Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagtanda

Kailan nga ba talaga tumatanda ang isang tao?
Bago ko hanapin ang sagot sa tanong na iyan, lilinawin ko lang ang ibig kong sabihin. Sa wikang Filipino, ang pagtanda ay pwede ring mangahulugang paglaki o growth sa Ingles. Buweno, kung iyan ang katumbas na salitang gagamitin natin, ang simpleng sagot sa tanong ko ay: araw-araw. O baka kahit pa nga minu-minuto, o segu-segundo.
Pero, gaya ng alam nyo na rin marahil, ang tinutukoy ng katagang pagtanda sa tanong na iyan ay ang pagiging matanda o adulto (talaga nga bang walang salitang-ugat na Tagalog na katumbas ng "adulto"?) o, sa Ingles, getting (being) old / mature. Kaya, ang mas maliwanag (pero mas mahabang) bersiyon talaga ng tanong ko ay:
Kailan nga ba talaga maituturing na matanda na ang isang tao?
Sa pananaliksik, madalas kong nadadaanan ang ganitong uri ng problema. Kung minsan, ang isang bagay na continuum ay gusto mong i-binarize. Parang isang larawang punung-puno ng kulay na gusto mong gawing black and white. Kung minsan, ang paghahati ng mga bagay-bagay sa dalawang grupo -- puti at itim, tama at mali, oo at hindi, pro at anti, kaliwa at kanan -- ay magpapasimple sa mga pagsusuring gagawin mo dito.
Gayon din siguro pagdating sa edad. Ang paghihiwalay ng panahon ng kabataan mula sa katandaan ay magpapasimple sa paghuhusga sa mga katangian ng isa. Ang mga bata pa ay malakas, mausisa, kaya mapagpapaumanhinan ang kawalang-muwang sa maraming bagay. Ang matatanda, bagamat puno ng karanasan at kaunawaan, ay iniwan na ng liksi at sigla. Kaya naman ang pagtawid mula sa kabataan tungo sa pagiging adulto ay wari bang isang negatibong bagay para sa marami.
Ang edad ang pinakasimplistikong paglalarawan sa haba ng panahong itinagal ng isang tao sa mundo. Ang edad ang kuwantipikasyon ng buhay. Pero ang buhay ay hindi isang bagay na kumpletong mailalarawan ng mga numero at matematika.

*****

Isinulat ko ang mga naunang talata mga ilang linggo ang kaagahan. Hindi ko ito natapos dahil para bang napaka-komplikado ng paksang ito para sa isang upuan.

Ngayon, habang nakikibasa sa Facebook feed ng asawa ko, nadaanan ko ang isang paskil mula sa isang kakilala namin mula sa NIP. Isang link sa isang artikulo na may kinalaman sa paksang ito.

Generation who refuse to grow up: No mortgage. No marriage. No children. No career plan. Like so many 30-somethings, Marianne Power admits she's one of them... 

Bukod sa haba ng pamagat, ang talagang nakapukaw interes ko ay ang nagbabagong mga saloobin may kinalaman sa pagtanda. Matagal naman na sigurong totoo ang nabanggit ko sa mga paunang salita: "ang pagtawid mula sa kabataan tungo sa pagiging adulto ay wari bang isang negatibong bagay para sa marami." Pero, batay sa artikulo, ang wari bang nagbago ay ang paraan ng pagharap ng makabagong henerasyon (oo, may pangalan pa nga raw sila: ang "Peter Pan generation") sa katotohanang ito. Kung matatawag nga itong "pagharap." Dahil ang totoo, sa diwa, tinalikuran ng gayong mga tao ang ideya ng pagtanda, anupat patuloy na namuhay na para bang nananatili silang 20-anyos (o baka tinedyer pa nga).

*****

Dapat sana, ang pantapos na mga salita ko sa paskil na ito ay gaya nito:
Ang pagtanda ay nagsisimula kapag pinili mo nang maging matanda.

Na parang totoo naman, at tunog malalim. Pero matapos basahin ang artikulo sa itaas, napansin kong hindi naman pala talaga sinasagot ng pangungusap na iyon ang tanong. Inililipat lang nito ang lunan ng tanong, na nakadaragdag lang sa kaguluhan. Gaya ng ibang mga siyentipikong sinasagot ang tanong kung paano nagsimula ang buhay sa mundo pagsasabing dinala ito rito ng mga batong nagmula sa kalawakan (na kababasa at kapapanood ko rin lang sa Internet). Oo, ang pagising adulto ay isang estado ng pag-iisip, pero ano nga iyon?

Siguro, ang pagtanda ay nagsisimula kapag natanggap mo na sa iyong sarili ang kaakibat na mga responsibilidad nito.

Na kung tutuusin, hindi naman talaga dapat katakutan. Pwede ka namang tumanda habang taglay pa rin ang masayahing disposisyon ng kabataan. Pwede naman yatang pasanin ang mga pananagutan nang hindi pa rin tinatalikuran ang panahon para sa kakulitan. Pwede naman sigurong lumaon ang mga taon, humina ang katawan, pero araw-araw na narerepresko ang isipan. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...