tungkol sa paglipad

hindi ka ibon e. hindi para sa iyo ang alapaap.

noon siguro ay pinangarap mong angkinin ang papawirin at lumipad hanggang sa hangganan ng tanaw. pero inagaw ng panahon at pagkakataon ang iyong pakpak. itinalaga ka sa lupa, na siya mong tadhana. dito ka humimlay at nanaginip. dito ka natanim at namunga.

kaya bagamat ibinigay sa iyo ng langit ang iyong kalayaan, ibinigay naman ng lupa ang iyong kapahingahan.

sa pana-panahon ay muli kang paiimbulog sa ihip ng hangin, tatangayin ka sa rurok ng kaligayahan sa likod ng mga ulap. pero pagkatapos mong lumipad sa alapaap, siguraduhin mong bababa ka muli sa lupa. sa malambot na kanlungan nito na sa iyo'y naghihintay.

Mga Komento

Kilalang Mga Post