tungkol sa kasaysayan

Ang unang beses na sumabak ako sa isang contest noong high school ay sa isang school qualifiers para sa isang contest sa history. Tig-dalawa bawat year level ang kasali, at kami ng kaklase kong si Paul ang napili. Ang alam ko, biglaan lang iyon; hapon na at nakauwi na ang karamihan, kaya ako napili (dahil wala nang ibang madampot).

Siyempre pa, lugi kami sa mga mas nakatatanda; habang dinadaanan pa lang namin ang kasaysayan ng Pilipinas, ang mga nasa ikalawang taon ay nasaklaw na ito at nag-aaral na rin ng sa Asya; ang mga nasa ikatlong taon naman, medyo naiiba, economics ang kinukuha; at ang mga senior, nadaanan na itong lahat at may kaunti na ring alam sa kasaysayan ng daigdig.

Akalain mo nga naman. Nag-second place ako sa isang fourth year student. Pero isa lang yata ang kailangan. Kukunin daw akong alternate pero sa paanuman ay hindi na ito natuloy.

*****

May pantanging interes ako sa history (at sa current events, ang mga bubuo ng susunod na yugto ng kasaysayan). Hindi ko alam kung saan ko ito nakuha; ayaw na ayaw kong magkabisado, pero pagdating sa mga pangalan at petsa ay nagiging madali ang pag-iimbak ng mga detalye sa utak. Noong grade 6 ako, ang unang mga librong binasa ko nang buo ay ang world history textbook ni Zaide na gamit ng ate kong fourth year high school. Sa sobrang pagmamahal ko sa librong iyon, pinalitan ko pa man din nang matigas na karton ang pabalat nito, para hindi masira. Hanggang ngayon, nasa aklatan ko pa ito sa kuwarto.

Binasa ko rin ang isang nahiram na aklat tungkol sa buhay ni Rizal. May aklat din ako ng Asian history mula naman sa isa kong ate. At siyempre, paborito ko ang Philippine history. May panahon na kabisado ko halos ang lahat ng petsang nabanggit sa aklat ni Agoncillo na History of the Filipino People.

Madalas kong naikukuwento sa mga kaibigan kung paano ako "iniligtas" ng aklat na iyon. Sa UP, sa klase namin sa Philippine Institutions (ito ang Rizal subject sa UP), tiyak na babagsak na ako dahil lampas na ako sa bilang ng absences. Pero, dahil history iyon, pumapasok pa rin ako. Minsan ay nabanggit ng aming propesor na mali daw si Agoncillo may kinalaman sa ulat tungkol sa pagbisita ni Pio Valenzuela kay Rizal sa Dapitan. Ang sinabi daw sa aklat ni Agoncillo, tigas sa pagtanggi umano si Rizal sa plano ng mga rebolusyonista. Pero, dahil mahal ko ang librong iyon, alam ko na sa ikasiyam na edisyon ng aklat, binago na ang parteng iyon. Nagtaas ako ng kamay.

"Sir, sa ninth edition po, tama na po ang nakasulat."

"Ano'ng pangalan mo?" pagalit na tugon ng guro. "Rene Batac po."

"Mr. Batac, kapag mali ka bagsak ka na sa klase ko."

Well, bagsak naman na ako talaga kung tutuusin dahil nga sa mga pagliban. Pero sakali mang hindi, hindi pa rin ako takot. Alam ko ang sinasabi ko.

Nang sumunod na meeting, ibinalita ng propesor sa lahat na tama nga ako.

1.25, baby!

*****

Kung tutuusin, sa malawak na aplikasyon ng kahulugan nito, lahat ng mga itinuturo sa paaralan ay maituturing na history. Ang mga ito ay mga nakaulat na mga pagsulong sa alinmang larangan, na technically ay maituturing na kasaysayan. Pero kahit pa sa istriktong kahulugan nito -- samakatuwid nga, ang mga ulat ng nakaraang mga pangyayari sa isang lugar -- marami pa ring aral na itinuturo ang kasaysayan. 

Nakalulungkot lang na mas maraming tao ang hindi kasing excited ko pagdating sa pag-aaral sa history. Pabirong sinasabi ng iba na "past is past" at kailangang mag-move on. Na totoo rin naman, kung tutuusin; magiging hadlang talaga sa pagsulong kung lagi nang nakatali sa kahapon.

Pero bukod sa mga petsa, pangalan, at pangyayari, ang kasaysayan ay nagbibigay ng mga aral, mga pagkakataon para maging mas matalino at maiwasan ang mga pagkakamaling nadaanan na sa nakaraan. Aba, kung hindi tayo natututo mula sa mga nagawang mga pagkakamali ng mga nauna sa atin, hindi talaga tayo susulong.

Halimbawa, laman na naman ng mga balita ang naganap na pagsalakay ng mga terorista sa Amerika noong 9/11/2001. At sa Pilipinas naman, paparating na ang ikaapatnapung taon ng pagdedeklara ng Batas Militar noong 9/21/1972. Ilan lang ito sa mga pangyayaring nagturo sa atin ng mahahalagang aral. Kung natuto man tayo mula dito, ang makapagsasabi na lang ay -- ano pa nga ba -- ang kasaysayan. ●

*****

On a personal note, isang malungkot na pangyayari ang nagbalik ng mga alaala mula sa aking personal na kasaysayan. May mga tao talagang napalayo man sa distansiya at panahon ay bahagi pa rin ng iyong buhay at gunita.

Nakikiramay po ako, mga ate kong kambal. Ipinapanalangin ko na maging matatag kayo sa mahirap na panahong ito.

Mga Komento

Kilalang Mga Post