tungkol sa mga dahilan kung bakit mamimiss mo ako

Mamimiss mo rin ako, kapag napapadaan ka sa harap ng walang-lamang kuwarto. Kapag napapasilip ka rito, maaalala mo rin noong hindi pa ito nakakandado, nang hindi iilang umaga at tanghali at hapon ang inubos mo sa loob para mangulit, maki-aircon, at maki-meryenda, o basta makipag-usap tungkol sa kung anu-ano.


Mamimiss mo rin ako kapag walang pumayag na sumama sa iyo sa mga lakad mo. Kapag tinanong ka nila kung bakit ka pa nagpapasama o kung bakit sila, lalo mo siguro akong maaalala, dahil linya ko rin yan habang bantulot akong sumusunod, napipilit mo pa ring sumama kahit ayaw ko.

Mamimiss mo rin siguro ang mga sine, ang mga Avatar at Avengers nung hindi mo ako makausap dahil nakakunot ang noo ko sa pagsubaybay. O ang mga love songs ko sa videoke. O ang mga dinner sa Bon Chon o Flaming Wings. O kahit ang magdamagang tambay sa Treats at Ministop.

Mamimiss mo ako kapag parang wala kang kakampi. Mamimiss mo ako kapag unan mo na lang ang naiiyakan mo. Mamimiss mo ako kapag sa panalangin ka na lang nakapagsusumbong. Mamimiss mo ako kapag ang sekretong pagkatao mo ay, well, sekreto na talaga, dahil ikaw na lang talaga ang nakakaalam.

Hindi na ako kasama.

Pero dahil nakasanayan mo nang pumusta lagi sa kabaligtaran ng sinasabi ko, sigurado akong "Asa!" o "Wanna bet?" lang ang itutugon mo rito. Ako lang ba ang may magandang room? Ako lang ba ang kaladkarin? Ako lang ba ang talagang nakikinig?

Sino bang niloloko ko, di ba? ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post