Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-iisa at sa nag-iisa

Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon para basahin ang Filipino transcript ng pahayag ni Tricia Robredo sa libing ni Sec. Jesse Robredo. Malungkot na okasyon iyon -- kamamatay pa lamang ng kaniyang ama -- pero waring mas nakakaantig ang casual at comedic na eulogy ni Tricia.

Alam mong wagas ang mga salitang iyon. Galing iyon sa "pinakaiyakin" at "pinakamadrama" sa magkakapatid, gaya ng paglalarawan mismo ni Tricia sa kaniyang sarili.


*****

Ayon sa kaniya, masyado siyang mahiyain. Hindi siya nagsasalita hanggat hindi kailangan. Sabi pa niya, mas marami siyang nakausap sa linggong iyon kaysa sa isang buong taon bago noon.

Sa aspektong ito, naka-relate ako kay Tricia. Hindi ako magaling makitungo sa mga tao, at limitado ang  kakayahan kong makisalamuha sa iba. Para bang laging hindi ko alam ang sasabihin; laging nagkakalkula ng susunod na hakbang; laging sablay kung sakaling humirit man.

Totoo, may mga taong malalapit sa akin, at hindi sila maniniwala sa mga sinabi ko tungkol sa sarili ko sa naunang talata. Pero ang tanong: ilan lang ba sila? Kakaunti; ang totoo, mabibilang sa daliri. Bumilang ng mga taon bago ako lubusang nagpakatotoo at nagtiwala sa kanila. Hindi naging madali ang pakikibagay. At, sa iba sa kanila na matagal akong napawalay, nahihirapan na akong muli na makipagtalastasan.

Hindi ko alam kung may istriktong mga pagsusulit para rito o kung ito ba ay isang kondisyong klinikal, pero naniniwala akong isa akong introvert. Tamang-tama sa akin ang pagkakalarawan sa pagiging-introvert sa Wikipedia at sa About.com.  Sa pangkalahatan, hindi ako sanay na makihalubilo sa iba sa mga social events, at waring nakakapagod para sa akin ang mga ito. Pero hindi naman ako ganito sa harap ng pinakamalalapit na kaibigan; ako na siguro ang pinaka-walang hindi nahihiya sa harap ng grupo. Pero sa labas nito, naiistress ako kung paano dadalhin ang sarili.

Totoo rin sa akin ang isa pang katangiang binanggit sa mga reperensiya tungkol sa pagiging-introvert: Kumukuha ako ng lakas sa pag-iisa. Sa totoo lang, ang pag-iisa ko ngayon dito sa Dresden ay isang kasiya-siyang bagay para sa akin. Pinipilit ako ng mga kaibigan na lumabas at gumala, pero mas na-e-excite akong bumangon sa umaga sa pagkaalam na magsisimula na namang muli ang isang tahimik at produktibong araw.

Ang sabi ng akda: "Introverts make up about 60% of the gifted population but only about 25-40% of the general population." Hindi na lang ako magkokomento kung saan ako nabibilang. :-P

*****

Pero gaya rin ng lahat ng normal na mga tao, naroon ang pangangailangang magmahal at mahalin. Ang totoo, kung tatanungin ang ilang malalapit na kaibigan, isa ako sa pinaka-sensitive at maunawaing tao na nakilala nila.

Noong una, hindi ko naman masyadong naiisip ang bagay na ito. Madalas, kontento na ako sa pakikinig sa mga istorya ng iba, pagbibigay ng mga perspektibo na maaaring ako lang ang nakakapansin bilang isang outsider. Pero dumating ang panahon na naisip ko ring kailangan ko ring maranasan iyon, ang mabigyan ng pagkakataong ako naman ang magkuwento tungkol sa isang pag-ibig at mga kaakibat nito.

Pero matagal na panahon ang lumipas. Hindi nakatulong ang marami at sunud-sunod na pagkabigo. Ang pagiging introvert ay may dalang kawalan ng social skills. Nagbunga ito ng pagkabigo sa bawat pahirapang pagsisikap. Isa, dalawa, ... maraming ulit. Nag-iwan ito ng takot. Na siyang kukumpleto sa isang buong siklo nang paulit-ulit na pasakit.

Ganun nga yata talaga. Para sa akin talaga ang pag-iisa.

*****

Hanggang sa dumating ang isa na maghahango sa akin mula sa gayong kalbaryo. Gaya ng inaasahan, siya ang tunay na kabaligtaran ko; isang extrovert, na kumukuha ng lakas mula sa pakikisama sa iba, hindi takot o balisa sa piling ng mga estranghero. Gaya ko noon sa kaniya. Mula sa pagiging isang estranghero, na laging nasa labas, binuksan niya ang pinto. Pero hindi niya ako hinila papasok. Sapat na sa kaniya na ipaalam sa akin na lagi akong welcome.

Siyempre pa, ang mahiyaing ako ay hindi agad na naging komportable dito. Pero hindi siya nainip. Naghintay siya hanggang sa unti-unti kong matutunan kung paano matagpuan ang daan patungo sa loob.


Hanggang sa, iyon nga, pumasok din sa bukas na pinto ang lolo mong takot. Nasira na ang siklo ng lungkot. At hindi na ako lalabas.

*****

Para sa iyo ito, mahal ko. Alam kong hindi tayo nagce-celebrate ng birthday, at nagkataong birthday mo ngayon, pero may kung anong tama lang na pumasok sa utak ko.

Siguro ay naantig lang ako sa kalungkutan ni Tricia. Wala na siyang mahahanap na tulad ng kaniyang ama.

Sa kaso ko naman, umaapaw ang kaligayahan ko sa pagkaalam na nariyan ka. Lubha akong nagpapasalamat sa pagdating mo sa buhay ko.

Wala na ako sa pag-iisa. Ikaw ang nag-iisa para sa akin. ●


Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.