tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming iba pang salita (tulad ng "time" o "generation" at kahit pa "weather").

Ibig sabihin, maaga pa sa ating kultura, naakit na tayo sa makukulay na larawang inihahatid sa isipan ng mga season na ito, kahit pa mula sa mga kuwento lang ng mga nakaranas. At sa apat na ito, kung larawan din lang ang pag-uusapan, wala nang tatalo sa tagsibol.

Iniuugnay ang tagsibol sa maraming positibong bagay. Ito ang panahon matapos ang nagyeyelong taglamig at bago ang nakapapasong tag-araw. Sa panahong ito nagsisimulang humaba ang mga araw, anupat kung minsan ay lumulubog ito kapag malalim na ang gabi. Pero siyempre, ang biswal na manipestasyon ng tagsibol ay ang kulupon ng mga naggagandahang mga bulaklak na sumisibol mula sa mga halaman at punong nanggaling sa pagiging kalbo sa sinundang taglamig.




Kakaiba nga lang ang lagay ng panahon sa tagsibol. Minsang aaraw, minsang uulan. Nakakailang palitan ang araw at ulan sa maghapon, na para bang ang mga ulap ay nag-aaway at nagwawatak-watak para lang muling magkasundo at magkumpulang muli.





Ang buhay, gaya ng mga season, ay isang paulit-ulit na siklo. May mga panahon ng sobrang init ng tag-araw dala ng sobrang bilis nito. Dumarating din ang panahon ng kawalan, gaya ng taglagas. Kung minsan, nauuwi pa ito sa mas mahihirap na taglamig.

Pero hindi magmamaliw, lagi at laging may darating na tagsibol. Kung kailan magigising mula sa pagkatulog sa taglamig, maghahanda para sa init ng tag-araw at sa taglagas. May panahong ngingiti rin ang langit, sasang-ayon ang isang napakagandang paligid. Hahaba ang mga araw na para bang hindi na ito matatapos.

Akmang-akma sa buhay ang aral na itinuturo ng tagsibol. Kahit sa pinakamagandang panahon, dapat na asahan ang paminsang-minsang unos. Umaaraw, umuulan, kahit pa sa pinakamasasayang yugto ng buhay.

Matapos man ang tagsibol, mapalitan man ito ng tag-araw, taglagas, at taglamig sa pag-usad ng panahon, ang pagkaalam na muli itong babalik ay sapat na para magdala ng pag-asa at magpalakas ng loob. 


Mga Komento

Kilalang Mga Post