Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga madramang mga kanta

Lahat naman siguro tayo ay dumaan sa mapapait na karanasan sa buhay pag-ibig. Kapag nandun ka pa sa panahong iyon, siyempre pa, hindi iyon madaling pagdaanan. Mga gabing walang tulog, mga di-masagot na mga tanong, mga luha...

Sabihin pa (at sana naman), naranasan na rin natin kung paano bumawi mula sa ganitong mga karanasan. Pero aminin natin: minsan tinatamaan tayo ng kung anong topak at parang gusto nating balikan ang damdaming iyon. Kahit hindi na yung tao o yung mga pangyayari; yun lang damdamin. At siyempre pa, ang epekto nito (o baka sanhi?) ay ang pagsesenti sa pamamagitan ng pakikinig ng mga madramang mga kanta.

Screen shot mula sa laptop ko ngayon. Oo, mas gusto ko ang bersiyon
nila ng "Broken Hearted Me" kesa dun kay Anne Murray.
Ang video ay mula kay cyberman000051 (maraming salamat!)
Sabagay, kung minsan, hindi naman talaga kailangang meron kang pinaghuhugutan para maging in the mood sa pakikinig ng ganitong mga kanta. Minsan kapag hatinggabi o madaling araw na hindi ka makatulog, buksan mo lang ang radyo, at maging ang mga pinaka-jologs na istasyon ay tiyak na may tuluy-tuloy na playlist ng ganitong uri ng mga kanta. Noong thesis time sa UP at gabi na ako umuuwi, kung minsan ay duet pa kami ni manong taxi driver sa ganitong mga senti songs, at hangang-hanga siya na alam na alam ko ang mga love songs ng 70s at 80s.

Sa totoo lang, kung minsan, hindi mo naman talaga kailangan ng dahilan. Tulad ko. Lumaki akong nakikinig sa mga awiting paborito ng nanay ko. Kaya naman, ito na rin ang mga pinakikinggan ko ngayon.

At hindi ako nag-iisa; noong college, ang pangunahing bagay na naglapit sa akin sa bestfriend kong babae, si Alen, ay ang pareho naming pagkahilig sa mga senti na ito. "Nagpapagalingan" pa nga kami, nakakapuntos kapag nakakahanap ng bagong lumang kanta (ibig sabihin, mga lumang kanta na bagong tuklas pa lang namin), animoy naghuhukay ng nakatagong mga kayamanan mula sa mga baul (kung minsan ay literal) ng aming mga magulang o mga lolo at lola (hindi pa naman kasi ganun kadaling maghanap sa Youtube noon). Tuwing may lakad ang org, nangunguna kami sa videoke, bumibirit ng mga kantang ito na "bago" rin sa pandinig ng aming mga kasama; madalas mong maririnig ang mga komentong: "Ah, yun pala yun!" kapag dumarating sa mga sikat na linya ng korus. Mayamaya pa, ang buong grupo ay sabay-sabay nang umaawit.

May kung ano sa mga love songs na umaabot hindi lang sa tainga kundi sa puso ng nakikinig rito. Iyon kaya ang malambing na melodiya? Ang malamig na boses ng mang-aawit?

Siguro. Pero ang pinakamahalagang elemento marahil kung bakit may kung anong epekto sa damdamin ang mga senti songs ay ang mga liriko nito. Sabi nga ng PhD adviser ko, si Sir Chris, habang binibiro namin ang advisee namin, si Jr, na noo'y kakagaling lang sa isang breakup, makaka-relate ka raw sa lahat ng senti songs kapag broken-hearted ka. Baka nga tama ang sinabi ni Kenny Rogers sa kaniyang love song tungkol sa love songs (na may pamagat na Love Songs): "Everybody's needin'/ what the singer's always singin'/ in a love song."

Sa mundo kasi ngayon, ang pagiging emosyonal ay itinuturing na isang kahinaan at ang pagkamautak ay ipinagpupugay. Anila, ang pagkamautak ang magpapanatili sa iyong buhay sa gitna ng isang malaking arena na siyang mundong ating ginagalawan. Ito ang nananalong istratehiya, na siyang gumagabay rin sa lahat ng mga nilalang sa kalikasan. Sa kabilang banda, sabi nila, ang emosyonal ay malambot at hindi mananalo sa mahirap, madugo pa nga, na laro ng buhay.

Sabihin pa, ang mga damdaming inihahatid ng mga madramang kanta ay ang mismong mga damdamin na nagpapaging-tao sa atin, ang naghihiwalay sa atin mula sa iba pang may buhay na nilalang. Ang kakayahang maapektuhan ng matinding mga damdamin -- kahit pa nga yaong mga ipinahahatid lang ng mga kanta -- ay pantangi sa ating uri. Ang mga ito ay nasa kaibuturan ng ating pagkatao.

Kaya habang nakikilaro tayo, gaya ng iba pang mga nilalang, sa tusong laro ng buhay, sa pana-panahon ay gugustuhin pa rin nating kumonekta sa ating pagiging tao. Diyan ngayon pumapasok ang madramang mga kanta. Iyan ngayon ang magpapaliwanag kung bakit lahat tayo, may pinaghuhugutan man o wala, ay nakakaalala ng pantanging linyang iyon ng chorus, anupat kayang makisabay sa radyo, kay manong driver, o sa mga kaibigan at kabarkada habang bumibirit ng isang klasikong awit. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...