tungkol sa mga binibili sa National Bookstore

Babala: Hindi ito isang patalastas para sa National Bookstore o anumang produktong nabanggit.



ako ang tipo ng tao na kapag pinabayaan mo sa mall ay pipiliing pumasok sa National Bookstore kaysa sa Timezone o sa department store. hindi ko alam; nasa dugo ko na marahil ang pagka-geek, kaya may kung anong panghalina ang school supplies kaysa sa sapatos o laruan. at, sabihin pa, ang bookstore na kinalakihan ko, gaya ng maraming iba pa, ay ang National Bookstore.

naroon sa mga estante ng National ang mga papel. may guhit o wala, puti o may kulay, matigas o malambot, malaki o maliit. at sa halos lahat ng dulo ng mga estanteng iyon, naroon ang mga makukulay na bolpen. iyon, iyon ang aking puntirya. marahil ay nakasanayan ko na ito, dahil noong bata pa ako, kaunti lamang ang pera ko anupat bolpen lang ang luhong nakakayanan ko. ang dating limang pisong Panda at dalawampung pisong Pilot ay paborito kong ipunin at ipanulat ng mga tula at maiksing kuwento, na ang mga kopya, gaya ng mga istorya at plot, ay pawang naiwala ko na.

kamakailan, sa isang research meeting sa laboratoryo, naarbor ni Sir Chris ang retractable ballpen ko na may apat na kulay. gaya ko, nahuhumaling din pala siya sa pamimili ng mga panulat, mga panulat na naiwawala niya ring lahat. sana'y hindi na niya maiwala ang isang ito. kung sabagay, lagi namang bukas ang mga pinto ng bookstore para sa kapalit.


bago pa man ang panahon ng CAT (na kung saan ay exempted ako) ay mahilig na ako sa tickler notebook, muli, dahil ito lang ang kaya ng laman bulsa ng asul kong shorts noong elementarya. nakakaubos ako noon ng mga pahina ng maliit na kuwadernong ito, lalo pa nang maging reporter ako ng school paper at wari bang ramdam na ramdam ko ang aking papel na pagkalap ng balita. narito rin ang mga drowing ko ng kabukiran (oo, ang naidrowing na rin ng lahat: ang bukid, ang bahay kubo, at ang dalawang bundok na pinagigitnaan ng sumisikat na araw), o di kaya ay ng teacher ko o ni Jose Rizal. ah, talagang nakakasabik tuwing may pagkakataon akong bumili ng kuwaderno sa National.

mga ilang buwan pa lang ang nakakaraan, nang maglipat kami ng mga gamit sa bagong bulwagan, nasorpresa ako sa tumambad sa akin nang buksan ko ang matagal na napabayaang mga kabinet. aba, naroon ang isang bunton ng mga notebook: Green Apple, Catleya, at kung anu-ano pang mga notebook na hindi ko nagamit. mga binili ko sa bawat paglilibot ko sa National.

kung minsan naman ay umuupo lang ako sa isang sulok. noon, ang sulok na iyon ay ang sulok ng mga estante ng aklat pambata. tumitiyempo ako na walang nagbabantay sa saleslady, at saka kukuha ng isang maliit na aklat ng maikling kuwento, mga kuwentong nagbibigay-buhay sa mga pang-araw-araw na bagay. doon ko "nalaman" na si Pina ay tinamad maghanap kung kaya isinumpa siya ng nanay niya na maging pinya (tumikim kaya ang nanay niya ng pinya, kailanman?). doon ako nahantad sa mga akda ni tukayong Rene Villanueva, at ni Eugene Evasco (na nang bandang huli ay naging guro ko pa sa Humanidades sa UP).

sa National Bookstore ko rin nabili ang pinakaunang aklat ko sa physics. Iyon ang Physics for Scientists and Engineers ni Paul Tipler, na ginagamit ko pa rin ngayon sa pagtuturo. mula noon, lahat na ng mga aklat na binabasa ko ay may kaugnayan sa Physics. ngayon nga, sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, digital na ang mga aklat, at mouse na ang ginagamit sa paglilipat ng pahina. at ni hindi na nga aklat ang madalas na kinakailangan ko; sa halip, mga maiikling artikulo na lang mula sa mga scientific journals ang madalas kong pagbatayan sa aking mga sulatin.

sabihin pa, hindi mawawala ang pagkahilig ko sa pagbisita sa National Bookstore. iba pa rin ang pagkasabik na dala ng pagliliwaliw sa gitna ng malalaking estante at kabinet na iyon ng cartolina o Parker pens. siguro nga, ang pagbisita dito ay naging parte na ng pagkatao ko, isang bahaging hindi ko na maaalis o mapapalitan. siguro ibinabalik ako ng National Bookstore sa panahong ang pagkatuto ay nakaka-excite. kung sabagay, naisip ko, sa pana-panahon ay kailangan nga iyon.

Mga Komento

Kilalang Mga Post