Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpaplantsa

May panahong ako ang pinakamahusay magplantsa sa bahay. Kahit si Mama ay umaamin dito; hanggang ngayon, mas mabusisi siya kapag nagpaplantsa ng mga damit ko, dahil baka raw may masabi ako.

*****

Halinhinan kami noon ng bunso kong kapatid sa paglalaba at pagpaplantsa tuwing Sabado, dahil nasa kolehiyo na ang mga ate namin. Pero sa dalawang ito, mas gusto kong magplantsa, kahit pa noong dumating ang aming washing machine sa bandang huli. Hindi ko gusto ang pagkabasa ng damit, at nakakapagod para sa akin ang pagkusot at pagsasampay. Samantala, may kung anong kasiyahan akong natatamo sa pagwiwisik ng tubig sa nakalatag na damit, paghagod dito ng plantsa, at paghanger sa unat na unat na finished product.

Paborito kong plantsahin ang mga long-sleeves ko. Magsisimula iyan sa kuwelyo (na madaling umunat dahil may pampatigas), pagkatapos ay sa harapan, sa bandang dibdib, at tutuloy sa likurang bahagi. Susunod dito ang mahabang mga manggas, na ingat na ingat ako upang hindi madoble ang tupi. Pagkatapos sa kanto ng kabayo, ilalatag ko ang balikat ng damit, sinisigurong walang tupi sa bahaging ito.

Isang bagay na maingat kong iniiwasan kapag nagpaplantsa ay ang muling pagkalukot ng damit. Kapag naplantsa na ang isang bahagi, maingat ko itong ibinabaling, anupat nakaunat kong ibinabaliktad bago ko plantsahin ang susunod na bahagi. Makailang ulit din kasing nangyari na ang isang plantsado nang parte, dahil hindi maingat na ibinaling, ay muling malulukot. Sa katunayan, mas matindi pa nga minsan ang lukot na ito, dahil mainit pa ang damit nang mabuo ito.

*****

Sa ngayon, hindi na ako ganoon ka metikuloso sa pagpaplantsa. Bukod sa wala akong kabayo, wala akong panahon. Kagabi, inubos ko ang magdamag sa pagplantsa ng lahat ng mga damit ko, ang iba dito'y meron pang tupi mula sa pagkakaimpake. Ang bawat natatapos na damit ay bahagyang bumabawas sa antok at pagod. Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang ligayang iyon na dala ng mahusay na pagkakalapat sa mga tupi ng damit.

Nang lumalalim na ang gabi (madaling araw na), pinilit kong madaliin ang huling dalawang polo. Sa halip na mapadali, inulit ko silang padaanan ng plantsa. Muli, ang mga lukot dahil sa di-maingat na pagbaling ng damit ang naging problema.

Wala kasing shortcut. Pwedeng magmadali, pero hindi pwedeng hindi maging maingat. 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...