tungkol kay Ninoy
Tungkol pala sa ESDA ang pinakauna kong post dito (well, actually dati nasa Friendster blogs ko iyon, nilipat ko lang dito). Ang pamagat nito ay hindi pa nagsisimula sa "tungkol sa" dahil hindi pa noon naiisip na lagyan ng unique na istilo ang aking pagsusulat. Iyon ang pinakauna kong blog post, noong mga panahong wala pa sa mga kaibigan at kakilala ko ang may blog; sino ba naman ang mag-aakala na lampas anim na taon ko na pala itong ginagawa.
Ngayong umaga, may mga pangyayaring nagpaalala sa akin ng mga kaganapan na siya ring naging paksa ng una kong post.
Hindi ko na maalala kung bakit, pero kaninang umaga, nakita ko na lang ang sarili na pinapanood mula sa Youtube ang mga video ng mga talumpati ni Ninoy Aquino. Sinundan ko rin ang mga suggested videos na nagpapakita kung paano niya namuhay, at siyempre, ang mas nagpadakila sa kaniya, kung paano siya namatay. Nasa Youtube din ang mga videong nagpapakita ng mga pagsasaliksik kung paano siya pinatay.
Maraming pwedeng masabi tungkol sa kaniya, at ang totoo, sa mga suggested videos ng Youtube na kaugnay ng videong pinanood ko, meron din namang mga kritiko na naglalantad umano sa mga nakatagong lihim ng kaniyang pagkatao. Pero mas marami ang nagkaroon ng mabuting pananaw tungkol kay Ninoy. Kinilabutan ako nang makita ko ang footage ng kaniyang libing; milyun-milyong tao ang literal na naghatid sa kaniya sa kaniyang huling hantungan.
Anuman ang pananaw ng mga tao sa kaniya, ang hindi maikakaila ay na pinanindigan ni Ninoy ang isang bagay na pinaniniwalaan niya. Nagtiis siya ng isang mahirap na buhay, at naging handa para sa kamatayan, para maipagtanggol iyon.
May mga paniniwalang lubhang napakatibay, nagiging mas mahalaga pa ito kaysa sa buhay.
*****
Muli pa akong nanood ng isang kaugnay na link. Isang videong kapanahon ng aking unang blog post. Ang dokumentaryo ng Inquirer tungkol sa ikadalawampung anibersaryo ng EDSA noong 2006.
Isa pa, last na lang. Ang video ng sikat na kanta ni Jim Paredes, na ang titulo'y hiniram ko sa aking unang post.
Hindi ko alam; siguro'y dahil bagong gising lang ako. Pero nangilid ang luha sa mga mata ko. ●
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento