Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa edukasyon

Nabasa ko ang tungkol kay Jenny. Ang istorya ng isang kabataang Aeta mula sa Tarlac na talagang nagsisikap para lang makapasok. Pinanood ko rin ang video ng interview ng Inquirer sa kaniya.

Grabe. Dalawang oras na naglalakad sa delikadong mga daan ang batang ito para lang makapasok. Isip-isipin na lang kung ano ang kalagayan nito sa tag-ulan: maputik, madulas. Sa tag-araw naman: marumi, maalikabok. Kung minsan, wala pang pagkain ang bata. Pero hindi niya ito alintana; ayon sa kaniyang guro, lagi siyang pumapasok sa paaralan at aktibo sa mga gawain doon.

Kaya naman matapos ang anim na taon, nagtapos siya sa elementarya noong Marso. At ngayon, ipinagpapatuloy niya ito sa high school. At gusto niyang maging guro upang makatulong din sa iba na tulad niya.


*****

Ang istorya ni Jenny ay narinig ko na rin mula sa aking mga magulang at sa iba pang mga nakatatanda. Ang aking ama, partikular na, ay ipinanganak dalawang taon matapos ang digmaan, kaya lumaki siya at nag-aral noong mga panahong nag-uumpisa pa lang bumangon ang Pilipinas mula sa mga hapdi na dulot nito. Ang aking ina naman ay nagmula sa isang malayong baryo sa Bohol kung kaya ang pagpasok ay nangangahulugan ng paglalakad nang malayo sa mga bukirin at kabundukan.

Alam kong hindi lang si Jenny ang may ganito ring kalagayan ngayon. Tiyak akong maraming iba pang tulad niya sa mga rural na komunidad na waring napabayaan ng gobyerno at ng panahon.

Pero kahit pa gayon, nakakaantig pa rin na marinig ang gayong mga kuwento. Ikinikintal nito ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay ng mga tao. Malinaw nitong ipinapakita ang isang malaking kabalintunaan: na kung sino pa ang higit na nangangailangan, ay siya pang higit na nahihirapan para makakuha nito.

*****

Balik sa Maynila at iba pang mauunlad na lunsod.

Ang mga pagsulong sa teknolohiya ay lubos na nagpadali sa pagtatamo ng edukasyon para sa marami. Kamakailan lang, inianunsiyo ng mga sikat na paaralan sa Estados Unidos ang kanilang libreng mga online courses. Sa NIP sa UP Diliman, kung saan ako nagtatrabaho, lahat na halos ng mga estudyante ay may laptop at smartphones, at ang noo'y mabibigat na libro ay naka-save na lang sa digital na format at ang dating mahirap na assignment ay isang hanap na lang sa Internet.

Mahirap pa rin ang mag-aral, pero lubha itong napadali. Maraming estudyante sa ngayon ang nag-iisip na "Kaya ko na ito" at "May oras pa naman" dahil sa bagong mga pantulong na dala ng teknolohiya. Idagdag pa ang social media, bawas na ang oras ng mga estudyante ngayon sa pagtutok sa kanilang mga asignatura.

Isa na namang kabalintunaan: Kung sino pa ang mas madaling magkakaroon ng access sa edukasyon, siya pa ang waring nawawalan ng pagsisikap at interes para rito.

*****

Mas nakakaantig pa tuloy lalo ang istorya ni Jenny.

Habang taglay natin ang panahon, kung minsan pa nga ay ipinagpapaliban ang mas mahalagang bagay para sa paglilibang at pagliliwaliw, si Jenny ay kailangang mag-shortcut sa delikadong mga dalisdis para lang hindi mahuli sa eskuwela. Ganun din ang ruta niya pauwi.

Habang ang marami sa atin ay nag-aalala na mapag-iwanan ng pabilis nang pabilis na pagsulong ng teknolohiya, si Jenny ay nagnanais lang na makakuha ng pinakabatayang karapatan na makapag-aral at matuto.

Kung itutuloy pa natin: Sa hinaharap, habang marami sa atin ang magpaplano na gamitin ang edukasyon para sa pansariling pag-angat sa buhay (ang iba pa nga ay gagawa nito nang may halong panlalamang sa iba), si Jenny ay babalik sa kaniyang pinanggalingan, tutulong sa marami pang iba na tulad niya. ●


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.