tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin.

Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran. 

Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.


*****

Bilang mga tao, may ideya naman tayo tungkol sa mga limitasyon sa mga kalayaang ibinibigay sa atin. 

Isang limitasyon, halimbawa, ang mga natural na batas na dapat nating sundin. Pwede kang magtatakbo at maglulundag pero alam mong hindi ka pwedeng tumalon mula sa tuktok ng isang mataas na gusali; ang pagkaalam na di ka sasantuhin ng batas ng grabidad, na pwedeng ikapahamak mo, ang pipigil sa iyo na gawin iyon. Technically, kaya mong gawin iyon; pero hindi ka malaya; hindi mo na kailangang subukan para malaman na disgrasya ang aabutin mo kapag ginawa mo iyon.

Mayroon din tayong budhi, anupat nalalaman din nating may moral na mga limitasyon sa kalakip sa bawat desisyon. Halimbawa, alam natin na mali ang magnakaw o pumatay dahil sa moral compass na ito. Technically, may iba sigurong kayang gawin iyon; pero muli, hindi ito kalayaan; ang mga batas ng moralidad at ng lipunan ang magsasabi sa iyo na hindi mo iyon dapat gawin.

Kaya naman hindi na tayo dapat magtaka kung, kahit sa isang demokrasya, may mga limitasyon din ang mga kalayaang ipinagkakaloob sa atin. Kung tutuusin, bakit pa tayo gumagawa ng mga batas kung wala rin naman palang katapusan ang mga bagay na pwede nating gawin, hindi ba? Alam na alam natin na ang bawat karapatan ay may kaakibat na pananagutan. Hindi lahat ng kaya ay binibigyan ng kalayaan.

*****

Pero sa kabila nito, sa pana-panahon ay meron pa ring mga hindi nakakaunawa sa ganitong mga limitasyon. Meron pa ring mga sumusubok sa hangganan ng mga kalayaang ito. Parang makukulit na mga anak na patuloy na naglalaro sa gitna ng kalsada dahil wala pa namang sasakyan na dumadaan. 

Ang kalayaan sa pagpapahayag na siguro ang pinakasinusubukang sukatin ang mga hangganan. Lalo na itong totoo ngayon, sa henerasyon ng Internet at Facebook. Kahit sino na ngayon ay may kakayahang magbulalas ng kahit anong bagay tungkol sa kahit kanino. 

Pero muli, dapat na malinaw sa atin na ang kakayahan ay hindi nangangahulugan ng kalayaan. Bagamat ginagarantiyahan ang karapatang ito, may mga responsibilidad na kaakibat ang paggamit nito. 

Marami sana sa mga isyu ngayon ang agad na nasolusyunan kung kinilala lamang sana ng mga sangkot ang mga limitasyon sa kanilang kalayaang magpahayag.

*****

Makulit kang bata? Laging sa peligro mo pinipiling maglaro?

Isa lang ang solusyon diyan. Sabi nga ng tatay ko noon, "kung naghahanap ka ng sakit ng katawan, halika, ibibigay ko na sa iyo," habang nagtatanggal ng tsinelas o sinturon. ● 

Mga Komento

Kilalang Mga Post