mga katumbas nito -- mas makikita ito kapag sinubukan natin itong isalin. Habang ang lahat ng iba pang salita ay pwedeng maging katumbas ng salitang Ingles na return (o turn, o (turn/go) back), ang nabanggit na tatlong-titik na salitang Filipino lamang ang maaaring itumbas sa return home. Hindi na natin kailangang banggitin ang mas mahabang bumalik sa tahanan o bumuwelta pabalik sa tahanan o isauli ang sarili sa tahanan...

Gayon kahalaga sa ating kultura ang konsepto ng tahanan, anupat lumikha tayo ng isang salita, gaano man kaikli, upang ilarawan ang pagbabalik natin dito sakali mang tayo'y mapawalay.





*****

Isa pang obserbasyon: Noong bata pa ako at dumadayo sa mga kapitbahay para makipaglaro, ang konsepto ko ng pag-uwi ay nagsasangkot lamang sa bahay namin, mga ilang metro lang ang layo (na anupat pagdating ng hapon ay dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama para pauwiin ako).

Nagsimula akong mag-aral sa Marikina. Ang pag-uwi ngayon ay nagsasangkot ng pagsakay sa jeep at paglalakad ng ilang metro patungo sa aming bahay. Siyempre pa, sa parehong bahay pa rin ako tumutuloy; pero ang pag-uwi ngayon ay hindi na lang basta sa bahay, kundi sa bahay sa Antipolo. O, sa mas maiksi, umuuwi ako sa Antipolo.

At ngayon, matapos ang anim na buwan sa Alemanya, uuwi ako sa Pilipinas.

Tingnan mo nga naman. Kapag mas lumalayo ang nagiging biyahe, mas lumalaki ang nagiging saklaw ng uuwian.

*****

Kung ang uwi at ang mga katumbas nito ay gaya ng magkapatid, tiyak na di-malayong pinsan nila ang salitang ulit. Sa anyo ay talaga namang hindi maikakaila; pero gaya ng isang pinsang may ibang personalidad, sa gamit ay hindi na maituturing na katumbas ng una ang huli.

Ang ulit ay maisasalin sa Ingles na repeat; paggawa muli ng isang bagay. Bagamat may negatibong mga damdaming kaugnay ang mga hinangong salita rito (gaya ng paulit-ulit o kulit), may positibong mensaheng dala ang ang kahulugan nito kapag sinilip mula sa kaugnayan nito sa kaniyang "pinsan".

Kapag isinaalang-alang na ang ulit ay kaugnay ng uwi, nagpapahiwatig ito ng isang bagong pag-asa. Ang Biblikal na talinhaga tungkol sa alibughang anak ang pinakamagandang paglalarawan dito. Na sa kabila ng lahat ng mga paglihis at pagkakamali, ang tahanan ay laging nariyan para burahin ang mga epekto nito. Ang alibughang anak ay umuwi para makapagpasimulang muli.

*****

Batay sa lahat ng obserbasyong ito, ngayon, higit kailanman, mas kapit sa akin ang diwa ng pag-uwi.

Babalik ako, hindi lamang upang umuwi sa isang tahanan, kundi upang magtatag ng isa;

Uuwi ako mula sa pinakamalayo kong paglalakbay, kaya ito rin ang pinakamalawak kong tahanang uuwian -- pamilya, mga mahal sa buhay, at kaibigan;

At uuwi ako na taglay ang isang bagong pag-asa para sa isang bagong pagsisimula.

Ilang oras na lang ang binibilang bago magkatotoo na itong lahat. Kailangan ko na sigurong tumigil sa pag-iisip tungkol sa salitang pag-uwi upang maghanda para sa aktuwal na pag-uwi. ●

Mga Komento

  1. Kagiliw-giliw, 'ka nga ng Blogspot. Nangungulila't nananabik na ang Pilipinas sa iyong pag-uwi. Maligayang pagdating, kaibigan.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...