Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pizza delivery para sa tamad na maysakit

Ubos na ang pizza bago ko ito maisipang kunan ng larawan.



Karton na lang ang natira. Ngayon ay spicy chicken wings naman ang babanatan ko.

*****

Mga ilang araw na rin akong halos hindi lumalabas dahil sa sakit. Ibang klaseng magkaroon ng trangkaso dito. Bukod sa lamig sa labas, mas kalaban mo ang pag-iisa at pagkaalam na walang magbabantay sa iyo.

At magluluto para sa iyo. Gaya ngayon, nang gumising ako mula sa pagtulog ng tanghali at hindi ako halos makabangon dahil sa sama ng pakiramdam. Ayokong magluto. Madali lang namang magsaing, pero hindi ko alam kung ano ang uulamin.

Kaya, habang nakahiga pa, binitbit ang laptop at umorder ng pizza sa pinakamalapit na bilihan. Aba, may promo pa sila: Asian week pala ngayon, at may bago silang mga pagkain sa kanilang menu. Masubukan nga itong pizza na may beef toppings. At finger food: chicken wings. Makaorder na nga rin ng malamig na Coke.

*****

Pagkalipas ng 15 minuto, tumunog na ang doorbell. Iniabot na ng lalake ang order ko. Aba, nag-i-Ingles siya; oo nga pala, sinulat ko pala sa "Remarks" na hindi ako marunong mag-Aleman. Hehehe...

Ang nakasulat sa bill ay 14.35 euro, at wala naman daw delivery charge ang sabi sa website nila. Pero 16 euros ang inihanda ko, at hindi ko na hiningi ang sukli.

Sa ganitong pagkakataon, hindi na ako nagcoconvert sa piso (fine, kahit pa alam kong papatak na 800 pesos din iyon). Gasino na lang iyon kung ihahambing sa mabilis at maginhawang tanghalian ng isang tinatamad na maysakit. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...