Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglubog ng araw

Romatiko ang gabi. Panahon din ito ng pahinga.

Pero mas maraming positibong bagay pa rin ang iniuugnay sa umaga. Sabi nga ni Lucy Maud Montgomery, galing sa Quote of the Day feed sa email ko, "Tomorrow is always fresh, with no mistakes in it." And to paraphrase a hit song by Rey Valera, ang umaga ay nangangahulugan (at katunog pa man din) ng pag-asa. Kaya mas inaabangan ang pagsisimula nito, ang pag-alis mula sa kadiliman ng gabi.

Dahil nasa gawing kanluran ang apartment ko, hindi ko nasisilayan ang unang mga silahis ng araw sa umaga. Hindi ako magigising kung hindi pa sa alarm. Kaya hapon ang inaabangan ko.






May kanta rin naman patungkol sa hapon, sa twilight time. Pero gaya ng gabi, na susunod dito, ang hapon ay mas iniuugnay sa negatibong mga bagay; mga bagay na papatapos na, naluluma, o tumatanda. Malagim ang paglalarawan dito ni Efren Abueg sa kaniyang maikling kuwentong "Sa Bagong Paraiso," isa sa mga akdang Pilipino na tumatak sa isip ko bilang bata. Bakit kaya kulay dugo ang langit sa dapithapon? tanong ng mga bida sa kuwento na sinalot ng malagim na mga kaganapan. Kung may nakaka-appreciate man sa hapon, dahil siguro hudyat na ito ng ending ng isang di-magandang araw, o dahil simula na ito ng inaasam na party o pahinga sa gabi. Hindi sa ganang sarili nito.

Pero para sa akin, ang hapon ay isang mahalagang parte ng araw. Nasabi ko na noon na ang "hapon" ang root word ng "maghapon." Hinihintay ko noon ang hapon para tumakas sa pagtulog at para maglaro kasama ang mga kaibigan; hindi ko alintana ang kulay-dugong langit habang papagabi dahil kinasasabikan ko ang malagintong sinag ng araw sa hapon. At ngayon, sa trabaho, sinisigurado kong huminto sandali pagdating ng hapon para magpahinga at mag-isip.

May nakapagsabi rin sa akin na masyado nang overrated ang bukang-liwayway; sa katunayan, wala ka pa namang nagagawa sa panahong ito kundi ang gumising at magsimulang mag-asikaso. Pero ang hapon ay iba, natatangi. Pagsulyap mo sa kanluran, ang papalubog na araw ay parang ngumingiti, nireregaluhan ka ng isang magandang visual display for a job well done.

Ang sabi sa Bibliya, mas mahalaga ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan (Ecl. 7:1). Kasi nga naman, sa birthday mo, nabuhay ka, pero ang huling araw mo sa mundo ang culmination ng lahat ng nagawa mo, kung paano ka naging tao. Ang paglubog ng araw sa kanluran ay isang araw-araw na paalala sa katotohanang ito. Gaya ng bawat umaga, maikli ang buhay. Ang bawat hapon, kung gayon, ay dapat na maging karapat-dapat sa pasasalamat. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...