Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Prague

Dalawang oras lang ang layo ko mula sa Prague, ang tinaguriang Paboritong Lunsod ng Europa. Labinsiyam na euros lang ang biyahe sa tren. Napakaganda ng mga tanawin mula sa tren, na bumabaybay sa tabi ng Ilog Elbe. Parte pa naman ng Schengen area ang Czech Republic, kaya hindi naman kailangan ng panibagong visa.

Mga tagpo sa tabi ng Ilog Elbe: ang Saxon Switzerland.

Kaya ewan ko nga ba kung bakit ngayon ko lang naisipang mamasyal dito.

Isang linggo pagdating ni Steph, naisipan naming pumasyal sa napakaabalang lunsod sa timog-silangan ng Dresden. Ang inaasahang mabuting panahon ay hindi dumating, na para bang nananadya ang tagsibol. Kaya sa gitna ng pagbuhos ng manipis na mga patak ng niyebe, malamig na hanging parang nanunuot hanggang sa buto, at maulap na kalangitan, binaybay namin ang kasuluk-sulukan ng Prague, nakikipagsiksikan sa makapal na karamihan ng mga turistang gaya namin ay nagnanais makaalam kung bakit laging positibo ang pahayag ng mga kaibigang nauna nang nakarating sa lunsod.

At sa palagay ko ay nahanap naman namin ang sagot. Ang bawat gusali sa Prague ay wari bang nakikipagpaligsahan sa isa't-isa para sa titulo ng kagandahan. Bawat hakbang, bawat paglanghap ng hangin, ay wari bang may dalang bagong istorya ng isang lumang panahon. Nakakabusog sa mata ang mga detalye ng arkitekturang Gothic; nakakapukaw sa isipan ang mga gamit mula sa nagdaang kasaysayan na iniingatan ngayon sa mga museo; at talagang nakakapanariwa ng pagod na katawan ang isang plato ng goulash at isang malaking baso ng serbesa.












Nakabalik na kami ngayon sa Dresden, at sa palagay ko ay mas maganda pa rin ang mga kastilyo at mas mayaman pa rin ang mga museo sa aking lunsod. Pero ibang klaseng karanasan pa rin ang dala ng pagbisita sa Prague. Mauubos ang salita para ilarawan ito nang buo. Mapupuno na ang paskil na ito ng mga larawan para lang subukang ipakita ito. Kaya nauunawaan ko na kung bakit gayon ang sabi ng mga nauna nang makabisita. Gaya nila, ang pinakasimpleng paglalarawan na maibibigay ko ay: "Maganda ang Prague. Kailangan mong pumunta." ●

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...