Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pera, kaligayahan, correlation, at causation

Ang pera ay isang mahalagang imbensiyon ng lipunan.

Ang papel ng salapi sa ekonomiya ay katumbas ng papel ng mga unit at physical quantities sa physics. Sa pamamagitan ng napagkasunduang mga unit para sa iba't-ibang physical phenomena, nagiging quantity ang mga quality: nabibigyan ng panukat ang mga bagay na bago noo'y nailalarawan lamang. Ang dating malayo o malapit ay nagiging 10 kilometro; ang dating mabigat o magaan ay nagiging 50 kilogramo; ang dating matagal o mabilis ay nagiging 30 minuto. At sa physics, mas madaling pag-usapan at ilarawan ang mga bagay-bagay kapag ang mga ito'y de-numero na.


Sa katulad na paraan, ang pera ang nagbibigay ng numero para sa halaga (value) ng isang bagay. Sa halip na makipagpalit ng isang baka para sa dalawang baboy at isang sako ng bigas (na malamang na ginagawa noon; bagamat hindi ako sigurado kung magkatumbas nga ang halaga ng mga binanggit ko sa halimbawang ito), ipinakikipagpalit na lang ang mga produkto o serbisyong ibinigay sa katumbas na halaga ng salapi, na siya namang maaaring gamitin para ipakipagpalit (ipambili) sa iba pang produkto o serbisyong kailangan. Marami nang anyo ng transaksiyon sa modernong daigdig na hindi nagsasangkot ng aktuwal na pisikal na pera kundi mga elektronikong katumbas nito, pero ang batayan ng proseso ay gayon pa rin.

Sa diwa, ang pera ay isa lamang mekanismo upang mapadali ang mga proseso ng ekonomiya. Mula nang maimbento ito, nagbago na ang layunin ng pagtatrabaho at lahat ng iba pang gawaing pang-ekonomiya sa daigdig. Sa halip na ang lahat ng tao ay aktuwal na magbungkal ng lupa o mag-alaga ng mga hayop para sa pansariling panustos, ang karamihan sa mga tao ngayon ay nagbibigay ng iba't-ibang uri ng produkto o paglilingkod gamit ang iba't-ibang kasanayan sa layuning kumita ng pera, na siya namang ipambibili ng mga pangangailangan at kagustuhan.

Sabihin pa, tunay na iresponsable ang lubos na pagwawalang-bahala sa pera. Hindi makatuwirang umasa na lamang sa pag-ambon ng grasya mula sa kalangitan para masapatan ang mga pangunahing pangangailangan. Makatuwiran lamang kung gayon na humiling ng marapat na suweldo at benepisyo; at sa ating bahagi, anuman ang ating hanapbuhay, dapat lamang na masikap nating gampanan ang ating mga tungkulin upang maging karapat-dapat sa ating tinatanggap na sahod. Responsibilidad natin ito para sa ating mga sarili at sa mga mahal natin sa buhay. Sangkot din sa aspektong ito ang pagiging masinop sa paggamit ng salaping pinagpaguran.

Pero sa daigdig sa ngayon, tila sumobra naman yata, anupat nakakalimutan na ng maraming tao na ang pera ay isa lamang daan sa halip na isang destinasyon. Naging sentro ng buhay ng maraming tao ang pagkakamal ng salapi, ng maraming-maraming salapi. Ang matatag at magandang kinabukasan ay kasing-kahulugan na ngayon ng pagtataglay ng sobra-sobrang pera. Tila ba ginagamit na ngayon ang pera bilang panukat, hindi lang sa ekonomiya, kundi sa buhay sa pangkalahatan.

Na, sa palagay ko, ay isang hindi rin balanseng pananaw. Gaya ng literal na panukat - halimbawa, isang ruler na kaya lamang sumukat ng haba o lapad o kapal o lalim pero hindi makasusukat ng bigat at kulay at init at oras - ang pera ay pantanging dinisenyo lamang para sa pinansiyal na aspekto ng modernong buhay. At ang buhay ng tao ay napakalawak para lamang silipin sa pamamagitan ng pinansiyal na aspekto nito. Sabi nga ng unang bahagi ng tagline ng Mastercard, There are some things money can't buy. O ng Beatles, Money can't buy me love. At idadagdag ko naman: Or happiness. Bagamat hindi talaga magagawang de-numero ang pagsukat sa buhay at sa lahat ng sangkot dito, marami ang magsasabi na ang paghahanap sa kaligayahan ay isang mahalagang tunguhin nito.

Para muling gumamit ng paglalarawan mula sa siyensiya, pamilyar ang mga siyentipiko sa katotohanang correlation does not imply causation. Totoo, may mga bagay na correlated: ang pagbabago sa isa ay may katumbas na pagbabago sa isa pa. Pero sa maraming pagkakataon, hindi matutukoy nang may katiyakan ang causation: kung ang pagbabago sa una ay dahilan ng pagbabago ng ikalawa.

Gayon ang personal kong pananaw sa pera at kaligayahan sa buhay. Mataas ang correlation sa pagitan ng dalawang ito. Ang maraming salapi ay nangangahulugan ng kakayahang makabili ng maraming produkto at serbisyo na kailangan para sa isang maligayang buhay. Ang hindi pagtatrabaho, o paglulustay at lubusang pagwawalang-bahala sa pera ay tiyak ring magpapababa sa kalidad ng buhay ng isa.

Pero alam ko ring marami pang ibang sangkot sa maligayang buhay: maligayang buhay pampamilya, mabubuting mga kaibigan, makabuluhang trabaho at libangan, upang bumanggit lang ng ilan. Kaya sinisikap ko ring magtaglay ng isang makatuwiran, balanseng pananaw. Gaano man kalakas ang kanilang correlation, alam kong isang makitid na pananaw ang pagtatalaga sa pera bilang natatanging cause ng kaligayahan. Alam kong mapanganib ang pagtatalaga sa pera bilang natatanging cause ng mismong buhay.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...