tungkol sa mga puno sa siyudad
Sa Kalakhang Maynila, ang paglago ng kalunsuran, sa pangkalahatan, ay naging katumbas na ng pagkaunti naman ng mga puno at berdeng espasyo.
Ortigas Center. Kuha ni Ramir Borja. Larawan mula sa Wikipedia. |
Ang paglago ng populasyon na dulot ng pandarayuhan mula sa mga probinsiya sa paghahanap ng mga oportunidad sa kabisera, lakip na ang kawalan ng maingat na pagpaplano mula sa mga lokal na pamahalaan, ang pangunahing sanhi ng malungkot na kalagayang ito. Sa ngayon, ang gumagandang mga kondisyon sa ekonomiya ay nagdudulot ng mabilis na pagtatayo ng mga gusaling residensiyal at komersiyal, na nakadaragdag din sa problema.
Halimbawa, inalala ko ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Kapag lansangan lang din ang pag-uusapan, wala nang tatalo marahil sa praktikal at historikal na halaga ng EDSA. Sinilip ko ang EDSA mula sa Google Maps (para matiyak kung tama ba ang pagkakaalala ko): walang mga puno, at kakaunti ang mga halaman! Hindi ko alam kung ito ba talaga ang plano para sa kalsadang iyon. Pero habang inaalala ko ang mga kalsadang nadaanan ko, lumalabas na ang kawalan ng mga berdeng bagay sa mga kalsada ay isang kalakaran sa halip na isang eksepsiyon. Di pa nakakaraan, maging ang Katipunan Avenue, isa sa mga daanang may mga puno, ay tinanggalan ng mga ito (bagamat inilipat ang mga puno, naiwan pa ring hantad ang kalye).
Kahit pa ang mga bahagi ng lunsod na itinalaga bilang mga parke ay unti-unti na ring nagiging mga gubat na kongkreto. Ayon sa ilang mga balitang nababasa ko, halimbawa, ang Quezon Memorial Circle at ang kanugnog na Ninoy Aquino Parks and Wildlife ay napapaharap sa mga banta ng pagkawala ng mga puno dala ng mga proyektong pagtatayo.
Mayroon pa namang mga lugar na maaaring maging hingahan ng lunsod. Nariyan ang UP Diliman, ang mapuno nitong kampus at ang kalapit na gawang-taong kagubatan nito sa lunsod. Sa Marikina, ang mga parke at kalsada ay nililinyahan ng mga puno at halaman, na ang ilan sa mga ito ay literal kong nakitang lumaki sa buong panahon ng pag-aaral ko sa lunsod mula elementarya hanggang haiskul. Ang mga mayayamang mga subdibisyon na sumasakop sa malalawak na mga lupain ay nagkalat sa iba't-ibang lunsod sa Kamaynilaan, at sa mga ito na lamang makakakita ng mga luntiang tagpi sa mapa ng mabilis-na-nagiging-kongkretong kapitolyo.
*****
Hindi ko alam kung gayon nga ba talaga ang kalakaran sa lahat ng mga modernong megacities sa mundo. Pero hindi naman yata kailangan na ang paglago ng urbanisasyon ay magdulot naman ng lubos na pagkawala ng mga puno sa lunsod. Sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano, maaari namang gawin na ang isang lunsod ay maupo sa gitna ng isang maberdeng kapaligiran.
Sumilip akong muli sa Google Maps. Sinipat ko "mula sa itaas" ang ilan sa mga kabiserang lunsod dito sa Europa. Paris, Pransiya. Berlin, Alemanya. London, United Kingdom.
Sa mga kuha pa lang ng satellite (kahit hindi ko gamitin ang Street View), napakaganda nang makita ang mga punong nakalinya sa mga kalsada, pantay-pantay ang agwat, animo'y mga berdeng tuldok na mula sa isang whiteboard marker. Kapansin-pansin din na ang mga lunsod na ito ay nasa tabi rin ng mga ilog: ang Paris sa Seine, ang Berlin sa Spree, at ang London sa Thames. Siyempre pa, gaya rin ng lahat ng mga modernong lunsod, punung-puno ang mga ito ng mga istraktura (bagamat mas maganda pa rin ang pagkakahanay sa kanila), pero sa napansin ko, laging may malaki-laking bahagi na nakatalaga para sa mga parke, para sa mga halaman at mga puno. Mula sa "itaas", kitang-kita na hindi lang iisa ang iyon sa bawat lunsod; nagkalat ang mga "jardin", "garten", at "garden" sa mga kabiserang ito.
Green Park sa London. Kuha ni David Iliff. Larawan mula sa Wikipedia. |
*****
Ang Dresden, pangunahing lunsod ng estado ng Saxony sa Alemanya, ay punung-puno rin ng mga luntiang tanawin. Naghilera ang mga puno sa mga kalsada. Mayroon din kaming Großer Garten at iba pang mga parke. Sa katunayan, may kagubatan din sa bandang hilagang-silangan ng lunsod.
Großer Garten noong tagsibol. |
Staudengarten sa tabi ng ilog Elbe. |
Ang Dresden, gaya rin ng Maynila, ay sinira ng pambobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya kung tutuusin, maaaring sabihin na halos kasabay ito ng Maynila na nagbuong-muli. Pero di gaya ng "development" na nangyari sa Kamaynilaan, pinanatili ng Dresden ang maluwag nitong mga parke, sinikap na gawing berde ang mga kalsada, binigyan ng pantanging pansin ang pagtatanim ng mga puno at mga halaman. Totoo, maaaring ikatuwiran na hindi naman maituturing na isang megacity ang Dresden, pero hindi iyon ang punto; kahit pa dumating ang panahon na ang Dresden ay maging isang pangunahing lunsod na umaakit sa pandarayuhan, anupat mapuno ito ng mga tao at trabaho, sa palagay ko, hindi pa rin nito isusuko ang mga parke at luntiang dako.
*****
Ang punto, ang paglago ay nakabatay sa tamang pagpaplano, isa na nagsasaalang-alang sa mga puno at berdeng kapaligiran. Ang tunay na modernisasyon ay hindi lamang basta pagtatayo ng mga gusali; kasabay nito ang pagpapaganda ng paligid.
Hinihingal ang isang taong nagmamadali, mas bumibilis ang kaniyang paghinga. Gayundin ang lunsod. Kapag nagiging mas abala ang modernong lunsod, mas kailangan nitong huminga. ●
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento