Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglilipat


masakit sa ilong ang paulit-ulit na pagbahing dahil sa alikabok.

alikabok na dala ng paghalukay sa mga tambak ng papel at aklat, mga naka-folder at envelope na mga worksheet na nakasiksik sa kailalim-ilaliman ng malaki at lumang aparador. walang saysay ang panyong tumatakip sa mukha dahil wari bang pinuno na nito ang hangin sa loob ng saradong 3234.



masakit sa ulo ang paghahanap ng mga kahon.

mga kahong paglalagyan ng ilan pang mga gamit na nakuha mula sa mga estante at drawer. ang inaakala mong sapat nang tatlo o apat na balikbayan boxes ay kulang pa pala para sa personal mong mga gamit; hindi pa kasama ang mga papel ng mga estudyante na kailangan mong ingatan sa loob ng limang taon. nagkakaubusan na rin ng envelope at plastic bag sa mga faculty room.



masakit sa katawan ang pagbubuhat.

hindi mo naman pwedeng basta itulak ang mga kahon at kabinet sa ngayo'y magaspang nang sahig ng pasilyo. hindi rin madali ang iwasan ang mga gamit ng mga laboratoryo na nakahilig sa magkabilang pader. hindi naman pwedeng mag-arkila ng mga kargador. kung bakit ba naman kasi mabilisan ang paglipat mula sa luma tungo sa bagong gusali.





masakit tuloy sa loob ang pag-alis.

hindi man lang umabot ng isang dekada ang pagpaparoo't parito ko sa Llamas Science Hall. at di naman pinaabot ng kalahating dekada ang pananatili ko sa faculty room. hinagisan ko ng huling tingin ang walang lamang mga kuwarto at bulwagan.

paalam at maraming salamat.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.