Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa magkaibang mundo

Nitong nagdaang mga buwan, ang lahat ng mga babae sa pamilya ko - asawa, nanay, mga kapatid, maging ang maliit kong pamangkin na kakatuto pa lang magsulat ng pangalan - ay nahumaling sa isang sikat na telenobela, na kung saan ang isang mahirap pero pursigidong babae ang nagsilbing yaya sa batang anak ng isang guwapong biyudo. Gaya ng inaasahan, may pag-iibigang nabuo sa pagitan ng yaya at ng biyudo sa kabila ng mga hadlang (hindi ko na idedetalye, kunwari ay hindi ko alam). Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang istorya, at, kung sakaling natuloy ang pagsasapelikula nito, tiyak na susubaybayan pa rin ito ng pamilya ko at ng publiko.

Kunwari hindi ko ito alam.
Larawan mula rito.

Iniisa-isa ko ang mga telenobelang talagang pinanood ko - hindi sila madami, sa totoo lang - at isang mahalagang elemento ang waring matatagpuan sa lahat sa kanila. Iyon ay na ang mga bida ay mula (o magsisimula) sa magkaibang mundo.

Sa Pilipinas, ilan sa mga variation ay: isang tindero o drayber ang makaka-krus ng landas ng isang mayamang tagapagmana; o kaya naman ay isang babaero, mayamang may-ari ng kompanya ang maiinlab sa isang mahirap na dalagang may pantanging talento. Sa mga nagmula sa ibang bansa, pumapasok din ang tema ng mga maharlika, mga prinsipe/prinsesa na umiibig sa pangkaraniwang mga tao. At hindi lang ito tumutukoy sa mga pagkakaiba sa estado ng pamumuhay; kung minsan, may makapangyarihang mga elemento rin na sangkot. Naghahanap din ng "tunay na pag-ibig" ang mga bampira, sirena, lobo, at kung anu-ano pang mga karakter mula sa alamat.

Sa kasong ito, ang kinidnap at ang kidnaper.
Larawan mula rito.

Upang lalo pang idiin ang elementong ito, kadalasan nang may mga karakter na gaganap bilang dating pag-ibig ng isa sa mga bida. Ang karakter na ito ay mula sa katulad niyang mundo. Isang mayaman ding tagapagmana, o isa ring maharlika. O isang kasintahan o malapit na kaibigan na mula rin sa kahirapan. Kadalasan nang ipinakikitang nagkaroon din ng tunay na pagtitinginan ang dalawang taong ito na mula sa magkatulad na pinagmulan; pero, sa paanuman, ang pagtitinginang ito ay mawawala, masisira, sa pagdating ng isa na nagmula sa kakaibang mundo. Madalas, dito iikot ang istorya, habang sinisikap ng iniwang pag-ibig na maghasik ng gulo.

Gaya nina Gabriel, Via, at ng kawawang si Michael.
Larawan mula rito.

Ang mga storyline na ito ay nilayon naman talaga na maging romantiko. Tila ba hindi mauubusan ng tunggalian ang gayong mga istorya: mula sa napakalaking pagkakaiba ng estado at pag-uugali na unti-unting napagtagumpayan upang magkaroon ng tunay na pag-ibig; tungo sa pakikipaglaban sa mga pamilya, mga dating kasintahan, tila ba sa buong mundo pa nga, upang ipagtanggol ang pag-ibig na iyon; hanggang sa isang mahalagang sandali, isang trahedya marahil, na magpapabago sa isip ng karamihan upang matanggap ang bawal na pag-ibig.

Sa nakikita ko sa pagmamasid sa mga kapamilya kong nanonood, ang maliliit na sandaling iyon kung kailan ang isa sa mga bida ay aayon sa estado ng isa pa ang nagdudulot ng saya at kilig sa kanila (na siya namang nagpapangyari upang patuloy itong subaybayan). Mas matindi ang epekto nito kapag ang nasa posisyon ng kapangyarihan - ang mayaman, maharlika, o ang may mahika - ang bumaba sa lebel ng isa na pangkaraniwan. Hindi tayo lahat mga CEO o mga eredera, kaya kapag nakita natin na ang CEO ng kompanya ay tumikim ng balut, o ang mayamang eredera ay sumakay ng jeep, mas nakaka-relate tayo sa istorya dahil ipinipinta nito ang isang larawan na kung saan ang mga nakatataas ay puwede ring magpakababa - tunay nga, pwede rin nating maabot, makilala, ... mahalin.

Totoo, sa tunay na buhay ay bihira naman talagang mangyari ito. Kadalasan na, nahahanap natin ang isang iyon na pakamamahalin natin sa pinakamalalapit nating mga kaibigan at kasamahan. At tiyak na nakakakilig din ang mga pinagdaanang proseso upang paglapitin ang mga mundong iyon, bagamat hindi ganoon kalayo ang agwat.

Hindi naman sinasabi ng mga telenobela na ang pagtitinginan ng dalawang taong may magkapantay na estado ay boring o nakatakda pa ngang magtapos. Sa katulad na paraan, hindi rin ibig sabihin na ang pag-iibigan ng dalawang taong may malaking pagkakaiba at pinagmulan ay magiging napakatagumpay sa tunay na buhay. Ang gayong mga kuwento ay paglalarawan lamang siguro ng mga extreme cases. Kung meron man tayong aral na mapupulot mula sa mga ito, iyon ay na ang pag-ibig ay napakamakapangyarihan at napakalawak anupat maging ang pinakamalalayong agwat sa pagitan ng dalawang tao ay kaya nitong pagdugtungin. Ang kinakikiligan nila - sige na nga, natin - ay hindi ang pagkakaiba ng dalawang mundo, kundi kung paano pinalalabas ng pag-ibig ang pagkakatulad ng mga ito. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...