Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paggawa ng lumpiang shanghai

Hindi ko alam kung bakit ang paboritong dumpling ng Pinoy ay nagtataglay ng pangalan ng isang lugar sa Tsina. Isang palaisipan sa akin kung bakit lugar ang idinugtong sa pangalan ng pagkain. Subukan mong pagtabi-tabihin ang mga lumpiang alam natin: lumpiang ubod/sariwa, lumpiang toge/gulay, lumpiang Shanghai; o, di ba, parang may mali? Pwede naman sanang lumpiang karne o lumpiang masarap o kahit ano pang ibang pangngalang o pang-uring may kinalaman sa pagkain ang ginamit na pantukoy sa partikular na lumpiang ito. Talaga nga kayang sa mainland nagmula ang popular na pagkaing ito (ang mismong salitang lumpia, kung tutuusin, ay talaga namang tunog Tsino)? Sakali mang gayon nga, ngayon ay talaga namang tatak na ng Pinoy ang lumpiang shanghai.



*****

Isang gabi ng Biyernes, naisipan naming mag-asawa na magluto ng lumpiang shanghai para dalhin sa isang tanghalian kung saan kami naimbitahan. Unang problema: alas-diyes na noon ng gabi, at alas-otso pa lang ay sarado na ang Asian shop, kaya wala kaming mabibilhan ng pambalot. Ikalawang problema: wala rin kaming mabibilhan ng sawsawan. Ikatlo, at pinakamabigat na problema: hindi namin alam kung paano gumawa ng lumpiang shanghai.

Walang problema! Lahat ngayon ay mahahanap na sa Youtube.

*****

Gamit lang ang harina, itlog, at tubig, inubos namin ang magdamag para gumawa ng lumpia wrappers. Ang pagluluto ay gaya rin pala ng agham: kailangan mong mag-eksperimento. At minsan, ang mga eksperimento ay pumapalya rin. Nagsimula kami sa paggawa ng mga pambalot na animo'y tinapay ang itsura dahil sa kapal. Pagkatapos noon, nakagawa rin kami ng mga pambalot na butas-butas dahil pinilit na maging manipis. Bandang huli na lang namin nalaman kung paano makagawa ng mga may angkop na laki at kapal, matapos na magtapon ng di-iilang mga reject na piraso.


Pagkatapos naman ay ang paghahanda ng karne. Ang sabi ng aming reperensiya sa Internet, kailangan daw na i-masa ang karne at iba pang ingredients (tinadtad na carrots, spring onions, asin, at iba pang pampalasa) gamit ang kamay. Ang hindi nito sinabi ay na masakit sa kamay ang mag-masa ng karne na galing sa refrigerator.


Matapos maihanda ang karne, inilagay na namin ito sa mga pambalot na ginawa rin namin. Dahil kinulang kami ng pambalot, ang pinakahuling gawa namin ay halos hugis parisukat na: punung-puno ng karne at halos hindi na mag-abot ang magkabilang dulo ng pambalot. Pagkatapos, ang aktuwal na pagluluto. Kinailangan naming matutunan kung paano maibalot ang mga ito nang hindi sumambulat sa kawali kapag pinirito.


Samantala, habang naghihintay (upang makasiguradong hindi masusunog ang balat, sobrang baba ng antas ng init ng kalan ang ginamit namin), muli kaming naghagilap sa Internet, ngayon naman ay kung paano gumawa ng sauce. Suka: check. Asukal: check. Ketchup: check. Ilang mga pampalasa: check. Madali lang din naman pala, at halos sabay lang natapos ang pagkaluto ng lumpia at ng sawsawan nito.



*****

Ah; ang amoy. Ang pagkaing ito, na tunog Tsino, at inihanda sa Alemanya, ay nagdadala ng maraming alaala ng mga tanghalian at hapunan sa Pilipinas, sa bahay man o sa Jollibee.

Kaya habang ibinabalot namin ang mga golden brown na shanghai sa isang lalagyang plastik para dalhin patungo sa tahanan ng aming host, ipinasya kong kumuha ng ilang piraso. Inilagay sa plato kasama ng mainit na kanin. Kailangan siyempreng tikman kung masarap ang niluto, hindi ba?


Ang sarap! Sulit ang lahat ng pagod. Kahit hindi ko pa rin alam kung ano ang pinagmulan ng pangalan ng dumpling na ito, alam ko na ngayon kung paano ito gawin. At kung bakit patok na patok ito sa panlasang Pinoy. ●

P.S. Naubos ang lahat ng dala namin; ang mga bata ay talagang nasarapan. Hindi na masama para sa unang pagsubok sa pagluluto.

Mga Komento

  1. Nakakaaliw dinocument mo pla to; at may picture pa ng kamay ko prang di ko nmalayan sa pagkabusy ntin non. Kakamiss! Unga dpt tlg lagi myblumpia dhil patok sya ;)

    TumugonBurahin
  2. Natuwa ako sa sinulat mo at may natutuhan din ako. Sa aki kasi natutuhan ko ito sa teacher ko kaya walang kahirap hirap.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...