Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga eroplano, paglipad, at mga paliparan

Noong bata ako, ang pagbiyahe sa himpapawid ay hindi pa kasing pangkaraniwan gaya ng sa ngayon, kaya may dalang misteryo at pagkamangha ang mga eroplano at ang paglipad. Halos araw-araw, sa gitna ng paglalaro, hihinto kaming magkakaibigan upang tumingala sa isang dumaraang eroplano (kung minsan pa nga ay waring sobrang baba, dahil siguro sa taas namin sa Antipolo) at kakaway, magba-'babay'.

Nabawasan ang misteryo nang makakita ng totoong mga eroplano na nakaparada sa paliparan, habang naghahatid ng mga mangingibang-bansang mga kaibigan at kamag-anak. Naging totoo at hindi na malayo ang karanasan nang ang mismong kapatid ang kinailangang lumipad. Bandang huli, dahil sa trabaho at mga bakasyon, nakasakay na rin ako ng eroplano, at tuwang tuwa habang tumatanaw sa direksiyong kabaligtaran ng sinisipat ko noong aking kabataan.

Ang maulap na kalawakan sa ibabaw ng gitnang Asya.
Kuha noong unang pagbisita ko sa Europa.

Nabawasan man, o tuluyan pa ngang nawala, ang misteryo, naroon pa rin ang paghanga sa modernong mga "himalang" ito ng teknolohiya. Kung iisipin na ang teknolohiyang ito ay katutuntong pa lamang ng isang siglo, nakamamangha kung gaano kalaki na ang naging pagsulong dito, kung pag-uusapan ang bilis, pagiging komportable, kaligtasan, at lawak ng paglaganap pagdating sa mga biyahero (hindi na lang ito para sa mayayaman, kundi para sa halos lahat ng estado ng pamumuhay) at mga destinasyon (buong mundo, at maging ang kalawakan pa nga).

Disenyo ng mga eroplanong pandigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa isang museo sa Dresden.

Ang ideya ng paglipad ay isang matagal nang adhikain ng tao, malaong panahong naging paksa ng mga alamat gaya ng kina Daedalus at Icarus, marahil ay dala ng pagmamasid at pagkainggit sa matayog na pagsalimbay ng mga ibon. Pero ang alamat ay naging isang realidad, at mabibilang sa daliri ang mga henerasyong nakasaksi nito, lalo pa nga ang mga lubusang nakinabang mula rito. Sa diwa, matapos ang matagal na paghihintay, ngayon ay posible nang suyurin ang kalangitan at marating ang pinakamalalayong sulok ng mundo - na mas komportable kaysa sa pagkampay ng mga ibon, at mas ligtas kaysa sa naging karanasan ni Icarus. Kaya naman, sa maraming paraan, ang paglipad ay isang magandang metapora para sa kalayaan.

Kung gayon, sa katulad na paraan, masasabing ang mga paliparan ay mga larawan din ng kalayaan, hindi ba? Aba, ang karamihan ng mga tao sa mga airport ay alinman sa papalipad o kagagaling pa lamang sa paglipad! Narito rin ang mga tao mula sa iba't-ibang pinagmulan, anuman ang pasaporte, kulay at lahi.

Buweno, ang sagot ko diyan ay isang tumataginting na hindi.

Sa katunayan, kung tutuusin, ang mga paliparan ay gaya ng maliliit na mga bansang may diktaduryang rehimen. Dito ka makakakita ng mahahabang listahan ng mga pwede at hindi pwede. Mga limitasyon - halimbawa, sa laki at bigat ng iyong gamit - at matataas na multa sa paglampas rito. Mga pulis at security na nagsasaliksik ng iyong pagkakakilanlan at nangangapkap sa iyong katawan at mga bagahe - at, sa ilang mas malalang sitwasyon, dadalhin ka pa sa maliliit na "presinto" para sa matagal na interogasyon.

Mula sa bintana ng Hong Kong International Airport.

Ang totoo, ang mga airport ang pinakaayaw kong bahagi ng paglipad. At sa palagay ko ay hindi ako nag-iisa. Sa Estados Unidos, lalo na, ang mapait na karanasan ng 9/11 ay lalo pang nagpahigpit sa mga proseso sa paliparan, at marami na ang nagrereklamo, bagamat wala naman talaga silang magagawa.

Kapag sinilip mula sa gayong anggulo, nagkakaroon ng saysay ang lahat. Gaya nga ng sinasabi nila, wala nang libre ngayon. Hindi lang iyan kumakapit sa pera, kundi maging sa iba pang bagay na itinuturing natin na mahalaga: buhay, kaayusan, kaligtasan, kaligayahan. At, balintuna, maging sa kalayaan.

Kung ang paglipad sa mga eroplano ang modernong manipestasyon ng kalayaan, ang madugong mga proseso sa airport ang ibinabayad natin bilang katumbas ng kalayaang ito. Isang kabalintunaan, kung tutuusin, dahil hindi na ito maituturing na lubos na kalayaan kung gayon. Pero hindi na bale. Sa bandang huli, nasa iyo pa rin naman kung paano mo susumahin ang iyong buong karanasan, mula sa paliparan hanggang sa paglipad hanggang sa iyong destinasyon.

Pwede kang magpaka-negatibo at tingnan ang abala at aberya ng airport security at ang pagkabagot ng paglipad.

Sa kabilang banda, pwede mong isaisip na ang pagkanaroroon mo ay isang karanasang inasam pero hindi naging posible sa marami sa iyong mga ninuno. Kung posible, pwede kang sumilip sa bintana sa ibaba at isiping baka may mga bata roon na gaya mo noon ay tumitingala nang may pagkamangha sa kung nasaan ka man ngayon. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...