Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagbisita sa Asian Shop sa Dresden

Batay sa pagsasalita at sa mga pagkilos niya sa loob ng tindahan, siya rin siguro ang may-ari nito. Isang maliit at singkit na babae, nasa mga 40 ang edad niya sa tantiya ko. Kanina pa siya nagpapaikut-ikot sa tindahan, tumutulong sa pag-aayos ng estante, tumatao sa kaha sa tuwing may magbabayad, nakikipaghuntahan sa mga parokyanong sa palagay ko ay suki na rito.

*****

Tatlong magkakatabing puwesto sa basement parking level ng Dresden Hauptbahnhof ang okupado ng iisang may-aring Vietnamese. Ang isa ay may tindang mga sariwang prutas at gulay mula sa tropiko. Sa panggitnang puwesto, nakadispley ang mga halamang pangdekorasyon sa bahay. At ang ikatlo at pinakamalaking puwesto na nasa tabi ng exit ay ang tindahan ng kung anu-anong mga pagkain mula sa kung saan-saan sa Asya.

Nang una kong tunguhin ito halos isang taon na ang nakakaraan, nasa proseso sila ng pag-aayos, anupat pinapaubos na lang ang mga natirang mga tinda. Ngayon, nagdagdag sila ng mga estante, na puno na ngayon ng mga paninda. Sa pagdating ko, may isang lalakeng trabahador na nagbubukas ng mga kahon ng mga bagong-dating na produkto.

Ito siguro ang dahilan kung bakit abalang-abala ang babaeng kahera. Nakikidampot ng mga lata at bote mula sa kahon at iniaabot sa isa pang babaeng trabahador. O kung minsan naman ay siya na mismo ang naglalagay nito sa dapat nitong kalagyan.

*****

Tinungo ko ang bahagi ng pamilihan kung saan nakalagay ang mga noodles. Nag-aayos siya sa bahaging ito nang dumating ako. Nang makitang nakatingin ako sa Lucky Me Pancit Canton, ngumiti siya at iniabot ang isang pouch sa akin sabay ang isang tanong sa wikang Aleman. "Ja." Naulinigan ko ang "Philippin" sa sinabi niya, kaya nakasagot ako kahit hindi ko naintindihan.


Matapos nito, tumungo naman ako sa ibang bahagi ng tindahan, natutuwa sa tuwing makakakita ng San Miguel o Mama Sita o Marca Piña. Samantala, balik sa pag-aayos sa bahagi ng mga noodles ang mabait na ginang.

*****

Muli siyang ngumiti noong magbabayad na ako. Muli ring nagtanong sa wikang Aleman. "I'm sorry?" Ngayon, wala nang pamilyar na salita; tama na ang pagpapanggap. "No worry. It's nothing," tugon niya, habang isa-isang ipina-punch ang halaga ng mga pinamili ko. "Fier Euro und fünf und siebzig Cent." Eksakto ang binayad ko.

Nakangiti siya muling nagpasalamat, nag-alok ng libreng plastic bag (isang bagay na hindi karaniwan sa mga pamilihang Aleman) at inilagay roon ang mga binili ko. Nagpaalam na rin ako. "Danke schön. Tschüs!"

Nakangiti rin ang kasunod ko sa pila sa pagbabayad. Gaya rin ng kaso ko, marahil ay isang bagong mukha itong kasunod ko; at magiliw siyang kinumusta ng matandang kahera. Isang binatang Tsino (naulinigan kong muli ang "China" sa pag-uusap nila), marahil ay estudyante sa kalapit na unibersidad. Bumili siya ng isang bag ng frozen siomai.

Habang nakatayo sa labas, nag-iisip kung bibili ng papaya sa katabing tindahan, napalingon akong muli sa kaha, at tapos na ring magbayad ang kasunod ko. Kumaway sa akin ang kahera. Ngumiti rin sa akin ang paalis na binata.

*****

Di pa nakakaraan, naging laman din ng mga balita ang Pilipinas, Vietnam, at Tsina dahil sa ilang mga pinag-aagawang pulo. Ang mga nakasulat sa mga pahayagan ay lalo pang nagpapasilakbo ng mga damdaming makabayan na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi.

Pero, gaya ng ipinahihiwatig ng mga pangyayaring iyon sa Asian Shop sa Dresden, dito sa panig na ito ng mundo, simple lang naman talaga ang mga bagay-bagay. Lahat kami ay mga Asyano, mga mamamayan ng daigdig. Dito, hindi mahalaga kung ang trip mong kainin ay pancit canton ala Pinoy o siomai ng mga Intsik; handa kaming kausapin at tulungan ng mabait at masipag na kaherang Vietnamese. Hindi mahalaga kung ang mga bansa namin ay nagpapalitan ng mga banta; dito, nagpapalitan kami ng mga kaway at ngiti. ●

Mga Komento

  1. This story is nice :) that lady seldoms smile at me maybe becoz im a girl? Lol

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...