Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpapadala ng mga postcard

Bihira ang mga pagkakataong nakatanggap ako ng postcard; karamihan pa sa mga ito ay hindi talaga para sa akin, kundi para sa buong pamilya. Kung tama ang pagkakaalala ko, si Kuya Toto, ang pinsan kong tripulante noon sa isang cruise ship, ay nagpadala ng mga postcard sa amin noong maliit na bata pa lang ako. Nang makapag-asawa si Diche at manirahan sa Europa, nakatanggap kami ng mga postcard mula sa Iceland, England, at kung saan-saan pang mga lugar kapag nagbabakasyon sila. Bago kami maghiwa-hiwalay para sa postdoc, nagpadala nagbigay (hindi na dumaan sa koreo ang mga ito kundi binitbit na niya pauwi) rin si Ekkay ng mga postcard mula sa mga paglilibot niya sa Cambodia at Vietnam. Oo, literal na mabibilang sa daliri ang mga pagkakataong tumanggap ako ng postcard.

Larawan: D. Berthold. Postcard mula rito.

Bukod pa rito, bihira naman akong makakita ng mga postcard sa mga pamilihan. Ang pinakamalapit na sa "postcard" na madalas kong mapansin sa National Bookstore ay ang mga kard na may larawan nina Rizal, Bonifacio, Jacinto, at Tandang Sora. O kaya naman ay ang mga kamukha rin nitong may larawan naman ng mga presidenteng sina Quezon, Osmeña, Laurel, at Macapagal.

Isa pa, ang sistema mismo ng koreo sa Pilipinas ay hindi naman partikular na kilala sa bilis ng pagpapadala. Kung minsan, kahit gaano pa kasipag at kasikap ang mga kartero, nagtatagal ang proseso dahil sa mahirap-tuntuning mga destinasyon na makailang-ulit nang nagpalit ng numero (sa Pilipinas, madalas kang makakakita ng mga gate na may mga markang "Old Number" at "New Number").

Higit sa lahat, ako ay nabibilang sa henerasyong nakasaksi sa malalaking pagsulong sa teknolohiya na bumago sa paraan ng pakikipagtalastasan ng mga tao. Ang sulat ay dahan-dahang napalitan ng text message at email, na napalitan na ngayon ng mga tweet at post. Bakit mo pa kakailanganin ang postcard kung may Instagram naman?

Hayun... matapos ang mahabang paliwanag, ang gusto ko lang namang iparating ay na hindi pa ako nakakapagpadala ng postcard ni minsan, kahit kanino.

Hanggang ngayon.

Kabaligtaran ng lahat ng nabanggit ko ang kalagayan ko dito sa Europa. Regular akong tumatanggap ng sulat at billing statement, at kung minsan ay mga postcard din ng pangungumusta, mula sa mahusay na serbisyo ng koreo. Sa bawat tindahan at restawran sa paligid, laging may nakadispley na mga postcard na iba't-iba ang laki, kulay, at tema. Higit sa lahat, makikita mo mismo sa mga tao -- mga turista sa mga cafe na talagang naglalaan ng panahon para magsulat ng ilang mga simpleng salita sa maliit na espasyo sa likod ng mga postcard at pagkatapos ay pumipila sa opisina ng koreo para bumili ng selyo para sa mga ito -- na hindi pa lipas sa panahong ito ang kaugaliang ito.

Totoo, maaari na ngayong maibahagi ang mga pangyayari sa buhay ng isa habang aktuwal na nagaganap ang mga ito. Ang bawat kuhang panoramic o mga video clip mula sa mga touch-screen device ay pwede nang i-share agad-agad, at pwede pa ngang i-like at pag-usapan ng mga magkakaibigan mula sa magkakalayong panig ng mundo. Pero may kakaibang epekto pa rin ang magagandang larawan at nasusulat na mga mensahe ng mga postcard.

Sa anyong ito ng pagpapahatid ng mensahe, nabibigyang-daan ang pagkamalikhain na hindi kasing-bisa sa ibang plataporma. Makukuha sa potograpiya ang magagandang kulay at detalye, at maipapahatid pa nga sa bidyo ang mga galaw at tunog, pero hindi ito kasing-husay sa pagtatawid ng damdamin gaya ng ilang matulaing mga linya na isinulat sa likod ng postcard.

Ang mga online content ay para sa lahat, pero ang postcard ay para sa isang partikular na kaibigan. Siya, na napakahalaga sa iyo anupat napagpasiyahan mong ibahagi ang iyong karanasan sa kaniya. Siya, na naalala mo kaya mo isinulat ang iyong mensahe sa mga salitang para lamang sa kaniya, at siya lamang ang makauunawa. Siya, na naisip mo kaya talagang naglaan ka ng panahon at lakas -- mahirap din kayang magsulat -- para batiin sa ilang maikling salita.

Kaya naman, habang naglalakad pauwi, huminto ako sumandali sa isang souvenir shop. Pinatapos muna ang isang nakatatandang mag-asawang tumitingin, pumili ako ng pinakamagagandang kuha mula sa mahal kong lunsod, taglay sa isip kung para kanino nababagay ang partikular na tagpo. Matapos makabili, umupo sa tabi at naglabas ng panulat para isa-isang punuin ng mensahe ang mga hawak kong postcard. Masakit sa kamay ang tuluy-tuloy na pagkukuwento; hindi na ako sanay magsulat kaya sana naman ay mabasa pa nila ang mga letra ko. Pagkatapos ay tinungo ko ang pinakamalapit na Deutsche Post para ipahatid ang mga iyon.

Habang binibilang sila ng kahera at pinag-uuri-uri ayon sa destinasyong bansa, bumalik sa isip ko kung paanong wala talaga akong masyadong karanasan sa pagpapadala at pagtanggap ng mga postcard. Siguro, ngayong alam ko na kung gaano ka-espesyal at naiiba ang karanasang ito, bumabawi lang ako.

At, batay sa tagal ko sa counter, bawi na siguro. Bawing-bawi. ●

Mga Komento

  1. I love sending postcards with you! Now I can send sone for you. I just got the one from the Trattoria in Florence and one from Frankfurt. Will send you again one soon :) love you hon!

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...