Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglubog ng araw

Romatiko ang gabi. Panahon din ito ng pahinga.

Pero mas maraming positibong bagay pa rin ang iniuugnay sa umaga. Sabi nga ni Lucy Maud Montgomery, galing sa Quote of the Day feed sa email ko, "Tomorrow is always fresh, with no mistakes in it." And to paraphrase a hit song by Rey Valera, ang umaga ay nangangahulugan (at katunog pa man din) ng pag-asa. Kaya mas inaabangan ang pagsisimula nito, ang pag-alis mula sa kadiliman ng gabi.

Dahil nasa gawing kanluran ang apartment ko, hindi ko nasisilayan ang unang mga silahis ng araw sa umaga. Hindi ako magigising kung hindi pa sa alarm. Kaya hapon ang inaabangan ko.






May kanta rin naman patungkol sa hapon, sa twilight time. Pero gaya ng gabi, na susunod dito, ang hapon ay mas iniuugnay sa negatibong mga bagay; mga bagay na papatapos na, naluluma, o tumatanda. Malagim ang paglalarawan dito ni Efren Abueg sa kaniyang maikling kuwentong "Sa Bagong Paraiso," isa sa mga akdang Pilipino na tumatak sa isip ko bilang bata. Bakit kaya kulay dugo ang langit sa dapithapon? tanong ng mga bida sa kuwento na sinalot ng malagim na mga kaganapan. Kung may nakaka-appreciate man sa hapon, dahil siguro hudyat na ito ng ending ng isang di-magandang araw, o dahil simula na ito ng inaasam na party o pahinga sa gabi. Hindi sa ganang sarili nito.

Pero para sa akin, ang hapon ay isang mahalagang parte ng araw. Nasabi ko na noon na ang "hapon" ang root word ng "maghapon." Hinihintay ko noon ang hapon para tumakas sa pagtulog at para maglaro kasama ang mga kaibigan; hindi ko alintana ang kulay-dugong langit habang papagabi dahil kinasasabikan ko ang malagintong sinag ng araw sa hapon. At ngayon, sa trabaho, sinisigurado kong huminto sandali pagdating ng hapon para magpahinga at mag-isip.

May nakapagsabi rin sa akin na masyado nang overrated ang bukang-liwayway; sa katunayan, wala ka pa namang nagagawa sa panahong ito kundi ang gumising at magsimulang mag-asikaso. Pero ang hapon ay iba, natatangi. Pagsulyap mo sa kanluran, ang papalubog na araw ay parang ngumingiti, nireregaluhan ka ng isang magandang visual display for a job well done.

Ang sabi sa Bibliya, mas mahalaga ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan (Ecl. 7:1). Kasi nga naman, sa birthday mo, nabuhay ka, pero ang huling araw mo sa mundo ang culmination ng lahat ng nagawa mo, kung paano ka naging tao. Ang paglubog ng araw sa kanluran ay isang araw-araw na paalala sa katotohanang ito. Gaya ng bawat umaga, maikli ang buhay. Ang bawat hapon, kung gayon, ay dapat na maging karapat-dapat sa pasasalamat. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.