tungkol sa ako, ikaw, at siya

Tapos na ang klase, pero hindi pa ako umuuwi. Hindi pa kumpleto ang araw ko kapag hindi pa dumarating ang ganitong pagkakataon. After all, ang root word naman ng "maghapon" ay "hapon"; kaya para sa akin, matapos ang malalim na gabi, mahabang umaga at mainit na tanghali, nagsisimula pa lang ang essence ng pagpasok ko sa school.

Ikaw rin. Naroon ka rin sa loob ng silid-aralan tulad ko, kahalubilo ng iba pa nating kamag-aral na kung anu-ano ang pinagkakaabalahan. Ikaw ang aking isla sa gitna ng malawak na dagat ng mga usapan at kulitan. Ikaw ang sumasagip sa akin mula sa pagkakatangay ng iba’t-ibang alon ng personalidad sa maliit na mundo ng klase. May apat na taon din akong na-stranded sa iyong mga baybayin.

Siya? Wala siya. Wala na siya. Gugugulin niya ang hapon sa labas.





Ako ang magtatanong. Kukumustahin ko ang buhay mo, na para bang hindi ko namamasdan ang kabuuan nito. Magtatanong ako sa mga nangyari sa araw mo, na para bang hindi mo ako kasama mula alas-singko ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi. Bubusisiin ko ang mga lihim ng pagkatao mo na sa totoo’y hantad naman sa aking paningin.

Ikaw naman, magkukuwento ka. Mga nakakatawang kuwento ng napakasaya mong panlabas na pagkatao. Imomostra mo pa ang mga bastos mong joke, kung saan hindi ako maka-relate (kunwari). Tatawa ka; mali, hahalakhak ang tamang termino. Hahawahan mo ako ng kakulitan at sigla.

Samantalang sumasagap siya ng huling butil ng gintong araw, sumisigaw at nasisigawan sa field.





Kung ako lang, napaka-walang kuwenta ng buhay ko. Boring. Walang mapag-uusapan.

Kaya ikaw pa rin ang magdadala ng usapan. Sa iyo pa rin manggagaling ang majority ng kuwento. Pero bandang huli, mauubusan ka rin ng kuwentong masaya. Dahan-dahan ding mahuhubad ang panlabas mong anyo at lilitaw ang katotohanan. Na hindi ka kasing-saya gaya ng pino-project mo. Nasa likod ng masayang maskara ang balon ng luhang naipon.

Na siya ang dahilan. Alam man niya ito o hindi.





Ako ang una mong sinabihan tungkol sa kanya. Ako ang unang sumalo sa mahalagang mga luha na bihirang pumatak sa isang masayang mukhang katulad ng sa iyo. Alam ko ang pasimula, ang gitna, at pinaghahandaan ko na rin ang posibleng dulo ng kuwento.

Ikaw kasi. Hindi mo magawang lumuha sa harap ng madla, hindi kasi sila sanay dito. Kahit sa tunay mong kapatid, ni hindi mo maipagtapat ang totoo. Kahit ikaw, natatawa ka sa ideya na may crush kang matindi, at siya pa.

Siya rin naman, nababalitang may gusto sa iyo. Pero malabo siya e. Nung una, nagkakaroon pa ng pagkakataon na magkasama kayo, to the delight of the whole class. Pero bigla siyang naglahong parang bula. Parang ngayon. Habang nagsisimula nang bumaha ng luha mo dito sa classroom, umaagos naman ang pawis nya sa quadrangle.





Ako tuloy ang napapagsabihan mo.

Ikaw ang nasasaktan.

Siya naman, hindi natin alam.





Minsan ay inawitan mo ako ng isang awit ni Mandy Moore. Ganoon din yun, kung tama ang pagkakaalala ko. Isang dramarama sa hapon natin iyon, nang inawit mo iyon.

Ikaw ang nagsabi sa akin na makinig. Feel na feel mong kumanta. Sabi mo, ide-dedicate mo sa kin ang "I Wanna Be With You." OST yata ng isang pelikulang gusto mo. Ako naman, kahit hindi ko feel si Mandy Moore, nakinig na lang ako. Ang galing mo kasi talagang kumanta. Parang may pinaghuhugutan, ika nga. Pero wala nang bawian. Sa akin mo inialay ang awitin mo. Kahit pa sa totoo lang, alam kong iba ang nasa isip mo nang kinakanta mo iyon. Iba ang gusto mo sanang kantahan nun.

Siya.





Ako? Masaya na ako sa estado ko. Masaya na ako na ginugugol mo sa akin ang hapon mo. Kahit maikli ang hapon, at agad itong inaagaw ng dilim.

Kasi, sa gabi, ikaw ay magpapaalam na. Sinamahan lang kita sa paghihintay.

Sa gabi, tapos na siya. Magkakasabay kayo pauwi.

Mga Komento

Kilalang Mga Post