tungkol sa mga paksa at dalas ng pagsusulat sa blog

Sa taong ito (na hindi pa tapos), ang dami ng post ko sa blog ay lumampas na sa pinakamaraming taunang produksiyon ko. At ngayong Setyembre lang ng taong ito, nalagpasan ko na ang dami ng mga sanaysay na nagawa ko sa buong 2010. Nitong mga nagdaang araw, sinikap kong magpaskil araw-araw sa mga birtuwal  na "pahina" ng blog na ito.


*****

Nagsimula akong mag-blog noong 2006. Friendster pa noon ang siyang Facebook na ngayon. Gumawa ako ng account para makasabay sa uso. Bagamat hindi direkta, ang nagpasimula marahil ng paggawa ko ng blog ay ang pagtugon sa mga kahilingan para sa mga testimonials mula sa mga kaibigan.

May mahahalagang bagay akong natutunan doon: una, na mas komportable akong magsulat sa Filipino kaysa sa Ingles; at ikalawa, ang mga sulatin sa pormal na Filipino ay nakakaaliw din, nakakamangha pa nga, para sa mga nagbabasa.

Sinimulan ko ang isang blog sa Friendster (nilipat ko na rito ang mga laman) noong gumagawa ako ng thesis. Noon iyon, nang mga panahong nabablangko na ang utak ko sa tuluy-tuloy na teknikal na pagsusulat. Hihinto ako, patutugtugin nang malakas ang aking mga alternative o Erasherheads playlist. Nabanggit ko na yata ito sa isa sa mga una kong post:

Bawat bayo ng jackhammer ay nakikipagtunggali sa musika mula sa speaker ng computer. Buhay na buhay tuloy ang eksena sa "Waiting for the Bus" ni Ely, feel na feel ang tagpo sa kalye.

Kusang dumarating ang mga ideya; naiinggit na siguro ang kanang hemispero ng utak ko sa kaniyang kakambal na kaliwa dahil mas madalas itong nabababad. Kaya siya na ang gumagawa ng mga imahe, mga paghahambing at pagtutulad, para mapunta naman sa kaniya ang atensiyon ko.

Dahil wala pa noong ibang gumagawa nito, nagkaroon ako ng mga "masusugid" na mambabasa, mga "nakakarelate" daw sa mga analohiya kong pilit. Aabangan na nila ang susunod na post, kadalasa'y mga maliliit na kuwento mula sa maliit kong mundo sa paaralan na sa dulo'y lalagyan ng kunwari'y isang malalim na aral. Noon, siyempre pa, pag-ibig ang paksang pumapatok sa marami; tama nga ang obserbasyon ko noon sa isang post noong faculty member na ako:

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado.

Nag-evolve din ang mga paksa, dahil na rin sa pagbabago ng estadong pangrelasyon ko. Mula sa malulungkot na mga hinanakit, nauwi sa mga maligaya at mapagpasalamat na mga post, at napunta rin maging sa mga maliliit na obserbasyon sa mga pang-araw-araw na mga bagay.

Bandang huli, nagsimula ako ng isang blog para sa pagtuturo, kaya medyo napabayaan ko ang blog na ito. Paminsan-minsan na lang ako bumabalik para tiyakin na kahit man lang ilang pirasong mga salita ay maiambag ko sa bawat buwan. Mahirap hintuan ang isang bagay na nakasanayan na.

*****

Kung tatanungin, marami pa sana akong naikuwento sa pamamagitan ng blog na ito. Sa bawat sandali ng bawat araw, may mahahalagang pangyayari sa buhay na pwedeng pag-usapan, pwedeng paglaruan sa isipan, at kapulutan ng aral.

Sa maraming pagkakataon, panahon ang pumipigil sa akin para mailahad ang mga ito. Kung ang paskil sa blog ang pagbabatayan, kitang-kita kung anong mga panahon ako naging lubhang abala sa trabaho at kung anu-ano pa. Siguro ganun talaga; kapag lumalaki ang mundo, saka nagiging waring maliit ang mga bagay na dati ay itinuturing na tunay na mahalaga.

Pero ngayon, habang mag-isa sa ibayong dagat sa gitna ng mga taong may wikang hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawatasan, ang pagsusulat sa blog na ito ay naging isang birtuwal na pag-uwi, pabalik sa maliit na sulok na iyon ng mundo na siya kong pinanggalingan. Ang lugar kung saan ang mga chismisan habang nagkakape o ang mga matrapik na biyahe ay pumupukaw sa isipan at daliri para magtahi-tahi ng mga salita sa tiklado. Siguro ay isa itong siklo: kapag lubha namang lumawak ang mundo mo, gugustuhin mo namang bumalik sa pinakabatayan at maliliit na mga bagay.

*****

At kung ang pagsusulat dito ay pag-uwi, aba, tiyak na gusto kong gawin iyon araw-araw! Pero sa tantiya ko, hindi ko mapapanatili ang ganitong dalas ng pagpapaskil ng mga post dito. May mga panahon ulit na magiging lubhang abala na naman ako. Mauubusan na naman siguro ako ng mga paksang ilalahad.

Ayokong magdagdag ng pasanin sa sarili para lang maging regular ang pagsusulat. Ayoko ring magbigay ng restriksiyon sa kung ano ang isusulat, marahil ay nasa isip ang mga mambabasa.

Ang paggawa nun ay pagsala sa layunin ng pagsusulat ko rito: ang kalayaan sa pagpili ng kung ano mang paksa, kung kailan ko man naisin. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post