Manghang-mangha siya sa mga lansangan ng Venice. Nakakita na siya ng makikitid at pasikut-sikot na mga eskinita sa Maynila, pero lahat ng iyon ay walang mga pangalan at pananda na magtuturo ng daan tungo sa mga importanteng destinasyon. Hindi katulad ng mga makikipot na daan ng Venice. Mga daan na punung-puno ngayon ng mga taong patungo sa magkabilang direksiyon. Na hindi niya inaasahan; malamig ang panahon, kaya dapat sana ay mas kaunti ang mga turista ngayon. Abala sa pag-iisip at pag-iwas sa nakakasalubong, hindi na niya namamalayan ang mga ikinukuwento ng kasama. Mga kuwentong ilang ulit na niyang narinig pero hindi siya pagsasawaang pakinggan. Bandang huli, ang makikipot na daan ay umakay tungo sa malalawak na piazza. "Malapit na tayo," pakli niya, nakahinga nang maluwag (literal at simbolikal) dahil hindi na siksikan. "Sandali," wika ng kasama, "ang ganda ng araw." Papansinin pa lamang sana niya ang halina ng pagdungaw n...